Mocha Uson roasts ABS-CBN, MTRCB members in video blog; threatens to resign

IMAGE Screengrab from Facebook video of Mocha Uson

Mocha Uson charges in her video blog that the television classification Strong Parental Guidance is being abused, saying, "Ginagamit ito para makalusot yung mga malalaswang eksena… ang SPG, in fact, under PG pa rin ang classification na yun." She did not indicate whether she has raised the issue with her fellow MTRCB members.


Sa video blog na inilabas ni Mocha Uson noong Biyernes, February 17, sinabi niyang inaabuso umano ng isang TV network ang paggamit ng Strong Parental Guidance (SPG) rating nang ipalabas ang “malalaswang eksena” sa mga programa nito.

Ang tinutukoy ni Mocha ay ang “Abuso” episode ng Ipaglaban Mo noong February 11 at ang pilot episode ng afternoon drama series na The Better Half noong February 13.

Ang Ipaglaban Mo at The Better Half ay parehong ipinalalabas sa ABS-CBN.

Para sa bagong board member ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), hindi kaaya-aya sa telebisyon ang ipinalabas na dalawang programa.

Pahayag ni Mocha, “Dapat ang ipinapalabas diyan sa telebisyon ay appropriate for all ages, general patronage.

“Kasi, maraming kabataan ang nakakapanood.

“Yung Strong Parental Guidance, ginagamit ito para makalusot yung mga malalaswang eksena.

“Dahil ang SPG, in fact, under PG pa rin ang classification na yun.”

Napag-alaman pa raw ni Mocha na hindi dumaan sa review ng MTRCB ang partikular na episode ng Ipaglaban Mo noong February 11.

Inireklamo rin daw ng kanyang followers ang pagpapalabas ng mga episode na ito.

Sabi niya, “Ginagamit itong SPG para maipalusot o maipalabas yung eksena diyan sa inirereklamo niyo — yung rape scene sa Ipaglaban Mo sa ABS-CBN at saka The Better Half diyan din sa ABS-CBN." 

Pagkondena ng dating sexy star, "Ang haba ng halikan. Mayroon pang nakapatong yung babae sa lalaki.”


Dagdag na paglilinaw pa ni Mocha, “Itong reklamong ito, hindi lang po sa akin, may public pressure po dito. Kinukulit po ako kung bakit nakakalusot po ito.”

MOCHA TO RESIGN? Kaugnay nito, inilahad ni Mocha na hindi niya basta-basta magagawa ang pangakong pagtatanggal ng mga malalaswang eksena sa telebisyon.

Isa lamang daw siya sa 30 MTRCB board members.

“Kahit ano pong gawin ko para magkaroon ng pagbabago po sa MTRCB at saka mga programang ipalalabas, walang pong mangyayari.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Alam n'yo po kung bakit? Isa lang po ako sa mga board members. Trenta po ang board members doon.”

Binigyang-diin din ng matinding supporter ng administrasyong Duterte ang umano'y pagiging kaalyado ng ibang board members sa nakaraang Aquino administration.

Aniya, “Ang mahirap, yung iba doon ay galing pa sa dating administrasyon.

“At may mga nakasanayan na po silang ginagawa doon.

“May mga iba doon na ayaw sa pagbabago.”

Sa kanyang sumunod na pahayag, nagpahiwatig si Mocha ng pagbibitiw sa puwesto kung hindi niya maibibigay ang naipangakong pagbabago.

Aniya, “Bakit pa tayo nasa MTRCB ngayon?

“Ano na ang silbi natin diyan sa MTRCB kung wala rin palang mangyayaring pagbabago sa telebisyon?

“Kung patuloy pa rin pala ang kalaswaan, ang violence; kung hindi rin naman pala susunod ang pamunuan ng MTRCB sa direksiyon ng bansa natin sa pagbabago?

“Sayang lang po… ang tax niyo na ibinabayad sa amin kung ipalalabas din itong mga malalaswang eksena, na ipinagmamalaki pa ng mga TV network.

“Kung di natin makukumbinsi ang mga board members na pigilan itong malalaswang eksena sa telebisyon, e, magre-resign na lang po tayo.

“Hindi ko po maaatim na tanggapin ang buwis ninyo, ang ibinabayad sa aking suweldo.

“Tapos hahayaan ko lang po na patuloy lang itong mga basurang programang ito na ipinapalabas sa mga TV networks para kumita lang sila.

“Wala na po akong silbi diyan sa MTRCB.”

Sa huling bahagi ng video, sinabi ni Mocha, “I will bring this up to the chairman on Monday. Ia-update ko po kayo kung ano ang magiging feedback po.”

Si Rachel Arenas ang bagong chairperson ng MTRCB.

Humingi ng reaksiyon ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa ABS-CBN tungkol sa video blog ni Mocha, ngunit wala pa silang sagot hanggang ngayon.

 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN