Martin Escudero hints at network transfer after expiration of contract with TV5

IMAGE Mark Atienza

Martin Escudero on his goal as an actor: "Mas gusto ko yung nari-recognize ka bilang magaling, hindi bilang sikat. Siyempre, kailangan mong manatili roon para kunin ka. Yun lang ang pakay ko, gusto lang ma-recognize na magaling."


Kahit tapos na ang kontrata ni Martin Escudero nitong January 2017, nananatili pa rin siyang nasa poder ng TV5.

Aniya, “Hindi pa rin naman ako umaalis sa TV5.

“May ino-offer pa rin silang mga projects, pero tapos na ang kontrata ko.”

Ang pinakahuling TV show na ginawa ni Martin sa TV5 ay ang Happy Hour, kasama sina Janno Gibbs at Ogie Alcasid.

Anim na taong naging contract artist ng TV5 si Martin.

Pero nagbigay ng pahiwatig ang aktor na lilipat na siya ng network.

Saad niya, “Malamang-lamang. Meron nang mga plano, pero naghihintay pa lang ng timing. 

“Kahit bigyan naman nila [TV5] ako ng contract, siguro puwede rin naman akong magtrabaho sa iba.

“Kasi kung freelance naman ako sa TV5, kung sino ang mag-offer sa akin, tatanggapin ko.

“Tingnan natin kung kakailanganin ako ng ibang istasyon, e, di gagawin natin.”

Bukas din si Martin sa pagbabalik niya sa GMA Network, kung saan siya nakilala bilang produkto ng reality-based artista search na StarStruck 4.

Sabi pa niya, “Sa totoo lang, open naman ako sa kahit na anong posibilidad kung sino ang gusto akong makatrabaho.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Martin sa presscon para sa pagbubukas ng Sinag Maynila Film Festival 2017, na ginanap noong nakaraang linggo sa Conrad Hotel.

Kabilang ang pinagbibidahang pelikula ni Martin, ang Lady Fish, na makikipagkumpitensiya sa full-length category. 

Magsisimula ang Sinag Maynila Film Festival sa March 9 at magtatapos hanggang March 14. Ipalalabas ito sa mga sinehan ng Gateway Mall, Ayala Malls, Trinoma, at SM.

THANKFUL TO TV5. Wala raw siyang masasabing hindi maganda sa paghawak ng TV5 sa kanyang karera.

Aniya, “Kasi tumigil sila sa paggawa ng mga soap, nag-produce sila ng variety.

“Sa akin, okey din yun, kasi mas nakaharap kami sa tao, di ba?

“Yung Happy Truck, mas nalilibot namin, mas nakakaharap namin yung tao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kumbaga, mas nahahasa ka sa mas live na show.

“Gaya nun, nakakapagtrabaho naman ako sa labas ng TV5, so okey din.”

Ang tinutukoy ni Martin ay ang paggawa niya ng mga pelikula sa labas ng istasyon.

Inamin ng aktor na nanghinayang siya sa malaking pagbabago sa TV5, at ang pagtigil nitong gumawa ng maraming self-produced shows.

“Nanghihinayang lang ako kasi gusto natin umunlad ang istasyon natin kahit anong mangyari. 

“Alam ko naman na anytime na gusto nilang bumalik, kaya naman nila yun.”

Kung may magagawa lang daw si Martin, gusto niyang manatili pa rin sa poder ng TV5.

Aniya, “Sa totoo lang, gusto ko talaga ang TV5. 

“Kasi walang hassle, walang problema. Lahat sila madaling kausap.

“Ako naman, kahit hindi masyadong marami, basta magkaroon lang ako ng trabaho, nagagawa ko yung gusto ko.

“Ako, kuntento naman ako sa ganun.”

MARTIN’S GOAL. Ang goal daw ni Martin bilang artista ay hindi ang sumikat, kundi ang makilala bilang mahusay na aktor.

“Mas gusto ko yung nari-recognize ka bilang magaling, hindi bilang sikat.

“Siyempre, kailangan mong manatili roon para kunin ka.

“Yun lang ang pakay ko, gusto lang ma-recognize na magaling.”

Dagdag niya, “Medyo maaga akong nag-mature, e.

“Siguro gusto ko ng ganun, ang sumikat, noong panahon ng StarStruck.

“Ngayon kasi nag-i-indie film ako. Piling-pili lang naman yung mga pelikulang sumisikat na indie, kaya hindi na yun ang goal ko, e.

“Kung makikilala, suwerte na ako doon.

“Kahit hindi umingay yung ginagawa ko, basta nari-recognize.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN