Senator Leila de Lima: "Karangalan ko po na ako'y makulong."

IMAGE Facebook photo of Senator Leila de Lima

Senator Leila de Lima: "Lalabas ho ang katotohanan sa tamang panahon."


“Karangalan ko po na ako’y makulong dahil sa mga ipinaglalaban ko po.”

Ito ang palaban pa ring pahayag ni Senator Leila de Lima ilang minuto bago siya sumuko ngayong umaga, February 24, sa arresting team ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), na matiyagang naghintay sa paglabas niya sa parking lot ng Philippine Senate.

Mistulang isang teleserye na sinubaybayan ng publiko mula pa kahapon hanggang ngayong umaga ang pagdakip kay De Lima sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Juanita Guerrero ng Branch 204 ng Muntinlupa Regional Trial Court.

Ito ay kaugnay ng diumano'y involvement ng senadora sa illegal drug trade sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.

“Nananalig po ako sa mahal na Diyos na malalampasan ko rin po lahat na ito,” sabi ni De Lima nang humarap siya sa mga reporter na nag-abang sa paglabas niya mula sa kanyang opisina sa Senado.

Patuloy pa niya, “Wala pong katotohanan, pawang kasinungalingan ang mga ipinaparatang ho nila sa akin. Na ako diumano ay nakikinabang sa droga.

“Diumano, tumanggap ng drug money. Diumano ay nag-coddle o nag-protect ng mga drug convict.

“Pawang ho kasinungalingan ‘yan.

“Lalabas ho ang katotohanan sa tamang panahon.”

Sa kanyang mga sumunod na pahayag, mariing sinabi ni Senator De Lima na patuloy ang laban niya sa kabila ng panggigipit umano sa kanya ng kasalukuyang administrasyon.

“Kung sa tingin ho nila ay mapapatahimik nila ako, kung sa tingin po nila ay hindi na po ako lalaban dun sa mga ipinaglalaban ko, lalo na sa katotohanan, sa katarungan laban sa araw-araw na pagpatay at mga iba pa na panggigipit, paniniil nitong rehimeng Duterte.

“Karangalan ko po na ako ay makulong dahil sa mga ipinaglalaban ko po.

"Ipagdasal n’yo lang po ako,” pahayag ng dating justice secretary bago siya sumuko sa arresting officers ng CIDG.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa panayam ni Pinky Webb ng CNN Philippines kaninang umaga, sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na tila nasisiraan na ng bait si De Lima kaya dinala muna dapat ito sa National Mental Hospital para sa psychological treatment.

Kasalukuyan nang nasa Camp Crame si Senator De Lima. Siya ay pansamantalang made-detain sa loob ng PNP Custodial Center habang hinihintay ang commitment order mula sa korte.

Makakasama niya rito ang mga dating senador na sina Jinggoy Estrada at Bong Revilla Jr., na nakulong noong panahong siya ay justice secretary dahil sa pagkakadawit sa multibillion-peso pork barrel scam.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN