May alitan bang namamagitan sa Kapuso actresses na sina Marian Rivera at Andrea Torres?
Nitong Linggo ng gabi, March 12, nakatanggap ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng mensahe mula sa isang email sender tungkol sa diumano’y isnabang nangyari sa pagitan nina Marian at Andrea sa backstage ng weekly noontime show ng GMA Network na Sunday Pinasaya.
Si Marian, 32, ay regular host ng programa. Si Andrea, 26, ay isa sa mga special guest sa episode nitong nakaraang Linggo, March 12.
Base sa mga impormasyong inilahad ng source sa kanyang email, nasaksihan niya ang insidente at alam daw niya ang pinag-ugatan ng diumano’y hidwaan ng dalawang aktres.
Unang pinuna ng email sender ang hindi pagkakabanggit ni Marian sa pangalan ni Andrea sa spiels nito para sa susunod na segment ng programa.
Sa pagtatapos ng segment na “Kantaririt,” ipinakilala ni Marian at ng co-host niyang si Jose Manalo ang mga magpe-perform sa susunod na gap—sina Julie Anne San Jose, Rodjun Cruz, at si Andrea.
Tanging sina Julie Anne at Rodjun ang binanggit ni Marian, ngunit idinagdag ni Jose ang pangalan ni Andrea.
Ayon sa email sender, sinadya raw ni Marian na hindi banggitin ang pangalan ni Andrea.
Bahagi ng mensahe ng email sender, “Earlier today, Andrea Torres guested in Sunday PinaSaya. Before the prod pa lang on air Marian Rivera refused to say Andrea Torres' name.
“Nung sinasabi na nila the next segment, Marian only said, 'Julie and Rodjun.' Si Jose na lang nagsabi, ‘At si Andrea.’
“Halatang-halata sa TV.”
Kasunod nito ay ikinuwento ng email sender ang nasaksihan niyang eksena sa backstage, pagkatapos ng production number nina Andrea.
“Then on the way to the studio, nagkasalubong si Marian and Andrea sa hallway.
“Andrea said, ‘Hi,’ and then Marian said, ‘EEEEWWWW.’
“Andrea's mom heard it and said, ‘Hoy,’ to Marian.
“Marian walked fast towards the dressing room. Andrea cried sa pantry.”
IS THERE A RIFT? Ayon pa sa nasabing source, sa pagkakaalam niya ay magkaibigan naman sina Marian at Andrea.
Maliban dito, pareho ring talents ng Triple A ang dalawang aktres.
Ang Triple A ay ang talent management company na pagmamay-ari ni Mr. Tony Tuviera. Kabilang din sa talents nila ang Eat Bulaga! star na si Maine Mendoza.
Sabi pa ng email sender, “Iisa lang sila ng manager at ang unang soap ni Andrea sa GMA was My Beloved [2012] where she played Marian's best friend.”
Ngunit nagbago raw ang pakikitungo ni Marian kay Andrea nang maging leading man ng huli si Dingdong Dantes sa Alyas Robin Hood.
Si Dingdong ang mister ni Marian.
Bago matapos ang 2016 ay nagkaroon ng usap-usapang kinumpronta diumano ni Marian si Andrea sa set ng defunct Kapuso primetime series na Alyas Robin Hood.
Ngunit nilinaw ni Andrea sa isang panayam niya noon na wala pa siya sa set nang dumating si Marian para dalawin si Dingdong, kaya hindi raw sila nakapag-usap.
Ayon sa email sender, “Nagselos na si Marian kay Andrea."
May binanggit pang ilang insidente ang source kaugnay ng alegasyon niyang ito.
Duda rin ng email sender, mula sa fans ni Marian ang karamihan ng pamba-bash na natatanggap ni Andrea.
Aniya, "Minumura na si Andrea sa social media."
Ayon pa sa email sender, “Right now, we heard na magpa-file ng formal complaint si Andrea sa management team nila.”
Linggo ng gabi, March 12, kapansin-pansin ang pagpu-post ni Andrea sa kanyang Instagram story ng makahulugang quote na ito ni Abraham Lincoln:
“I would rather be a little nobody, than an evil somebody.”
“NOT TRUE.” Upang linawin ang isyung ito, nagpadala ang PEP ng ilang mensahe sa mga taong posibleng may alam sa diumano'y insidenteng nangyari kina Marian at Andrea—mula sa talent manager, road managers, direktor, writers, hanggang sa co-stars ng dalawa.
Karamihan sa aming mga mensahe ay hindi nakatanggap ng tugon; kabilang na si Andrea na ilang beses naming sinubukang kontakin.
Ang unang tumugon sa aming mensahe ay si Rams David, ang tumatayong manager pareho nina Marian at Andrea.
Sabi niya tungkol sa isyu: “Not true.”
Ayon pa kay Rams, “very okay” sina Marian at Andrea.
Tungkol naman sa hindi pagbanggit ni Marian sa pangalan ni Andrea sa kanyang spiels, sinabi ni Rams na nagkaroon lamang ng problema ang teleprompter ng Sunday Pinasaya kaya nangyari iyon.
Ayon naman sa isa sa mga direktor ng Sunday Pinasaya na si Louie Ignacio, dalawang beses nagkaroon ng power interruption noong Linggong iyon.
Pero hindi raw niya alam kung nagkaroon din ng problema sa teleprompter.
Pahayag ni Direk Louie sa PEP, "Live kasi kaya lahat posible mangyari. Pati nga audio, madalas nawawala pag dead spot."
Nang usisain naman ng PEP kung may alam ba siya sa diumano'y isnabang nangyari sa pagitan nina Marian at Andrea sa backstage, "clueless" daw ang direktor tungkol dito.
Nagtanong din ang PEP sa dalawang artista na naging bahagi ng Sunday Pinasaya noong Linggo, March 12, ngunit wala raw silang alam na may insidenteng naganap.
Ed’s Note: Mananatiling bukas ang PEP sa panig ng lahat ng may kinalaman sa isyung ito.