Ruru Madrid defends Gabbi Garcia from "verbally abusive" rumor

IMAGE Noel Orsal

Ruru Madrid on status of relationship with Gabbi Garcia: "Hindi nga po, pramis po. Hindi po talaga kami. Kung kami talaga, ipaglalantaran ko sa lahat ng mga nilalang!"


Sintigas ng kanyang abs at biceps ang pagtanggi ni Ruru Madrid sa balitang break na sila ng kanyang rumored girlfriend at ka-love team na si Gabbi Garcia.

“Ano pong klaseng break?” tatawa-tawang simula ni Ruru nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa set ng Encantadia kamakailan.

Papilosopong hirit niya, totoong break na sila dahil magkahiwalay na ang mga eksena nila ni Gabbi bilang sina Ybrahim at Alena sa Encantadia.

Pero seryoso niyang sabi, “Kami naman ni Gab, talagang magkaibigan lang po kami. Alam niyo naman po yun, e.

“Siguro, mas marami pa kaming priorities sa buhay.”

Yung totoo, ano bang nangyari sa kanila ni Gabbi?

Giit ni Ruru, “Wala po. Lagi naman kaming magkausap.

“Hindi lang kami masyadong nakakalabas na kaming dalawa lang dahil busy rin po.

“Halos every day po kasi ang taping ng Encantadia, e.”

Bakit ang balita, doon pa lang sa debut ni Gabbi last December 2016 ay hindi na raw sila okey na dalawa?

“Ang sweet nga namin dun, e!” tawa ng 19-year-old actor.

“Nagsalita pa nga po ako nun, e.”

Diin pa ni Ruru, “Wala pong hiwalayan na nagaganap.”

Sabagay, wala pa naman silang diretsong iinamin na sila na nga, di ba?

“Yun na nga po, paano kami magbi-break?” bulalas niya.

BREAK AND ADMIT. Sabi namin kay Ruru, marami namang ganun sa showbiz. Kadalasan, aamin lang na naging sila kapag break na.

O kaya, hindi pa umaamin, pero nag-break na pala.

Ganun ba yung sa kanila ni Gabbi?

“Hindi nga po, pramis po. Hindi po talaga kami.

“Kung kami talaga, ipaglalantaran ko sa lahat ng mga nilalang!” halakhak ni Ruru.

Dagdag niya, “Siyempre magiging proud ako, kunwari naging girlfriend ko na si Gab, di ba? Proud naman talaga.”

Nasaktan ba siya sa nangyari sa kanila ni Gabbi?

Sagot ni Ruru, “Na-hurt ako para sa lahat ng AleBarro na nagsi-ship sa Alena at Ybarro.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi, grabe yung ano nila, e. Ang motto nila ngayon, ‘Kapit, Bes!’ e.”

AleBarro ang tawag sa love team nina Ruru at Gabbi sa Encantandia.

Patuloy ng binata, “Naaawa po ako sa kanila kasi feeling nila, wala na raw kaming time sa kanila.

“Parang kami ni Gab, hindi na raw namin sila pinapansin masyado dahil daw sa YbraMihan o sa iba pa.”

YbraMihan naman ang tawag sa naging love team ni Ruru at ni Kylie Padilla nung nasa Encantadia pa ito bilang si Amihan.

LOVERS’ QUARREL? Bakit may naglalabasan ding isyu na diumano’y masakit magsalita si Gabbi kapag nag-aaway silang dalawa.

Gaano katotoo ‘yon?

“Hindi po. Si Gab kasi, ano siya, e, tahimik na tao,” depensa ni Ruru sa dalaga.

So, hindi totoong ‘verbally abused boyfriend’ siya?

Sagot ni Ruru, “Hindi po. At saka lalaki po ako, papayag po ba ako na ganunin ako ng babae?”

At hindi rin totoo yung balitang matinding magalit si Gabbi, kaya posibleng hindi na raw niya ito kinaya kaya naghiwalay sila?   

“Sobrang hindi po. Si Gab, may pinag-aralan po yun. Sobrang imposible po.

“Kaya nga ang pinagtataka ko, lagi siyang naiisyu na ganun. Sabi ko, imposible.

“Kahit naman tanungin niyo yung ibang artista kung ganun ba talaga siya, hindi naman po.

“Hindi po talaga. As in hindi ako biased,” may diing sambit ni Ruru.

STATUS UPDATE. Paano ba sila ngayon ni Gabbi?

“Nagkukuwentuhan naman po kami lagi.”

Kuwentuhan na lang?

“Umaalis din naman,” napapangiting sundot ni Ruru.

Dati, madalas siyang mag-post sa Instagram ng pictures nila ni Gabbi. Bakit ngayon, hindi na?

Katuwiran ng young Kapuso hunk, “Gustung-gusto kong mag-post ng pictures namin, pero ang dami po kasing nagseselos-selos.

“Yung mga fans, sobra.”

Di ba’t talaga namang sila ni Gabbi ang original na magka-love team?

Sabi ni Ruru, “Pag minsan po, hindi nila [ibang fans] tanggap, e.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bakit siya naaapektuhan sa ibang fans na yun ngayon, samantalang dati ay hindi naman issue ‘yon sa kanya?

Paliwanag niya, “E, siyempre, si Gab din po mismo ang nagsasabi sa akin na bawasan na raw [ang pagpu-post].

“Parang nasasaktan po siya sa mga pamba-bash.

“Katulad nung nag-post ako ng isang photo namin ni Gab, bina-bash siya na, ‘Ano ba? Mas bagay si ganito at si Ruru!’

“So, nasasaktan siya.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN