Kinumpirma ni Rochelle Pangilinan na ngayong taon magaganap ang kasal nila ng longtime boyfriend niyang si Arthur Solinap.
Pero kahit na ngayong taon na, pinag-uusapan pa rin daw talaga ang saktong date dahil sa ilang kadahilanan.
"This year, pinag-uusapan pa," lahad ni Rochelle nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa set visit ng Encantadia sa Makati kamakailan lang.
August daw talaga ang target nila, pero iniisip naman nila na tag-ulan ito at sa isang garden sana nila gustong maganap ang kasal nila sa Tagaytay.
Pero marami na rin daw silang naipi-prepare para sa kasal nila.
Nakapag-food tasting na rin daw sila.
Ayon kay Rochelle, "Humahanap na lang ng schedule.
“Kasi, ang taping namin, Monday, Tuesday, Wednesday, Friday, Saturday.
“Ang free na lang, Thursday.
“May taping naman si Art ng Pepito Manaloto.
“So, medyo saliwa lang ang mga schedules namin."
ROCHELLE'S SPECIAL PLACE. Kung may sigurado na raw sa kasal nila, sa Tagaytay ang venue nito at wala nang iba pa.
Bakit nga ba espesyal sa kanila ni Art ang Tagaytay?
Lahad niya, "Doon kasi naging kami.
“Bago siya mag-propose, alam niyang iba ang Tagaytay sa akin.
“Bukod sa favorite place ko siya na malamig, doon ko rin dinadala si Tatay noong nabubuhay pa."
TRIMMING DOWN GUEST LIST. Kung may gusto lang daw siyang makita sa wedding niya, gusto raw niya ay masaya lang.
Patuloy niya, "Masaya lang, masarap ang food at gusto ko, intimate lang.
“Sa mga nakakakilala lang sa amin, nag-a-advice sa amin.
“Maraming pamilya si Art. Ilan lang naman ang pamilya ko.
"Yung guest namin, nag-stick kami sa 250.
“Madaling sabihin na kaya namin 'yan, 250, pero nang ginawa na namin ang breakdown, oh my God, nasa 400 kami!
“Kailangan mong magtanggal at kailangan mong gumawa ng other way.
“Hindi ko nga alam kung totoo ang R.S.V.P.”
WEDDING ENTOURAGE. Siyempre raw, ang mga taong nakilala niya mula noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz ang ilan sa mga inimbitahan niyang maging bahagi ng kanilang wedding entourage.
Kabilang na rito sina TAPE executive Malou Choa-Fagar, Tito, Vic and Joey, Joy Cancio, at ang manager niya na si Perry Lansigan.
Mga tita at tito naman ang ilan sa inimbitahan ni Art.
Sigurado na rin si Rochelle sa tatayong maids of honor niya na sina Andrea Torres, Max Collins at Luanne Dy.
