Erwin Tulfo resigns from News5's Aksyon; rumored to be moving to another network

IMAGE Facebook Page of Erwin Tulfo

Isang buwan nang hindi napapanood sa Aksyon ng TV5 si Erwin Tulfo. Ayon sa usap-usapan, nag-resign daw ito dahil sa pagkakaalis ng kanyang crew bunsod ng downsizing na ipinatupad ng istasyon sa News department.


Ilang araw nang usap-usapan ang diumano’y pagre-resign ng broadcaster na si Erwin Tulfo bilang co-anchor ng primetime news program ng TV5, ang Aksyon.

Sa regular viewers ng TV5, kapansin-pansing halos isang buwan nang hindi napapanood sa Aksyon ang matapang na broadcaster.

Tanging ang main anchor ng newscast na si Luchi Cruz-Valdes ang napapanood dito gabi-gabi.

Ayon sa impormasyong nakarating sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), hanggang Hunyo na lamang daw mananatili si Erwin sa TV5 dahil lilipat na raw ito sa ibang network.

May nagsabi ring nag-temporary leave lamang daw si Erwin sa primetime newscast ng istasyon, pero nauwi raw ito sa tuluyan niyang pagre-resign.

Halos dalawang taon na si Erwin bilang co-anchor ni Luchi sa Aksyon.

Pero nananatili pa rin siya sa kanyang programa sa Radyo Singko na Punto Asintado tuwing umaga.

May ilang impormante pa ang nagsabi sa PEP na ikinasama umano ng loob ni Erwin ang pagkakatanggal ng kanyang crew nang magkaroon ng downsizing sa News department ng TV5.

Ilang cameramen at assistant cameramen ang tinanggal o kaya ay nag-avail ng early retirement.

Ayon pa sa isang source, ito raw ang dahilan kung bakit hindi na nag-renew ng kanyang kontrata sa Aksyon si Erwin.

Sa pamamagitan ng text, hiningan namin ng pahayag si Erwin ukol dito. Pero hanggang ngayon ay hindi pa ito tumutugon sa amin.

Humingi na rin ang PEP ng statement mula sa TV5 management, ngunit hindi pa rin sila nagbibigay ng pahayag habang isinusulat ang artikulong ito.

Mananatiling bukas ang PEP sa anumang maging pahayag nina Erwin at TV5 tungkol sa ulat na ito. 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN