Nag-post ng isang emotional message sa Instagram ang Kapuso hunk na si Juancho Trivino para sa kanyang kaibigan at co-star sa Bubble Gang at Destined To Be Yours na si RJ Padilla.
Nag-migrate na si RJ sa bansang Australia, kasama ang misis nitong si Rosalie Bianca Abdelsayed-Padilla at ang dalawa nilang anak na babae na sina Raniaah Amira at Royce Aaliyah.
Si RJ ay anak ng aktor na si Rommel Padilla at half-brother ng Kapamilya matinee idol na si Daniel Padilla. Tiyuhin naman niya si Robin Padilla.
Sa episode ng Kapuso primetime series na Destined To Be Yours noong Lunes, April 17, nagpapaalam ang character ni RJ na si Arman kina Badong (Juancho Trivino) at Ninay (Sheena Halili) dahil magma-migrate na sila ng kanyang ina sa ibang bansa.
Totoo raw ang naging pag-iyak ng tatlo sa naturang eksena dahil totoong mamaalam na sa kanila si RJ.
Sa pamamagitan ng kanyang Instagram post ay inihayag ni Juancho ang kanyang saloobin tungkol sa pag-alis ni RJ:
"Brader Rj!! Pinalabas na kanina ung scene na aalis ka, umalis ka na talaga ng hindi kita nakikita.
"since day 1 ng BubbleGang auditions naging kaibigan na kita, inaanak ko yung anak mo at higit sa lahat isa ka sa bestfriends ko.
"Ingat ka dyan sa Australia. There are no goodbyes, see you later lang kapatid!"
Unang napanood si RJ sa 2005 movie na La Visa Loca, kunsaan siya ang gumanap na batang Robin Padilla.
Sa TV, una siyang lumabas sa Pinoy Big Brother: Unlimited (2011) bilang isa sa reserved housemates.
Ang unang teleserye ni RJ sa Kapuso network ay ang My Beloved noong 2012. Nasundan ito ng With A Smile, Adarna, Carmela, Dading, InstaDad , Juan Tamad, at Destined To Be Yours.
Naging regular cast member din siya ng gag show na Bubble Gang.
Ang mga nagawa namang pelikula ni RJ ay ang mga sumusunod: Basement, Sa Ngalang Ng Ama, Ina at Anak, at Bonifacio: Ang Unang Pangulo.
