Inaresto ang dating basketball star na si Paul “Bong” Alvarez sa Baguio City noong April 23, Linggo, dahil sa reklamong pananakit sa kanyang live-in partner na nagngangalang Mary Ann Dungca Ting.
Kung mapatunayan ito, nilabag ni Paul ang Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act (VAWC).
Ayon sa Baguio police officers, inaresto nila ang 48-year-old former basketball player sa tinutuluyan nitong bahay nito sa Purok Cudirao, Loakan Proper, Baguio City.
Sa isinagawang imbestigasyon, nagkaroon daw ng drinking session sina Bong at Mary Ann sa Ganza Restaurant, sa Burnham Park, noong Sabado ng gabi, April 22.
Nauwi raw ito sa hindi pagkakaunawan at nag-away sila. Ngunit ipinagpapalagay na nagkaayos ang dalawa at umuwi na.
Bahagi pa ng police blotter na natanggap ng Station 4, “And while at their billeting area, a heated altercation again ensued wherein the suspected inflicted injuries to the victim to the different parts of her body.”
Humingi raw ng tulong si Mary Ann sa kanila, at inaresto si Paul noong Linggo ng madaling-araw.
Hindi ito ang unang pagkakataong naaresto ang retired PBA cager dahil sa pagiging bayolente nito.
Noong 2007 ay na-involve si Paul sa isang domestic dispute sa kanyang dating asawang si Almira Muhlach.
Noon ding taong iyon ay inaresto ulit ang basketbolista dahil sa pananakit nito sa isang taxi driver.
Inireklamo rin siya ng TV reporter na si Gretchen Malalad dahil sa pagsiko raw nito sa kanyang mukha.
Noong 2016 naman ay inaresto si Paul dahil sa pagsisimula ng gulo sa isang inuman sa Quezon City.
Noong kasagsagan ng kanyang professional basketbal career, nakilala si Paul bilang “Mr. Excitement.”
Naglaro siya sa PBA para sa mga koponan ng Alaska (1989-1992), Sta. Lucia (1993), Shell (1994-1995), San Miguel (1995-1996), at Ginebra (1998).
