Gian Sotto speaks up to defend embattled dad Sen. Tito Sotto

IMAGE Facebook

Gian Sotto on dad Senator Tito Sotto: "Yes, nagkamali po ang tatay ko sa joke niya, and he is sorry for it. Hindi po ibig sabihin nito ay masamang tao na siya."


Nagsalita ang anak ni Senator Tito Sotto na si Quezon City District 3 Councilor Gian Sotto kaugnay ng batikos na tinatanggap ngayon ng ama.

Si Gian ang ikatlo at nag-iisang lalaki sa apat na anak ng senador at ng misis nitong si Helen Gamboa; ang tatlo pa ay sina Apples, Lala, at Ciara.

Inuulan ng batikos ngayon si Senator Sotto dahil sa ginawa nitong biro kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Judy Taguiwalo, habang isinasagawa ang hearing ng Commission of Appointments sa Senado noong Miyerkules, Mayor 3.

Nagbiro ang senador na ang salitang kalye raw sa mga single mother, kagaya ni Taguiwalo, ay "na-ano lang."

Ang "na-ano lang" ay running joke sa “Juan for All, All for Juan” segment ng Eat Bulaga, kung saan isa sa mga host si Senator Sotto.

Sinasabihan ng mga host ng programa na "na-ano lang" ang isang female contestant o "Sugod Bahay" winner kapag nalaman nilang may anak ito ngunit walang asawa o hiwalay.

“LAHAT PO TAYO NAGKAKAMALI.” Nitong madaling-araw ng Biyernes, May 5, nag-post si Gian ng mahabang mensahe sa kanyang Facebook account.

Dito ay inihayag ng batang pulitiko ang saloobin sa "pambabatikos at paninira" na tinatanggap ngayon ng kanyang ama at ng kanilang pamilya.

Saad ni Gian, “Kaliwa't kanan na pambabatikos at paninira sa aking tatay, sa aking kapatid at sa aking pamilya.

"Yes, nagkamali po ang tatay ko sa joke niya, and he is sorry for it. Hindi po ibig sabihin nito ay masamang tao na siya."

Ipinagtanggol din ni Gian ang ama mula sa bashers at mga kritiko nito.

Sabi niya, “Nobody is perfect. Lahat po tayo nagkakamali.

“But, he is the best husband, father and grandfather, and I thank God for him everyday.

“And this is why I'm speaking up. I will forever honor my father.”

Paglilinaw ni Gian, hindi intensiyon ng kanyang ama na maliitin ang single parents dahil may dalawa siyang kapatid na single parents din.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“It was never his intention to offend or to insult anyone. He never doubted the capabilities of single parents.

"May mga kapatid akong single moms at mga kaibigang solo parents, kaya alam po namin na hindi madali ang buhayin ang pamilya ng mag-isa.

“Walang sinabi ang tatay ko na hindi kaya ng isang solo parent, at ng kanyang pamilya, na mag tagumpay sa buhay at makamit ang kanilang mga minimithi.”

Sa huli, sinabi ni Gian na nananalig siyang malalampasan ng kanilang pamilya ang pagsubok na ito.

Para naman kay Senator Tito, ito ang mensahe niya: “Da, I love you so much, po!”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN