Kim Chiu reveals she hoped for reconciliation with Gerald Anderson: "Siyempre ako, asa girl. Tanga, di ba?"

IMAGE Screengrab from GGV

Kim Chiu on rekindled communication with Gerald Anderson after their 2010 breakup: "Tapos nagte-text siya ulit. Tumatawag siya ulit. Siyempre ako, asa girl. Tanga, di ba? Pero okey lang, at least tapos na."


Pitong taon makalipas ang kanilang hiwalayan, naging bukas sina Kim Chiu at Gerald Anderson sa mga pagkakamaling nagawa noong sila pa.

Pag-amin ni Kim, “Kaya ngayon natuto na ako, e. Huwag masyado maging clingy pala.

“Kasi nasasakal sila, di ba?”

Nilinaw naman ni Gerald na karamihan sa away-bati nila noon ni Kim ay dala ng immaturity.

Balik-tanaw ng binata, “Yun mga malakas na away, tapos okey na, okey na.

“Tapos isa pang malakas na away. Tapos okey, okey na. Tapos isang malakas pa na away.”

Sa Pinoy Big Brother Teen Edition noong 2006 unang nagkakilala ang dalawa.

Apat na taon silang naging magkarelasyon, at nagkahiwalay noong mid-2010.

Si Kim ay 27 taong gulang, habang si Gerald ay 28 na ngayon.

Ayon kay Kim, isa sa mga ikinaiinis niya ang hindi pag-reply ni Gerald sa kanyang text messages noong magkasintahan pa sila.

Kuwento ng dalaga, “Mahilig kasi siya matulog, mantika.

“Siyempre magte-text ka. Hindi mo na alam, ‘Nasaan ka na?’

"Hindi na nag-reply, umaga, gabi, madaling-araw.

“Siyempre text ka nang text, nag-alala ka ano nangyari. Tapos hindi ka re-reply-an...

"Tulog pala siya.”

Nakapanayam sina Kim at Gerald ng comedian/TV host na si Vice Ganda sa Gandang Gabi Vice (GGV) episode noong Linggo, May 7.

READING GERALD'S INBOX. Dito ay pakuwelang inamin din ni Kim na madalas niyang pakialaman ang cell phone ni Gerald upang tingnan kung sino ang mga kapalitan ng text messages ng dating nobyo.

Sabi ni Kim, “Kaya nga ako nanonood ng basketball, di ba?

“Tagal nun, hanggang fourth quarter, so naubos ko na inbox niya. Aha!”

Natatawang sumang-ayon si Gerald at sinabing alam ni Kim na 1-2-3-4 ang kanyang mobile password.

Hanggang ngayon ay ito pa rin daw ang mobile password ng binata.

Sa parte ni Kim, natuto naman daw siya sa kanyang pagkakamali noon.  

Aniya, “Kaya ngayon, huwag ka talaga magbabasa ng cell phone kasi ikaw naghahanap ng gulo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Masaya naman kayo kanina bago mag-basketball. After basketball, hindi na…

“Hindi advisable na mag-check ng cell phone.”

Kuwento pa ni Gerald, on and off ang relationship nila ni Kim noon.

Sabi ng binata, "May mga times, parang break kayo tapos hindi break. Tapos magbi-break kayo, tapos hindi pala."

Hanggang sa tuluyan silang maghiwalay bandang mid-2010.

Pagkumpirma ni Kim, "Nung nag-break, tapos na."

ALMOST RECONCILIATION? Sang-ayon ang dating magkasintahan na noong una ay nagkakausap pa rin sila.

Pero kinalaunan ay nawalan na lang sila ng anumang komunikasyon.

Ngunit pag-amin ni Kim, “Tapos nagte-text siya ulit. Tumatawag siya ulit.

“Siyempre ako, asa girl. Tanga, di ba? Pero okey lang, at least tapos na.”

Depensa ni Gerald, “Yun yung sinasabi ko na okey na kayo ulit, tapos..."

Dugtong ni Kim, “Oo, akala mo okey na, pero wala naman.”

Hindi idinetalye Kim kung kailan nangyari iyong umasa siya na magkakabalikan pa sila ni Gerald.

Aminado naman ang aktor na nasanay siyang si Kim ang takbuhan sa tuwing mayroon siyang mabigat na problema.

Paliwanag ni Gerald, “Kaya kahit na nung wala na kami, parang hinahanap mo pa rin yung feeling na yun.”

Sadyang madrama raw sila ni Kim noon.  

Sang-ayon ni Kim, “Oo, sobrang drama namin nun. Hindi puwede kasi talaga…”

Sa puntong ito ay nabitin ang paliwanag ni Kim kung bakit hindi puwedeng maging sila ulit ni Gerald noong panahong iyon.

Natatawang sabi na lang ni Kim, “Wala kasi talaga akong naalala. Pilit ko lang talaga inaalala.”

Wala ring konkretong paliwanag si Gerald kung bakit naudlot ang magandang komunikasyon nila ng ex-girlfriend noon.

Seryosong sabi ni Gerald, “Magulo, e. Magulo talaga. Ang hirap i-explain.

“Minsan may mga sitwasyon sa buhay natin ngayon, kapag inisip ko, sobrang tanga ko rin, ang gulo ko.”

NO CLOSURE. Kuwento pa nina Kim at Gerald, walang pormal na closure ang masalimuot nilang relasyon noon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Basta na lang daw natigil ang palitan nila ng text messages.

Sabi ni Kim, ‘Yung, ‘Tama na, sandali lang, naglolokohan lang tayo dito.’”

Ulit ni Gerald, magulo ang sitwasyon nila noon.

Paliwanag ng aktor, “Minsan kahit magkasama kami, masaya kami.

“Pero pag hindi kami magkasama, ang dami mong naririnig din, ang daming nangyayari.

“Parang masyadong masakit, tapos yun.”

Pagpapatuloy ni Kim, umabot ng dalawang taon bago siya tuluyang nakapag-move on sa breakup nila ni Gerald.

Pabirong nagpasaring din ang dalaga na mas naunang naka-recover sa kanya si Gerald, "Kasi meron na, e."

Hindi tuwirang nagbanggit ng pangalan si Kim. 

Ngunit hindi kaila sa publiko na noong 2010, sumunod na nakarelasyon ni Gerald si Bea Alonzo, at tumagal lamang sila ng ilang buwan.

Mula 2013 hanggang 2015 ay naging karelasyon naman ng binata si Maja Salvador.

Sa ngayon, si Gerald ay napapabalitang nakabalikan si Bea.

Si Kim naman ay ilang taon nang nauugnay sa perennial leading man niyang si Xian Lim.

Ngunit walang diretsahang pahayag ang dalawa sa tunay na estado ng kanilang relasyon magpasahanggang ngayon.

MOVING FORWARD. Sa huli, tinanong sina Kim at Gerald kung ano ang natutunan nila sa kanilang apat na taong relasyon na nauwi sa hiwalayan.

Sagot ni Gerald, “Maturity pagdating sa isang relasyon—kung paano i-handle nang mas maayos.

“Kung paano alagaan yung tao nang mas maganda, kung paano mas respetuhin yung tao, at i-value yung mga ginagawa niya sa ‘yo.”

Sa parte ni Kim, aminado siyang matindi ang sakit na idinulot ng hiwalayan nila ni Gerald.

Idinaan na lamang daw ng dalaga sa dasal kung anuman ang sakit na naramdaman noon.

“Hindi ka naman fully magiging masaya kung hindi ka marunong magpatawad.

“Kasi kahit hindi hiningi sa ‘yo, ibigay mo.

“Kasi hindi naman yung tao ang kalaban mo, sarili mo.

“Iiwas ka, magagalit ka, sisiraan mo. Kapag nakita mo, buwisit ang araw mo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ba’t di ka na lang magpatawad? Tapos hayaan mo na.

“Masaya na kayong lahat.”

Ngayong muli silang nagkatrabaho sa daytime drama series na Ikaw Lang Ang Iibigin, masaya raw si Kim na nadadaan na lang niya sa biro kung anuman ang pinagdaanan nila ni Gerald.

Giit ng dalaga, "Oo, mas okey na yung ganito."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN