Veteran film director Gil Portes dies at 71

IMAGE Facebook

Veteran film director Direk Gil Portes passes away at 71. 


Sumakabilang-buhay na ang batikang direktor na si Gil Portes ngayong Miyerkules ng gabi, May 24.

Siya ay 71 anyos.

Kinumpirma ang malungkot na balitang ito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng kaibigan at kapwa-direktor ni Gil na si Mel Chionglo, na nakausap namin sa telepono ngayong gabi.

Ikinagulat daw ni Direk Mel ang biglaang pagpanaw ni Direk Gil.

Ngunit hindi pa raw niya alam ang detalye tungkol sa pagpanaw ng kaibigang direktor, na isinugod sa East Avenue Medical Center, sa Diliman, Quezon City.

Nakatanggap din ng text message ang PEP na "dead on arrival" na raw nang madala sa ospital ang award-winning director.

Sa kanya namang Facebook post ay nagbigay-pugay ang direktor na si Adolf Alix Jr. kay Direk Gil.

Ang yumaong direktor daw ang nagbukas ng pinto sa kanya sa mundo ng pelikula, sa pamamagitan ng 2002 film na Mga Munting Tinig.

PORTES, THE FILMMAKER. Si Portes ay isa sa itinuturing na pinakamahusay na direktor sa Pilipinas.

Kabilang sa mga obra niya ang sumusunod: Miss X (1980), Never Ever Say Goodbye (1983), Merika (1984), Bukas... May Pangarap (1984), Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina? (1990), Minsan May Pangarap: The Guce Family Story (1995), at Mulanay (1996).

Tatlo sa mga pelikula niya ang naging entry ng Pilipinas sa Best Foreign Language Film category ng Academy Awards: Saranggola (1999), Gatas sa Dibdib ng Kaaway (2001), at Mga Munting Tinig (2002).

Siya rin ang nagdirek ng Markova: Comfort Gay (2000), na pinagbidahan ng yumaong Comedy King na si Dolphy at mga anak na sina Epy Quizon at Eric Quizon

Ang mga huling natapos niyang pelikula ay ang period films na Hermano Puli (2016) at Moonlight Over Baler (2017).

Si Portes ay nagtapos ng kursong Journalism sa University of Santo Tomas.

Noong kanyang kabataan, nagtrabaho siya bilang copywriter sa top advertising firms na AMA, J. Romero & Associates, ay Westinghouse.

Noong 1968 ay natanggap siya bilang production assistant sa dating ABS-CBN.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Noon namang 1969 ay lumipad siya sa Amerika para mag-aral doon.

Bumalik siya sa Pilipinas noong 1972 at nagtrabahp bilang producer-director sa ABS-CBN.

Ang una niyang proyekto ay ang horror anthology na Limbo.

Ngunit sa kalagitnaan ng pagti-taping para sa unang episode, idineklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang martial law.

Noong 1973 ay nagtungo siya sa United Kingdom para sa 10-month training program sa BBC British Broadcasting Corporation (BBC).

Nang bumalik siya sa Pilipinas noong 1974 ay nagtrabaho siya bilang producer-director sa PTV4, kung saan niya ginawa ang drama anthology na Huwaran.

Noong 1976, ginawa ni Direk Gil ang kanyang unang pelikula, ang Tiket Mama! Tiket Ale! Sa Linggo ang Bola, na tumalakay sa mga taong nangangarap manalo sa sweepstakes.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN