Jennylyn Mercado still emotional about Mommy Lydia's passing

IMAGE Noel Orsal

Jennylyn Mercado on being an inspiration to My Love From The Star co-star Jackie Rice: "Feeling ko naman, kaya niya ring pagdaanan lahat ng napagdaanan ko. Kasi nakikita mo yung personality niya, very optimistic."


Hanggang ngayon ay nami-miss ni Jennylyn Mercado ang kanyang adoptive mother na si Lydia Mercado, na yumao noong October 2016.

Hindi nga napigilan ng Kapuso actress na mapaluha nang tanungin tungkol sa yumaong ina.

“Every day, nami-miss ko siya,” sabi ni Jennylyn sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Iniiyakan pa rin daw ni Jennylyn hanggang ngayon ang pagkawala ni Mommy Lydia.

Tandang-tanda raw ng aktres ang mga huling salitang sinabi niya kay Mommy Lydia bago ito nawala.

“Iyon yung bago siya mawala, sabi ko sa kanya, 'Kaya pa? Lalaban pa tayo?'

“Gumanun siya [tumango]. ‘Okay.’ Iyon na yung huli.”

Hanggang ngayon ay kinakausap pa rin daw ni Jennylyn si Mommy Lydia at humihingi ng guidance.

“Lagi, lagi,” ang patuloy na lumuluhang sabi ng aktres.

JACKIE RICE. Samantala, ikinagulat ni Jennylyn ang mga magagandang salita para sa kanya ng co-star niya sa My Love From The Star na si Jackie Rice.

Parehong produkto at winners ng reality-based artista search na StarStruck sina Jennylyn at Jackie; si Jennylyn noong Batch 1 at si Jackie noong Batch 3.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Jackie na si Jennylyn ang dahilan kaya siya sumali sa StarStruck.

Reaksiyon ni Jennylyn, “Totoo? Hindi ko alam ‘yan, pero ang sweet naman ni Jackie.

“Parang… ang sarap din ng feeling na nagiging inspirasyon ka sa mga tao.

“Ano rin, luka-luka rin siya, kaya gusto ko siya.

“Gusto ko siya kasi ano siya, e, napakasaya, masayahin, ganun, kalog.”

Sinabi pa ni Jackie na gusto niyang mangyari sa kanya ang mga nangyari sa buhay ni Jennylyn, sa career at sa personal na buhay.

Pero pagkontra ni Jennylyn, “Huwag naman! Nakakatakot, uy, nakakatakot yung mga pinagdaanan ko, ha!

“Huwag niyang ipagdasal na maranasan yun, ha!”

Ang ibig sabihin ni Jackie ay sa kabila ng lahat ng pinagdaanan ni Jennylyn ay nakatayo ito, naka-survive, at isa sa mga pinakasikat at pinakamahusay na aktres sa kasalukuyan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“A, okay… akala ko gusto niya ring mangyari sa kanya yung…” tawa ni Jennylyn.

Pero patuloy niya, “Feeling ko naman, kaya niya ring pagdaanan lahat ng napagdaanan ko.

“Kasi nakikita mo yung personality niya, very optimistic.

“Kasi ganun lang naman, e. Kailangan mong maging positive sa lahat ng bagay kahit na gaano kabigat, gaano kahirap.

“Basta ang importante, yung loob mo, malakas.

“Tsaka yung kapit mo, talagang hindi ka bumibitaw, lalo na sa Kanya.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN