Mitoy Yonting, Azenith Briones recall terrifying experience at Resorts World Manila incident

IMAGE Kenneth Panlilio, Mitoy Yonting / Azenith Briones on Facebook

Nasaksihan nina Mitoy Yonting at Azenith Briones ang Resorts World Manila incident kaninang madaling-araw, June 2. Nakaligtas naman ang dalawa ngunit hindi pa rin nakikita ngayon ang asawa ng aktres, na kasama niya sa hotel nang nangyari ang insidente. 


Dalawang celebrities ang nasa loob ng Resorts World Manila nang mangyari ang insidente, kung saan 37 na ang kumpirmadong namatay, Biyernes ng madaling-araw, Hunyo 2.

Ito ay ang The Voice of the Philippines 2013 winner na si Mitoy Yonting at ang dating aktres na si Azenith Briones.

Si Mitoy ay regular performer ng Bar 360 sa Resorts World Manila.

Habang nasa kalagitnaan ng performance ang kanyang banda, nangyari ang insidente kung saan isang gunman ang pumasok at nanunog ng ilang gamit sa loob ng hotel and casino.

Sa ulat ng ABS-CBN News online, sinabi ng comedian-singer na nasa unang palapag sila ng Resorts World Manila nang makarinig sila ng putok ng baril sa ikalawang palapag.

Lahad ng Home Sweetie Home actor, “Sa ground floor kami, sa Bar 360 nagpe-perform.

"Sa second floor nangyari yung insidente, pero noong nagtakbuhan na nga sa second floor pababa, nakita namin... Sa personal kong nakita ay yung nagtakbuhan na ang mga tao. 

"At first kasi, may mangilan-ngilan na kaming nakitang nagsuntukan doon, nag-away doon na players, nagkagulo.

"Kaya noong una, ang impression ko, baka may nagsuntukan na naman. Baka may nag-away na naman.

"Pero noong pangalawang bugso ng takbuhan, parang iba na.

"Tapos mayroon na kaming narinig na putok nga, kasi second floor yun.

"Masyadong malaki ang lugar, kaya yung tunog ng putok ay maririnig mo talaga na automatic rifle ang ginagamit."

Hindi na raw itinuloy nina Mitoy ang kanilang performance at umalis ng stage patungong dressing room.

Dagdag pa niya, "Sabi ko nga sa mga tao, 'Huwag kayong mag-alala, don't panic, para di magkagulo.'

"Pero sabi ko nga, noong second wave na ng takbuhan ng tao, e, hindi na ako nagsalita.

"Bumaba kami, pinababa ko yung grupo, yung banda, at pumunta kami sa dressing room.

"Kasi sa dressing room, may exit, at doon kami lumabas.

"Pero sa lakas ng putok, e, bumalik na naman kami papasok.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tapos humahanap kami ng ibang direksiyon palabas."

ON LOCKDOWN. Kitang-kita raw ni Mitoy ang tensiyon sa labas ng Resorts World Manila at ang takbuhan ng mga tao.

Sa kalapit na Villamor Airbase daw sila nag-stay ng halos isang oras, kasama ang halos 100 pang mga tao na galing sa hotel.

“Noong lumabas kami sa Duty Free, sa may gilid ng mall, paglabas mismo namin ng Resorts World noong nasa kalsada kami, heto na naman, may takbuhan na naman.

"Parang mga tatlong beses kaming tumakbo at, yun nga, yung dalawang kasama ko, dumiretso kami ng Villamor Air Base, kasama ng siguro more or less mga 100 persons kaming nakapasok doon sa Villamor Air Base.

"Tapos ni-lock nila yung gate."

Sa mga oras na ito, nagkaroon na ng lockdown ang buong Resorts World Manila dahil sa utos na rin ng pulisya.

Nakauwi raw si Mitoy sa kanilang bahay mga alas-dos na ng madaling-araw.

Iniwan na lamang daw niya ang kanyang kotse at gamit ng kanilang banda sa hotel.

Payo niya, dapat maging alerto ang lahat dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari.

"Kasi kagabi na-experience ko, lahat puwedeng mangyari, kasi may mga galamay pa 'yan.

"I mean, may sniper, nagpapakamatay para makapangdisgrasya, makapangdamay.

“Siguro, sabi ko, puwedeng maging praning, pero in a good way na yung alerto ka.

"Tingnan mo yung paligid, tingnan mo kung saan ka makakatakbo, tingnan mo kung saan ka puwedeng sumuot anu't anuman ang mangyari. 

"Kung makakagawa ka ng paraan, maging alerto ka.

"Minsan, hindi din masamang magduda sa tao."

AZENITH BRIONES. Nasa loob din ng Resorts World Manila ang dating aktres na si Azenith Briones nang mangyari ang insidente.

Ayon pa rin sa ulat ng ABS-CBN Online, nasugatan si Azenith dahil sa kanyang pagtalon mula sa second floor ng hotel and casino.

Ayon sa original star ng Temptation Island, bumibili siya ng pagkain nang nangyari ang insidente.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kuwento niya, “Alas-dose nangyari, e. Nasa second floor ako. Bumibili ako ng pagkain.

"Nung nakita ko yun, pumasok na ako sa kitchen.

"Nagpatulong na ako sa mga staff ng kitchen, tapos yung suffocation, nakatakas kami, nakatalon kami.

"Asawa ko kasama ko, may sisingilin lang ako [sa hotel]."

Hindi raw niya kasama ang asawa sa pagbili ng pagkain, kaya mag-isa lang siya nang tumalon mula sa second floor hanggang ground floor.

Nang makapanayam ng ABS-CBN si Azenith, hindi niya pa alam kung ano ang nangyari sa kanyang mister.

Sa pinakahuling ulat, kasama ang asawa ni Azenith na si Eleuterio Reyes sa listahan ng mga namatay sa insidente.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN