Ryan Agoncillo gears up for Himalayan motorbike trek

IMAGE Nimfa Chua

Ryan Agoncillo flies to India tomorrow, June 1, in preparation for his three-week Himalayan motorbike trek, where he joins a group of seasoned Pinoy motorbike riders for their historic attempt.


Bukas, June 11, ay lilipad si Ryan Agoncillo papuntang India para sa gagawin nitong motorbike adventure paakyat ng Himalayas.

Mga ilang linggo ring mawawala si Ryan para sa biyahe na ‘yon.

Kaya nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Judy Ann Santos-Agoncillo sa presscon kamakailan ng Sun Shorts 2 mini-filmfest ng SunLife ay inusisa namin siya tungkol dito.

Anong nararamdaman ni Juday ngayong sasabak sa isang matindihang mountain trip ang kanyang mister?

“E, siyempre, nalulungkot.

“Pero bucket list niya yun, e.

“Pangarap niya na makapunta roon.

“Pangarap niyang ma-experience yung ride na ‘yon.

“So, su-support ako.

“Kasi, alam mo, kapag mahal mo naman ang isang tao, di ba?

“Kung ano yung makakapagpabuo sa pangarap niya, isu-support mo siya.

“At ipagdadasal ko yung safety ng buong grupo, siyempre. Basta bumalik siya nang buung-buo,” panalangin ni Juday.

Gaano ba katagal ang biyaheng iyon ni Ryan, at ano ang gagawin niya habang wala ito?

“Twenty-one days.

“Magwu-workout ako nang magwu-workout, mga three times a day!

“Yung gano’n. Para ma-busy ako!” natatawang sagot sa amin ng host ng Kapamilya game show na Bet On Your Baby.

ALL-OUT SUPPORT. Makakatulog kaya siya nang mahimbing habang wala ang mister niya, na hindi niya sigurado kung anong kalagayan nito roon sa bundok?

“Kaya nga ako magpapagod.

“Magpapagod ako hanggang sa wala na akong malay.

“Para hindi ako makaramdam ng lungkot. Yung ganyan.

“Pero mabilis naman ang araw.

“Ako, excited ako sa kung anong matututunan niya sa journey niya, sa experiences niya.

“And bata pa siya. Kung ano yung kaya niyang i-achieve sa mga dreams niya, gagawan ko ng paraan na makuha niya,” seryosong pahayag ng 39-anyos na aktres.

INTENSIVE TRAINING. Sa isang hiwalay na kuwentuhan, nabanggit ni Ryan sa PEP na kinailangan niyang sumailalim sa matinding training para sa extreme adventure na ‘yon.

Ang Philippine Team na magmu-motor paakyat ng Himalayas ay binubuo ng pitong riding enthusiasts, kunsaan si Ryan lang ang nag-iisang taga-showbiz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi basta-basta nakapasok sa team si Ryan at kailangan muna itong aprubahan ng grupo dahil “very exclusive” ang riding team na iyon na pawang professionals lahat.

Hindi kasama rito ng Eat Bulaga co-host ang kanyang co-riders sa grupo nilang kung tawagin ay Brappack na kabilang sina Jericho Rosales, Drew Arellano, Paolo Abrera, at iba pa.

Aakyatin ng grupo ang sikat na Himalayan mountain range kunsaan matatagpuan ang ilan sa pinakamatatatas na bundok sa mundo, kabilang na ang highest peak ng Mount Everest.

Bilang motorbike riders sila, sa halip na maglakad sila paakyat ng bundok tulad ng ginagawa ng karamihan ay magmu-motor sila gamit ang rented bikes na para talaga sa biyaheng ‘yon.

Ayon kay Ryan, napakalawak ng Himalayas na naka-spread out sa sa limang bansa sa Asya, kabilang na ang Nepal, India, Bhutan, China at Pakistan.

Sa India side maglalakbay sina Ryan dahil nandoon ang track kunsaan puwedeng maabot ang highest peak gamit ang kanilang mga motorbike.

Aniya, ngayong June lang open ang nasabing track kaya ngayon nila ito gagawin.

Ang famous Mount Everest ay nasa Nepal-Tibet border kaya hindi raw ito makikita nina Ryan dahil nasa India side sila, pero marami rin daw ibang matataas na bundok sa lugar na ‘yon.

Bilang first time nila itong gagawin ay hindi raw nila sigurado kung ano ang kanilang kahihinatnan.

Ayon pa kay Ryan, “No amount of training can prepare us for what we will actually experience out there.”

Dagdag pa niya, hindi biro ang kanilang tatahakin, dahil hindi nila alam kung saan sila puwedeng matulog, maligo, magbanyo at pati na rin kung saan sila kakain sa loob ng 21 days na ‘yon.

Magbabaon sila ng sariling pagkain na malamang daw ay yung tipong military food para madaling dalhin, pero hindi rin puwedeng marami dahil mabigat sa bagahe.

Kailangan din daw nilang magdala ng kanya-kanyang supply ng gasolina, dahil sa haba ng biyahe ay kakailanganin nilang mag-refuel along the way.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi rin nila matantiya kung ano ang weather conditions doon. Puwedeng mainit, pero posible rin daw na biglang umulan.

Nakasisiguro siya na habang paaakyat nang paakyat sa peak ay lalamig nang lalamig ang temperatura.

Hypothermia ang pinaka-posibleng kalaban nila rito, kaya bukod sa panlamig ay magbabaon din sila ng mga gamot bilang paghahanda sa posibleng pagkakasakit dahil sa extreme weather changes.

Isa pang malaking hadlang ay wala raw phone signal doon sa parteng ‘yon ng India, so malamang daw ay sa kabuuan ng kanilang biyahe ay wala silang contact sa kani-kanilang mga pamilya at mahal sa buhay.

Bagamat mahirap at mapanganib ang kanilang gagawing biking adventure, buung-buo pa rin ang loob ni Ryan dahil dream ride niya ito at kasama raw ito sa kanyang bucket list.

Kung hindi kami nagkakamali, ang seven-man riding team nila Ryan ang unang grupo ng mga Pinoy na gagawa ng nasabing Himalayan challenge, kaya malaking karangalan ang maging bahagi nito.

MOVIE DATE. Pagkatapos ng SunLife presscon kunsaan namin nakapanayam si Juday ay magdi-date daw sila ni Ryan.

Naka-sked silang manood ng sine noong araw na iyon.

Wonder Woman ba ang panonoorin nila?

“Oo. Kasi, pag-alis niya, wala na si Wonder Woman! Hahaha!”

Sey ni Juday, nauna na ang date ni Ryan with their second child Lucho.

Noong umagang ‘yon ay ang panganay nilang si Yohan naman ang ka-date ni Rye.

“In fairness kay Ryan, ina-anticipate niya yung time na mawawala siya, that’s why he’s spending so much time with the kids.

“Kasi, parang ngayon na nga lang niya na-realize na, ‘Naku, aalis na pala ako!’

“So ngayon, talagang he’s really trying to make time sa aming lahat.”

BIGGEST WORRY. Anong biggest worry ni Juday sa daring adventure na ito ng mister niya na ngayon lang nito gagawin?

“Ayokong mag-alala, kasi ayokong makaramdam siya na natatakot ako for him.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero lahat, puwedeng mangyari. Kasi, adventure yun, e.

“Tapos, magra-ride sila.

“Pero sana, kung anuman ‘yon, sana hindi naman yung buwis-buhay!

“Sana, something that they will all learn from.

“Basta alam ko, mag-e-enjoy sila and it’s a very good story for Lucho and for the children paglaki nila, na na-experience niya ang Himalayas, na-experience niya ang ride na ‘yan.

“Deserved niya ‘yan, kasi matagal niya na talagang gustong gawin ‘yan, e!” pahabol pa ng ever-supportive wifey na si Judy Ann.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN