Alleged details in rape complaint against "Tawag ng Tanghalan" champ Noven Belleza come out

IMAGE Noel Orsal

Friend of alleged rape victim has this message to netizens who defend singer Noven Belleza: "Hindi po para sa pera o pineperahan namin. Kaya po nasasaktan po talaga kami pag sinasabing pineperahan lang po namin si Noven, at pasikat lang po si Ate Ana. Yung ibang tao po kasi, kahit wala po silang alam, ang dami po nilang nasasabing masasama. Hindi po nila pinapansin kung gaano pong nasasaktan ang biktima po nila."


Hindi natuloy ang inquest proceeding kaugnay ng rape complaint laban sa "Tawag ng Tanghalan" grand champion na si Noven Belleza, sa Cebu City Prosecutor’s Office, kahapon, July 17.

Ito ay dahil hindi pa nakakalabas ng ospital ang singer.

Isinugod sa isang private hospital si Noven matapos itong magreklamo ng paninikip ng dibdib habang nakapiit sa Mabolo Police Station, sa Cebu City.

Inaresto si Noven dahil sa reklamong panggagahasa diumano ng isang 19-anyos na babae.

Base sa impormasyong nakalap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong Martes, July 18, nabasahan na raw ng kanyang sakdal si Noven sa loob ng ospital.

Nagdesisyon daw ang fiscal na may hawak sa reklamo na sila na ang pumunta sa ospital upang ma-inquest ang singer.

Habang isinusulat namin ang artikulong ito, hindi pa malinaw kung nagbigay ang kampo ng biktima ng kopya ng affidavit sa media na nag-cover sa inquest proceeding ni Noven.

TNT FRIENDS. Kaugnay ng kasong kinasasangkutan ng singer, isang Rosa Rethy ang nag-post sa Facebook ng aniya'y "the truth behind the case of Noven Belleza."

Dito ay inilahad ng Facebook user ang nalalaman niya tungkol sa panggagahasa diumano ni Noven sa biktima, na itinago niya sa pangalang "Ana."

Nagdesisyon raw siyang magsalita pagkatapos mabasa ang mga negatibong komento laban sa biktima.

Ngayong araw, July 18, nakausap ng PEP ang Facebook user, sa pamamagitan ng long-distance call sa Cebu City, upang linawin ang mga ibinahagi niya sa kanyang Facebook post.

Napag-alaman ng PEP na Rethy Rosa ang tunay niyang pangalan at pamangkin siya ng boyfriend ng biktima.

Dahil halos magkakalapit ang edad nila, "kuya" ang tawag ni Rethy sa boyfriend ng biktima, at itinuturing naman niya si Ana bilang "future sister-in-law."

Sinabi ni Rethy na ang mga isinulat niya sa Facebook ay base sa mismong kuwento ng kanyang tiyuhin.

“Yung ikinuwento po ni Kuya sa akin, 'yan daw po ang totoo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi marami pong testigo nung araw na yun. Hindi lang naman po sila dalawang magkasama po."

Ayon kay Rethy, gaya ni Noven, naging contestants sa "Tawag ng Tanghalan" ("TNT") ng It's Showtime si Ana at ang boyfriend nito noong 2016.

“Yung kasama po ni Kuya Noven ay yun po yung best friend ni Ate Ana nung high school at isang TNT batchmate po nila. Bale apat po sila lahat."

Paglalarawan pa ni Rethy, "Ito po si Kuya Noven, mabait po talaga siya.

"Yung pakikitungo po niya kay Ate Ana, talaga pong napaka-gentleman niya kay Ate... magalang po siya.

“Naging friend po sila."

Nagpunta raw si Noven sa Cebu nitong weekend dahil guest siya sa concert ni Vice Ganda, ang Pusuan Mo Si Vice Ganda Sa Cebu, na ginanap sa IC3 Convention Center, noong Sabado, July 15.

Pagdating ni Noven sa Cebu City noong Biyernes, July 14, hiniling daw ng singer kay Ana na ipasyal siya nito sa magagandang lugar doon.

Ayon kay Rethy, “Pagpunta po nila dito, naalala niya po agad si Ate Ana, since magkaibigan po sila, at since taga-dito si Ate sa Cebu.”

Si Noven at tubong-Victorias City, Negros Occidental.

Kuwento pa ni Rethy, noong nanalo si Noven sa "Tawag ng Tanghalan," tumawag pa raw si Ana upang ipaabot ang kanyang pagbati.

Pati raw mga magulang ni Ana ay humanga rin kay Noven.

“Kaya nung pumunta po sila dito sa Cebu, bago sila namasyal, sila pong apat, dumaan po muna sila sa bahay ni Ate Ana.

"Tapos doon po, ipinakilala na po siya [Noven] sa parents niya [Ana] po. Tuwang-tuwa pa nga po sila Tito at Tita.

“Ayun po, nung namasyal na sila, pumunta po sila ng D’ Voice [sa Banawa, Cebu].

"Yung D’ Voice po dito, resto-bar po siya."

Uminom ba ng alak sina Noven sa nasabing lugar?

Sagot ni Rethy, “Hindi po nasabi. Bago pa po sila pumunta ng condo, kumain po muna sila sa 7/11."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

THE ALLEGED INCIDENT. Pagkatapos nito ay ikinuwento ni Rethy, base pa rin sa salayasay ng tiyuhin niya, kung paano napunta si Ana sa condo unit na tinutuluyan ni Noven.

“Nung sinabi ni Noven na uuwi na siya, naisip ni Ate Ana na ayaw niya pong pabayaan, na uuwi mag-isa.

"Siyempre po, kakapanalo lang ni Kuya Noven, sikat po siya at kilala na po siya bilang champion ng 'Tawag ng Tanghalan,' puwede po siyang mapahamak.

“Baka holdapin po siya, peperahan, o ililigaw ng driver, di po ba?

"Wala po kasi nakakaalam kung ano ang mangyayari, e, lalo na po siya, sikat po siya, madami siyang pera ngayon, dahil nanalo na po siya.

“Ayun nga po... nagmagandang-loob po talaga si Ate Ana at sinabi niyang, 'Ihahatid ka na namin.'

"Tapos nung hinatid na nila si Noven, walking distance lang po kasi yung 7/11 sa condo."

Nung nasa condo na raw sila, bigla raw sumama ang tiyan ni Ana kaya hiniling nito kay Noven na makikigamit ng CR.

Sabi ni Rethy, “Hindi naman po siya nag-alala kasi nandun naman daw yung manager ni Kuya Noven.

"Pati yung iba po niyang kasamahan, nandun po sa condo unit."

Naiwan daw sa lobby ng condo ang dalawang kasama ni Ana.

“Nung lumabas na daw po siya ng CR, dun na daw po...

"Nagtaka po siya kung bakit wala nang tao sa loob [ng condo unit].

"Tapos ano po, nung nagtangka na po siyang lumabas, hindi na po siya pinapalabas ni Kuya Noven.

"Tapos, parang sinasabi ni Kuya Noven na, ‘Hindi ka makakauwi pag hindi mo gawin yung gusto kong mangyari.’ Parang ganun po. 

“Tapos dun na po siyang sinimulang molestiyahin ni Kuya Noven.

"Ano po, inaano na po yung dibdib niya, hinahawakan na po siya nang puwersahan po."

Ayon pa kay Rethy, “Kung makita niyo si Ate Ana ngayon, ang dami po niyang pasa at kagat sa dibdib niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Bale ginahasa po talaga siya, pero gamit lang po yung daliri lamang po.

“In the middle of the ano po... aabot po ata ng one hour yung pagmomolestiya po, parang ano po, parang bigla po siyang [Noven] natauhan.

“Tapos nung bigla po siyang natauhan, tapos tumigil na po siya at nag-sorry.

“Kaya agad na agad tumayo si Ate at lumabas po ng condo.

"Hinahabol pa nga po siya ni Kuya Noven po sa labas, e, sa lobby ng condo, at sorry po nang sorry si Kuya Noven sa kanya.

“Para po kasi siyang biglang natauhan sa ginawa niya.”

NO SETTLEMENT. Ang una raw pinagsabihan ni Ana sa ginawa diumano sa kanya ni Noven ay ang boyfriend nito.

Kuwento ni Rethy, “After nung nangyari, dali-daling pong umuwi ng bahay si Ate Ana, bale ano na po yun, Saturday ng madaling-araw [July 15].

“Nung umuwi na po siya, hindi po niya agad madaling sabihin sa parents niya po, kasi parang na-trauma pa po siya.

"Kaya ang una niyang nasabihan is yung kuya ko po at ang best friend niya po.

“Tapos yun po, galit na galit si Kuya.

"E, ayaw pong sabihin ni Ate Ana sa parents niya, kasi natatakot siya sa puwede pong mangyari.

“Pero hindi po talaga kaya na hindi po sasabihin sa parents niya kasi, unang-una, mga magulang niya po yun, e, kaya sinabihan ko talaga sila [na sabihin na].

"Pagkatapos pong sabihan, dun na po nakapagdesisyon si Tito at Tita [Ana's parents] na sampahan ng kaso si Noven, kaya pinaaresto po siya sa concert po ni Vice Ganda."

Ayon pa kay Rethy, “Alam niyo po, nung inaresto siya, hindi na nga daw po siya nanlaban, e. Nagpaaresto na daw po siya.

"Kaya po siguro hindi na siya nanlaban kasi alam naman na po niya yung ginawa niya po.

“Tapos dinala na po siya sa Mabolo Police Station.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sabi pa daw po ni Noven, ‘Ana, bakit mo nagawa ‘to? Hindi lang ako ang masisira dito, pati rin ikaw.’"

Kinabukasan, July 16, dumating daw sa Cebu ang producer ng It’s Showtime upang subukan diumanong makipag-settle sa pamilya ni Ana.

Hindi binanggit ni Rethy kung ano ang pangalan ng producer na tinutukoy niya.

“Noong umaga po nung Sunday, nagdesisyon po yung producer ng 'Tawag ng Tanghalan' na kausapin po yung parents ni Ate Ana dahil nais nilang i-settle through money daw po.

“Galing pa pong Maynila [yung producer]."

Pero ayon kay Rethy, "Parang ang laking insult po nito sa parents ni Ate Ana.

"Una po sa lahat, kaya naman siya pinakulong dahil sa kahayupan po yung ginawa niya at malaking krimen po yun.

“At isa pa po, ayaw na po nilang may mabiktima pang iba si Noven kaya gusto nilang ipakulong at panagutan yung ginawa niya."

Nasasaktan din daw si Rethy sa mga negatibong komento ng ilang netizens tungkol kay Ana.

Aniya, “Hindi po para sa pera o pineperahan namin.

"Kaya po nasasaktan po talaga kami pag sinasabing pineperahan lang po namin si Noven, at pasikat lang po si Ate Ana.

“Yung ibang tao po kasi, kahit wala po silang alam, ang dami po nilang nasasabing masasama.

"Hindi po nila pinapansin kung gaano pong nasasaktan ang biktima po nila."

Sabi pa ni Rethy sa PEP, “Yun lang po ang maitutulong ko, yung mailabas yung katotohanan through media.”

Sa naunang report ng The Freeman, local daily sa Cebu, sinabi rin ng mga magulang ni Ana na hindi sila makikipag-areglo.

Ayon sa ama ng biktima, "Dili mi gusto nga duna pa siya’y laing mabiktima maong tinud-on gyud namo siya og kiha para makakuha mi og hustisya sa nahitabo sa among anak.” [“Hindi kami papayag na magkakaroon pa siya ng ibang biktima kaya itutuloy namin ang aming reklamo sa korte para makakuha kami ng histisya sa ginawa niya sa aming anak.”]

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Humingi na ang PEP ng pahayag mula sa pamunuan ng It's Showtime, kung saan nanalo si Noven.

Sa kasalukuyan ay hindi pang inilalabas ng opisyal na pahayag ang kampo ni Noven tungkol sa reklamo laban sa kanya.

Mananatiling bukas ang PEP sa magiging pahayag ni Noven at ng iba pang sangkot sa isyung ito. 


Stories We Are Tracking

"Tawag ng Tanghalan" champ Noven Belleza faces rape complaint
Noven Belleza arrested in Cebu for alleged rape
Noven Belleza arrested in Cebu for alleged rape


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN