Judy Ann Santos clarifies she made peace with manager Alfie Lorenzo before his death

IMAGE Noel Orsal

Judy Ann Santos on late talent manager Alfie Lorenzo: "Siguro mami-miss ko yung pagmumura niya sa akin, saka yung pag-gatecrash niya sa presscon, saka yung pag-walkout niya sa presscon kapag hindi siya naimbitahan, ganun!"


Hindi itinatanggi ni Judy Ann Santos na nagkaroon sila ng ‘di pagkakaintindihan at tampuhan ng yumaong talent manager na si Alfie Lorenzo.

Pero maayos daw silang nagkausap, naglabasan ng sama ng loob, at nagkapatawaran bago pumanaw si Alfie.

Sa katunayan, si Judy Ann ang unang tinawagan nang natagpuang wala nang buhay ang talent manager sa kuwartong tinutuluyan nito sa Solaire Resorts & Casino, kahapon ng madaling-araw, August 1.


Stories We Are Tracking

Veteran talent manager Alfie Lorenzo dead at 78
Veteran talent manager Alfie Lorenzo dead at 78

Ang Kapamilya actress-TV host ang personal na nag-asikaso ng lahat na kailangang ayusin, pati ang sa burol hanggang sa paghahatid ng mga abo ng dating manager sa Pampanga bukas ng umaga, August 3.

Nagsimula ang burol sa Arlington Memorial Chapels kagabi.

Bukas ng umaga ay magkakaroon ng misa bago i-cremate at dalhin sa Pampanga ang mga labi ng talent manager.

Pero idadaan daw muna ni Judy Ann ang mga abo ni Tito Alfie sa Carmelite sisters na inalagaan nito.

Ayon sa aktres, madalas nagdarasal ang kanyang dating manager sa Carmelite sisters at dinadala rin daw siya nito roon.

“Yun yung simbahan na itinuro niya sa amin na puntahan, na mag-novena ako dun tuwing meron akong pelikula.

“Yun yung isa sa mga itinuro sa akin ni Tito Alfie.

“Kung meron man akong dapat hindi kalimutan, yun ang pagpapasalamat at pagdadasal, hindi lang tuwing may kailangan, kundi pag may panahon.

"Gusto ko idaan siya doon para makapag-pay respect sa mga madre na inaalagaan niya doon, especially sila Sister Agnes.

“And then, from there, dadalhin na siya sa Holy Family Chapel sa Pampanga.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Judy Ann sa burol ni Tito Alfie kagabi, sa Arlington Memorial Chapels, Araneta Avenue, Quezon City.

WHAT SHE WILL MISS MOST. Marami raw mga hinding-hindi makakalimutan si Judy Ann kay Tito Alfie, lalo na ang madalas na napapagalitan siya nito.

“Siguro mami-miss ko yung pagmumura niya sa akin, saka yung pag-gatecrash niya sa presscon, saka yung pag-walkout niya sa presscon kapag hindi siya naimbitahan, ganun!” natatawang sabi ng aktres.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag pa ni Judy Ann, “Mami-miss ko siguro yung iniiwasan ko siya, para hindi niya ako matalakan sa harap ng maraming tao.

“Siguro mami-miss ko yung mga mura niya sa akin sa cell phone.

“Siguro mami-miss ko rin yung kinakabahan ako pag makita ko yung pangalan niya sa telepono ko.

“Pero siguro dapat burahin ko na, baka makita ko yung pangalan niya, baka lalo akong kabahan, baka himatayin ako!”

Pero hindi raw ibig sabihin ay may dinadala pa rin siyang galit kay Tito Alfie.

Sa kabila naman daw ng mga sinabi niya, nandiyan pa rin ang pagmamahal.

Hindi rin daw niya makakalimutan ang lahat na kabutihan at tulong na ibinigay ng dating manager.

Saad ni Judy Ann, “Kahit naman nagkaroon kami ng hidwaan ni Tito Alfie, hindi mo naman maalis yung thought na he is a good person, cariño brutal lang talaga siya sa maraming tao.

“Kung gaano kalaki ang hate niya sa ‘yo, ganun din kalaki ang pagmamahal niya sa ‘yo.

“So, kaya feeling ko, deserved din naman na makita ng mga tao si Tito Alfie, lalo na yung mga natulungan niya para makapagpasalamat sila.”

AT PEACE. Hindi pa raw nagsi-sink in kay Judy Ann na wala na ang manager niya at itinuturing na tatay-tatayan.

Pero naisip niyang mag-iiba na ang takbo ng lahat ngayong wala na si Tito Alfie sa buhay niya.

Saad ng 39-year-old actress, “Of course, it’s gonna be different.

“Kasi iba yung alam mong nandiyan siya na hindi lang kayo nagkakausap, kesa sa alam mong wala na talaga siya na hindi mo siya makakausap, hindi mo siya makakasalubong somewhere, na hindi mo siya nakikita kahit kailan.” 

Muli ring nilinaw ni Judy Ann na maayos silang nagkausap at nagkapatawaran.

Pahayag niya, “Actually, yung last na pag-uusap namin ni Tito Alfie, maayos, ha… baka isipin ng mga tao na may hidwaan kami.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Personally, sa paniniwala ko, maayos akong nakapagpaalam sa kanya. Maayos akong nakapag-sorry.

“Kaya siguro din wala ako masyadong hinaing kasi alam ko sa sarili ko na at peace akong nagpaalam sa kanya, at nagpasalamat ako sa kanya.

“I was able to say everything that I wanted to tell him, lahat ng sama ng loob, lahat ng pagpapasalamat, nasabi ko.”

Ayon pa kay Judy Ann, “Kahit naman… alam mo naman mag-aama, mag-iina, nagkakaroon ng tampuhan.

“Alam niyo naman ang mga tampuhan namin ni Tito Alfie, 10, 14, 15 years ago, live kung talakan ako niyan, walang humpay.

“Yun naman yung sinigurado ko, kasi hindi naman dahil sa iniisip ko kung anong mangyari sa kanya…

"Ayoko lang magkaroon ng grudge o magkaroon siya ng sama pa ng loob dahil alam kong grabe magtampo si Tito Alfie.

“Iyon naman ang sinigurado ko sa kanya.”

Umabot ng 28 taon ang samahan nina Judy Ann at Alfie bilang talent at manager.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN