Raquel Pempengco not yet ready to face Jake Zyrus: "Galit ako ngayon, bukas hindi."

IMAGE Instagram / ABS-CBN

Raquel Pempengco (left) admits that she's still hurting now, but realizes that being Jake Zyrus's mom, time will come when she will be ready to forgive: "Bumalik sa akin, umalis sa akin, ilang beses na akong nagpatawad. Pero ina ako, magpapatawad at magpapatawad pa rin ako. Sa ngayon, masama pa rin ang loob ko, pero lilipas din yun. Kilala ako ng mga anak ko. Galit ako ngayon, bukas hindi."

 


Aminado si Raquel Pempengco na hanggang ngayon ay hindi niya matanggap ang ginawang "pagsisinungaling" ng anak na si Charice Pempengco—aka Jake Zyrus—sa national television.

Nagkuwento si Jake ng life story nito sa ABS-CBN drama anthology na Maalaala Mo Kaya (MMK).

Hindi rin daw siya naniniwala sa sinabi ng panganay na anak na mahal siya nito at balang-araw ay mag-uusap sila at mabubuo muli ang kanilang pamilya.

Pahayag ni Raquel sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal): “Sa ngayon, hindi na ako naniniwala dahil nga ilang beses ko siyang pinatawad.

“Bumalik sa akin, umalis sa akin, ilang beses na akong nagpatawad.

“Pero ina ako, magpapatawad at magpapatawad pa rin ako.

“Pero sa sinasabi niyang mahal niya ako, sa ginawa niya, hindi ako naniniwala.

“Sa ngayon, masama pa rin ang loob ko, pero lilipas din yun.

“Kilala ako ng mga anak ko. Galit ako ngayon, bukas hindi.

“Pero lumipas man ang panahon, ang mga hinanakit ay mawawala.

"Pero nakatanim na yun sa isip ko, sa puso ko, yung ginawa ni Charice ngayon."

Patuloy ni Raquel, “Mayroon na akong agam-agam o kaba sa dibdib ko na ano ang ikikilos ko pag nakaharap ko ang anak ko.

“Ito ba ang magpapakita sa akin ng totoo o hindi?

“Hindi pa ako handa sa ngayon.

“Sa ngayon, hindi pa ako handa dahil ilang araw pa lang ang lumilipas.

“Siguro time will come, na pag tumawag 'yan at nagsabi sa akin, 'Mommy, magbabago na ako, uuwi na ako sa iyo.'

“Pag handa na siyang harapin ang pamilya niya at hindi na niya iiwan muli, dun ako maniniwala sa kanya.”

MMK EPISODE. Pinag-iisipan pa rin daw ni Raquel kung itutuloy ang balak niyang sampahan ng reklamo si Jake at ang mga nasa likod ng produksyon ng MMK.

Ito ay dahil sa hindi magandang paglalarawan sa kanya sa "Jumper" episode ng MMK, na ipinalabas noong Agosto 26, base sa salaysay mismo ni Jake/Charice.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Raquel, “Hinihintay na lang ng lawyer yung kasagutan ko kung kailan namin ipa-file yung case."

Dagdag niya, hindi ipinaalam sa kanya ng mga nasa likod ng MMK na magiging bahagi siya ng life story ni Jake.

“Nagtanong ako niyan, siyempre hindi naman ipinaalam sa akin na kasali ako dun.

“Siyempre, dapat binigyan nila ako ng ano man lang, tinawagan ako na, 'May istorya po sa MMK, e. Kasali po kayo. If ever po na may ano kayo, pakitingnan ninyo na lang.'

“E, wala kahit ano. Ibang-iba ang ipinakita nila.

"Kaya nako-confuse ang mga tao kung ano ang totoo—kung yung una na matino si Charice o yung nagrerebelde si Charice."

Ang tinutukoy ni Raquel ay ang naunang pagsasadula ng buhay ni Charice sa MMK noong 2008, base sa sarili rin niyang salaysay.

Sa 2008 episode ng MMK, tinalakay ang pagiging single mother ni Raquel (na ginampanan noon ni Zsa Zsa Padilla) at kung paano niya itinaguyod ang singing career ni Charice.

SHOCKED. Nadismaya raw nang husto si Raquel nang mapanood ang bagong life story ni Jake sa MMK.

Saad niya, “Akala ko kasi, excited akong manonood...

"Akala ko ipapakita dun kung gaano niya ako ka-miss dahil magta-tatlong taon na kaming di nagkikita na walang usap, kundi sa text lang.

“Expected ko, excited ako, na nung napanood ko, 'Anong nangyayari?'

“Umpisang-umpisa pa lang, nakita ko na, nagulat ako, habang nanonood ako, umiiyak ako.

"Halos ma-high blood pa nga ako sa galit, di ko in-expect na ganun ang ipapalabas ni Charice."

Sa bagong pagsasadula ng buhay ni Jake, ipinalabas na isang mahigpit at mapang-abusong ina diumano si Raquel.

Pinipilit at sinasaktan din umano ni Raquel si Charice para sumali sa mga singing contests na pagkakakitaan nila.

Si Dina Bonnevie ang gumanap bilang Raquel sa episode na ito.

Ayon pa kay Raquel, kahit ang nakababatang kapatid ni Jake na si Carl ay galit na galit sa kuwentong inilabas sa MMK.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kahit yung kapatid niya na si Coycoy, halos galit na galit, napapasuntok pa sa kama.

"Sabi niya, 'Bakit ginawa ni Ate ‘yan? Sinungaling siya!'

“Nung nire-relate niya na nagpakamatay daw siya dahil daw sa akin, sabi ni Coycoy, 'Sinungaling talaga siya, dapat ‘yan mamatay na siya.'

“Pero kahit na masama ang loob ko at umiiyak ako, sabi ko, 'Coycoy, huwag kang magsalita nang ganyan, kapatid mo pa rin ‘yan.'

“Talagang di ko matanggap, sobrang sakit.

“Kahit na sinong magulang ang makakita nun, parang pakiramdam ko wala akong nagawang mabuti kay Charice.”

Sa salaysay ni Jake sa MMK, tatlong beses daw siyang nagtangkang magpakamatay.

RETRACING JAKE'S LESBIAN BEGINNINGS. Ayon sa kuwento na inere sa MMK, bata pa lang daw si Charice ay ipinaalam na niya kay Raquel na isa siyang tomboy, pero hindi raw ito matanggap ng ina.

Hindi naman naniniwala si Raquel na musmos pa lang si Charice ay alam na nito kung ano ang kanyang sexual preference.

Saad niya, “Siguro naman kung may higit mang nakakakilala sa anak, e, iyon ang ina.

“Lumaki silang dalawa na ako ang nag-alaga.

“Ewan ko lang, kasi inaano ng nanay ko na siya daw nag-alaga.

“Ang tanong ko sa nanay ko, 'Kailan ako umalis sa tabi ng mga anak ko para sabihin niya na siya ang nag-alaga at nagpalaki?'

“Nag-start na lang na napupuna namin ‘yan [lesbian tendencies] nung time na pasikat na siya, nung nagkakaroon na siya ng mga bagong kaibigan.”

Ang tinutukoy ni Raquel ay ang pahayag ng kanyang ina na si Thess Pineda Relucio na siya ang nag-alaga sa kanyang mga apo.

Isa rin sa sobrang ikinasakit ng loob ni Raquel ay ang lumabas sa kuwento sa MMK na nami-miss daw ni Jake ang yumaong ama, at pakiramdam niya ay ito ang taong tunay na nakatanggap sa pagkatao niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aniya, “Kaya nga naghihinanakit ako sa istorya niya.

“Tatlong taon, magdadalawang taon si Coycoy, wala na siya sa poder ng tatay niya.

“Ni hindi na nga namulatan ang paglaki, kaya nagtataka ako kung kailan niya nakausap ang daddy niya na bumibili pa raw sila ng laruan.

“Never na binili siya ng damit at laruan, dahil nung kami ay nagsasama pa ng daddy niya, lahat ibinibigay lang sa akin ang pera.

“Ako—lahat ng damit, laruan, sapatos—ako lahat ang bumibili.”

CHAT DIALOGUE WITH SHYRE. Samantala, nakarating na rin kay Raquel na may bagong girlfriend sa ngayon si Jake.

Ito ay si Shyre Aquino na isang nutrionist at fitness instructor.

Kuwento ni Raquel, “Bago lumabas yun, nalaman ko...

"Kita mo, kung ako ay itinuring niyang magulang, nalaman ko ang lahat, lahat ng mga balita sa fans club niya.

“Sila ang nagpapadala sa akin.

"Pero sa kanya, never kong narinig, 'Mommy, may bago ako ngayon, ipapakilala ko sa iyo.' Wala.

“Hanggang sa yun palang babae na yun, kilala ko pala matagal na.

“Nagme-message na rin sa akin noon pa.

“Nung nalaman ko, minessage ko siya. 'Hi Shyre, I heard the news, totoo ba?'

“Siya yung nagsabi na ganito ang nangyari, na isang linggo pa lang sila, na hindi si Charice ang cause ng paghihiwalay nila [ng kanyang former boyfriend].

“Siya, siya ang nagkukuwento. Wala akong alam, pero sa kanya ko nalaman.

“Siya na nagsabi na ganito, 'Di po totoo na third party si Charice.'

“Ang kuwento kasi, bale may kasintahan daw.

"Yun lang ang kuwento ng mga ano na umamin naman siya, na klinear naman sa akin, pero wala pa rin akong alam.

“Siya lang nagsabi sa akin na huwag daw akong maniwala dun na may boyfriend daw siyang doktor na iniwanan niya para kay Charice.”

MESSAGE FOR JAKE. Sa huli ay nagbigay ng mensahe si Raquel para sa panganay na anak.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Para sa akin, kung may nalalabi pa siyang Panginoon sa katawan niya, sana inisip niya kung sino ang ginawan niya nang ganun.

“Kahit papaano siguro, kahit isang beses lang na kabutihan, dapat inisip mo na nakagawa pa rin ako ng tama sa buhay niya.

“Hindi lahat ng hinanakit niya ay pagkakamali kong lahat.

“Tingnan din niya ang sarili niya kung may nagagawa din siyang pagkakamali.”

Mananataling bukas ang PEP.ph sa pahayag ni Jake Zyrus at ng mga nasa likod ng Maalaala Mo Kaya para sa kanilang panig.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN