Tuesday Vargas narrates encounter with rude, reckless bus driver

IMAGE Instagram (@tuesday_v)

Tuesday Vargas tells PEP.ph about her encounter with a careless bus driver who hit her van and then tried to intimidate her.


Nag-post ang singer-comedienne na si Tuesday Vargas ng naranasang aksidente sa kalsada at ang tangkang takbuhan siya ng driver ng bus.

Ipinost ni Tuesday ang post sa kanyang Facebook account ngayong Lunes, September 18. 

Sa simula ng post, inilahad ng performer na binunggo ng isang bus ang kanyang sinasakyang van sa kahabaan ng EDSA at nagtangka pang takbuhan sila ng bus driver.

Nang maabutan ang driver at kinausap, ang driver pa raw ang may ganang sigawan siya at magsabing bayaran ito ni Tuesday dahil naabala ang kanyang pamamasada.

Nakipag-ugnayan ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Tuesday upang tanungin sa pangyayari.

THE INCIDENT. Sa pamamagitan ng telepono, nagkuwento si Tuesday.

Patungong Makati si Tuesday para sa isang meeting, at binabaybay ang EDSA mula Clark Field, Pampanga.

Sakay ng van si Tuesday, ang driver nito, at isang staff member.

Dakong alas-tres ng hapon, ibababa na raw ang staff member sa may kanto ng Kamuning at EDSA.

Nakahiga raw sa likod ng sasakyan si Tuesday, pero bumangon siya nang bumaba ang staff member.

“Prior sa pagbaba niya, may nang-cut sa amin na bus.

“I was really aware kung ano ang nangyayari sa kalsada dahil nakita ko siya [bus driver] na kinut niya kami.”

Nagulat man sila, pinalampas daw muna ni Tuesday ang panggigitgit ng bus ng Yohance Express Inc.

Habang nasa harap daw nila ang bus, binubusinahan nito ang isa pang bus na nasa harap nito.

“Ang ginawa niya [bus driver], kinabig yung manibela niya. Gusto niyang unahan yung isang bus na hindi pa naggo-go, tapos dumiretso siya.

“Parang umarya siya ng andar, napitik ang side mirror ng sasakyan ko.

“As in tumagilid yung van namin. Parang umangat siya nang konti kasi nga malakas yung pwersa.

“Natabig ng likod ng bus yung van ko.

“So, binusinahan namin para aware siya, para huminto siya na nabunggo niya ako, pero di siya tumigil,” lahad ni Tuesday.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hinabol daw nila ang bus hanggang sa tapat ng Farmers Mall sa Cubao.

Binabaan daw niya ng bintana ang driver na kinilalang si Ruel delos Santos, pero nakikipagsigawan daw ito.

“Naninigaw na siya doon pa lang, kaya mas minarapat [ko] na bumaba na para makausap, para malaman kung bakit niya kami tinakbuhan.”

Ayaw raw bumaba ng bus ang driver at sinabihan daw si Tuesday ng “Kapag inabala mo ‘ko, babayaran mo yung buong biyahe ko, tapos kasalanan mo. Tsaka wala namang tama [ang van], e, bakit ba ang ano mo, ang arte-arte mo?”

“Ginaganon niya ako,” ani Tuesday.

“Nagulat din ako kasi parang kasalanan ko pa, di ba?

"Sabi ko, ‘Kuya, bumaba ka mag-usap tayo kasi nabunggo mo ako, e. Mag-usap tayo para malaman natin ang gagawin natin.’”

Dugtong ni Tuesday, “Ayaw bumaba, nakikipag-away siya sa akin, sinisigawan niya ako.”

Hinihingi pa raw ng bus driver ang lisensiya ng driver ni Tuesday.

Sinagot daw siya ni Tuesday na hindi puwedeng kunin ng bus driver ang lisensiya ng driver ng aktres dahil hindi ito awtoridad.

Ikinatuwiran daw ni Tuesday na tatawag ito ng pulis upang mag-file ng report dahil sa “traffic accident.”

Sabi pa ni Tuesday, “Ang turo sa atin, pag nag-aral ka magmaneho, pag naaksidente ka, ipapa-police report ‘yan, para kung may damage man yung sasakyan, may habol ako sa insurance ko.”

Ini-intimidate daw siya ng bus driver at hinamon pa si Tuesday na magtawag.

“So, hindi ako nakikipag-argue. Sabi ko, ‘Kuya, sandali tatawag na lang ako ng pulis para mas maayos.”

Naglakad daw pabalik si Tuesday ng kanto ng Kamuning para tumawag ng pulis sa Station 10.

Inutusan din daw niya ang kanyang driver na bantayan ang bus na nahaharangan ng kanyang van.

Nang makatawag ng pulis, sinamahan daw siya nito upang makausap ang bus driver.

Gusto lang daw ni Tuesday na maayos at maareglo ang sitwasyon dahil may mga appointment pa ang aktres.  

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nung last na nabangga yung side mirror P12,000 ang inabot. Di naman biro yung pera kung kaya ko siya ipapasok sa insurance, mas maganda kung may police report. Yun lang naman ang habol ko,” paliwanag ni Tuesday.

Nag-escalate lang daw ang sitwasyon nang kinukunan na ng mga pasahero ng bus ang paninigaw ng driver kay Tuesday at pinapahiya ito sa gitna ng kalsada.

Pareho raw sila ng konklusyon ng tumulong na pulis: mataas ang pride ng bus driver at ayaw humingi ng dispensa kay Tuesday.

Sa himpilan ng pulis ay pareho raw kinuha ang statement nila ng bus driver.

Ipinaliwanag ni Tuesday na kung sa simula pa lang ay nagpakumbaba na ang bus driver at pumayag na makipag-areglo ay hindi na aabot ito sa istasyon ng pulis.

Sabi raw ng aktres sa bus driver, “Kung in-admit mo na lang na may kasalanan ka, operator mo na lang ang kakausapin ko. Kukunin ko na lang information mo para insurance na lang ang mag-usap, di po ba? Di na naabala.’”

Sa istasyon ay ayaw raw umamin ng bus driver sa kanyang kasalanan, at magso-sorry lang daw ito kapag may tama at may gasgas ang sasakyan ng aktres.

“Kaya kahit paano niya ako tratuhin, kahit paano siya makitungo sa akin, kung wala naman daw damage ang sasakyan, abswelto daw siya dapat,” lahad niya.

Mas lalo raw naging defensive ang driver sa harap ng mga pulis.

Sa harap ng mga pulis, pino-provoke pa raw ng bus driver si Tuesday na maghabla.

Dumating daw ang dispatcher ng bus company at nakipag-usap sa aktres.

Ang sabi raw ni Tuesday sa dispatcher, wala namang problema basta gumawa ng kaukulang aksyon ang kanilang kumpanya. 

Hiningi raw niyang mabigyan ng aksyon ang bus driver at masuspinde ito upang matuto sa maling ginawa.

Sinabi rin ni Tuesday sa dispatcher na magpa-file siya ng incident report upang ma-review ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang lisensiya ng bus driver at maukulan ng tamang aksyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pinapupunta raw sila sa LTRFB office bukas, Martes, September 19.

Nakausap din daw ng dispatcher ang may-ari ng bus at ang bus driver.

Sinabihan daw ng owner ang bus driver na mag-sorry kay Tuesday.

Pero nakapagdesisyon na raw si Tuesday na mag-file ng complaint para matuloy ang pagla-lodge ng grievance nito dahil hindi rin tama ang inasal ng bus driver.

“Ordinaryong mamamayan din ako, kagaya ng nasa kalsada sa araw-araw,” pahayag ni Tuesday.

Hindi rin daw niya ikinatuwiran na artista siya sa pakikipag-usap sa bus driver.

“Wala po ako sa ganoong katuwiran. Kung meron po talagang naganap sa kalsada, dapat humihingi ng tulong sa authorities para mas tama ang pag-handle ng sitwasyon.

"Tsaka kalmado ko naman po siyang hinarap. Wala naman po akong naipakita sa kanya na ikakatakot ko kung makunan man kami [ng video]."

LESSONS. Paalala ni Tuesday sa mga motoristang kagaya niya, “Be vigilant lang when you drive. Always be defensive lang po.

"Kalmado lang sa kalye tsaka kung anuman, pulis pa rin ang tutulong sa atin sa ganong sitwasyon.”

Dugtong niya, “Kung nag-sorry na lang siya, tapos nagbigayan kami ng information, mabilis lang pong naareglo. Wala naman pong problema sa akin.”

Paalala rin ni Tuesday,  “Suggestion ko po, magsalita po sila ta's mag-complain po talaga at mag-file sa police station ng report.

"Kasi, kung pababayaan po natin, unchecked ang ganitong ugali ng driver at di nabibigyan ng proper consequences nila sa kalsada natin…

“Lahat ng bagay nadadaan sa maayos na pag-uusap. Kung meron unreasonable na kausap, di po niya deserve ang oras ko.

“Aabangan ko na lang po ang magiging decision ng kumpanya [ng bus], but I will remain steadfast in my stand na hindi ako titigil hangga’t di po siya nare-reprimand," paliwanag ni Tuesday, "kasi important po sa akin na mabawasan ang ganoong pag-uugali sa daan kasi nanay din po ako.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bukas ang PEP.ph sa panig ng Yohance Transportation Inc. hinggil sa isyu.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN