Joey de Leon apologizes for insensitive comment about depression: "Nagkamali po ako."

IMAGE Screengrab from Eat Bulaga!

Joey de Leon says sorry for his "gawa-gawa lang" remark about depression. "Ako'y humihingi po ng paumanhin sa mga napaitan sa mga nabanggit ko, at humihingi ng inyong unawa."


Humingi ng paumanhin ang Eat Bulaga! host na si Joey de Leon dahil sa kanyang pahayag kahapon, October 5, na "gawa-gawa lang ng mga tao" ang depression.

Bago magsimula ang segment na “Juan for All, All for Juan” sa GMA noontime show ngayong Biyernes, October 6, humingi ng dispensa si Joey sa publiko dahil naging “mababaw” raw ang kanyang pananaw tungkol sa depression.

Panimula niya, “Dala po ng gulo at tuksuhan namin, e, naging mababaw lang at magaan ang pagtanggap ng inyong lingkod sa salitang 'yan.

“Hanggang nabanggit ko nga yung, 'Wala, gawa-gawa lang 'yan ng ibang tao.'

“Yun kasi ang paniniwala ko, na ang stress at depression ay halos magkapantay lamang.

“Huwag niyong asahan na alam ko ang lahat ng bagay sa mundo.

"Habang nabubuhay po tayo, e, natututo tayo ng mga bagong mga bagay-bagay."

Pagpapakumbaba niya, “Nagkamali po ako.”

Nabanggit din ng 70-year-old TV host-comedian na dahil sa kanyang pahayag, napagalitan siya ng kanyang asawang si Eileen Macapagal.

Pinaliwanagan din daw siya ng kanilang mga anak tungkol sa depression.

Kuwento ni Joey, “So, kahapon po, yung tungkol sa depression na nabanggit ni Maine, e, pinagalitan ako ng misis ko, si Eileen.

“Pag-uwi ko po, pinagalitan ako, ipinaliwanag niya.

“Pati ang mga anak namin sinabi, 'Daddy, hindi stress 'yan at depression.'

“[Sabi ko] 'Hindi, yun ang alam ko, e. Yung iba, kapag nawalan lang ng boyfriend, nade-depress na.'

“Ganun, hanggang sa naggaganun pa ako...

"Lalo akong nahiya sa sarili ko nang banggitin ni Eileen na may mga malalapit kaming mga mahal sa buhay na nagdurusa sa ganung kalagayan."

Diin niya, “So, ako'y humihingi po ng paumanhin sa mga napaitan sa mga nabanggit ko, at humihingi ng inyong unawa.”

APOLOGIZING TO MAINE. Humingi rin daw ng paumanhin si Joey sa co-host niyang si Maine Mendoza, na siyang nagpaalala sa programa kahapon na hindi biro ang usapin tungkol sa depression.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Lahad ni Joey, “Kagabi, tinawagan ko si Maine.

"Nag-sorry ako kay Maine agad dahil siya yung nagbanggit nun sa usapan naming tatlo.

“Siya yung nagbanggit nung tungkol sa depression. Medyo nakaluwag yung paghinga ko.

“Medyo hirap na akong matulog hanggang di umaabot itong pagkakataon na 'to.”

Dahil sa kanyang pagkakamali, umaasa si Joey na mas mamulat pa ang kaalaman ng publiko tungkol sa mental health.

“Kung may maidudulot mang mabuti ang aking pagkakamali, e, sana'y mabuksan nito ang maraming pinto sa pagtalakay sa isyung ito, yung tungkol sa depression.

“Hindi ko alam na ganun kalawak at kalalim pa yun. Akala ko, yung stress 'yan, ganun-ganun.

“So, ulit, humihingi po ako ng kapatawaran sa mga nasaktan, nagalit. I'm sorry.

“May kasabihan naman tayo na mapait man ang ugat ng karunungan o edukasyon, karaniwan naman matamis ang ibinubunga nito.

"Yun lang po at maraming salamat po."

Kasama ni Joey sa loob ng studio kanina sina Maine at Alden Richards, kaya narinig nang direkta ng dalawa ang paumanhin ng beteranong TV host.

Hindi na nagbigay pa ng pahayag si Maine o maging si Alden.


Stories We Are Tracking

Maine Mendoza contradicts Joey de Leon's view of depression
Maine Mendoza contradicts Joey de Leon's view of depression
Fellow celebs react to Joey de Leon's comment on depression
Fellow celebs react to Joey de Leon's comment on depression
Alden Richards reveals his late mom battled depression
Alden Richards reveals his late mom battled depression

THE QUIET ONES. Samantala, nakiusap naman ang Eat Bulaga! co-host ni Joey na si Ryan Agoncillo sa mga magbibigay ng reaksiyon tungkol sa isyung ito.

Ayon sa mister ni Judy Ann Santos, “What happened yesterday was a mistake and everyone admits it.

“Ang problema, hindi dun sa maiingay. They are the quiet ones who are affected.

“As you react today, from this point on, as we react, let's be honest, sana hindi sa galit manggaling ang reaksiyon niyo, sana sa pagmamahal.

"Yung nangyari, may dahilan."

Nagbigay rin ng mensahe si Ryan para sa mga masusugid nilang manonood na nakararanas ng depression.

“So, to the quiet ones out there, nandito ang mga Dabarkads para sa inyo, lagi 'yan.

“Minsan, hindi po namin kayo kailangang sumigaw sa inyong pagmamahal sa amin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang kailangan namin minsan, upo kayo sa tabi namin at makinig tayo sa ihip ng hangin, Dabarkads,” sabi ni Ryan.

Tinapos ni Joey ang paghingi nila ng paumanhin sa pamamagitan ng pagsabi nito: “Let's spread awareness.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN