Aga Muhlach on struggles as newbie: "Meron ding mga artistang nang-api sa akin."

IMAGE Mark Atienza

Aga Muhlach on being praised by his younger co-stars: "It's flattering and, at the same time, it's embarrassing when you're being praised in front of madaming tao. But, you know, I'll take it. Thank you, maraming salamat."


Inamin ni Aga Muhlach na nakaranas din siya ng pang-aapi mula sa ibang artista noong nagsisimula pa lamang umangat ang kanyang showbiz career.

Sa press conference ng pelikulang Seven Sundays, nitong Linggo, October 8, nakatanggap ng papuri ang dating matinee idol mula sa kanyang co-stars na sina Dingdong Dantes, Enrique Gil, at Cristine Reyes.

Sagot ng 48-anyos na aktor sa papuri ng mga kasama, “It’s flattering and, at the same time, it’s embarrassing when you’re being praised in front of madaming tao.

"But, you know, I’ll take it. Thank you, maraming salamat.

“In my experience, and even with my co-actors, wala akong inaaway, kinaiinggitan."

Dito na sinabi ni Aga ang naging karanasan niya noong umaakyat pa lamang siya sa industriya.

“Naramdaman ko rin, kasi dati, meron ding mga artistang nang-api sa akin nung bago pa lang ako.

“May nakita akong... pag bagong sikat, makikita mo yung attitude nila na parang dadaanan ka na, parang, ‘Ba’t ganun?’” 

Dahil daw rito, inilagay sa isip ni Aga na maging mabait sa kanyang mga katrabaho.

“Basta sinabi ko lang nun, nagdiin sa utak ko, yung sabi ko, ‘Pag ako nakapuwesto ako nang maganda, ‘yan ang hindi ko gagawin habang buhay.’

"So, lahat ng nakasama ko—bago, kahit matandang artista, matagal—yung paggalang ko bilang tao, hindi ko iaalis yun.”

Inusisa si Aga kung sino ang mga artistang nang-api sa kanya, subalit tumanggi siyang tukuyin ang mga ito.

“Wala na sila. Wala na sila,” nakangiti niyang sabi.

Halos apat na dekada na ang inilalagi ni Aga sa showbiz industry.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN