Totoo bang sinuspendi ni Joey de Leon ang kanyang sarili sa Eat Bulaga?
Ito ay kasunod ng kanyang pag-aming nagkamali siya sa mababaw niyang pananaw tungkol sa depression.
Sa kanyang Instagram account kagabi, October 10, sinabi ng beteranong TV host at comedian na gagamitin niya ang self-imposed suspension para sa pagbibiyahe.
Saad ni Joey sa kanyang post: “I made a mistake and I'm suspending myself... An ounce of suspension is worth a pound of tour!" Ngek!”
Sa pahayag ng 70-year-old Eat Bulaga! host, hindi malinaw kung nagbibiro o seryoso siya sa kanyang sinabi, ngunit kilala ito bilang seryosong biyahero.
Makikita sa post na si Joey na siya ay nasa iCremeria, isang sikat na dessert restaurant sa Hong Kong.
Nagkataon namang ipagdiriwang ng Eat Bulaga! host ang kanyang ika-71 kaarawan sa Sabado, October 14, kaya bumuhos ang pagbati mula sa ilang netizens.
Kabilang sa mga bumati sa kanya ang dancer-actor na si Joshua Zamora, mister ni Jopay Paguia.

Biro naman ng anak ni Joey na si Jocas: "Be good!! But at least marunong magsorry! And you know what for!"

Noong October 5, naging trending topic sa Twitter si Joey dahil sa kanyang insensitive comment, sa national television, tungkol sa depression.
Aniya, "gawa-gawa lang ng mga tao" ang depression.
Kinabukasan, October 6, humingi ng dispensa si Joey dahil sa kakulangan ng kanyang kaalaman tungkol sa mental health problem na ito.
Pinuri naman ng netizens at ilang celebrities ang pagpapakumbaba ng iconic TV host-comedian.
