Janine Gutierrez on Rayver Cruz: "Kasundo niya ang pamilya ko... malaking bagay na yun sa akin."

IMAGE Noel Orsal

Janine Gutierrez, a Kapuso, is happy that her mom Lotlot de Leon is friends with Rayver Cruz, a Kapamilya. Janine says her dad Ramon Christopher also gets along with Rayver; they talk basketball.


Wala pang malinaw na deskripsyon si Janine Gutierrez sa closeness nila ni Rayver Cruz maliban sa madalas silang nagkikita at lumalabas-labas.

Pahayag ni Janine, “Ganun pa rin po, lumalabas-labas at masaya.”

Hindi rin masabi ng Kapuso star kung sila ba ay exclusively dating ng Kapamilya actor.

Aniya, “Wala pa po kaming mga gano'ng usapan, e. Basta, relax lang po kami at enjoy lang po.”

Sa pagngiti-ngiti ni Janine sa mga sagot niya tungkol sa status nila ni Rayver, tila pinipigilan nito ang sarili na magsalita habang kinukulit ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

May usapan ba sila ng aktor na i-sikreto muna ang kanilang relasyon?

Mabilis na tugon ni Janine, “Hindi naman po, wala naman po. Totoo naman po na talagang masaya, pero relax lang.

“Masaya lang po, kasi naging close kami—masaya siyang kasama, masaya siyang kausap, gano'n.”

Kailan niya naramdamang masaya siya kay Rayver?

Nag-isip muna si Janine at saka nagsabi, “Siguro po nong nagkita ulit kami sa South Grill, masaya talagang kausap yung mga yun.”

Ang South Grill ay ang restaurant sa Parañaque City na pag-aari ni Lotlot de Leon, mama ni Janine.

At ang mga tinutukoy niyang "mga yun" ay sina Rayver at Rodjun Cruz: “Kasama din namin si Rodjun, at magkapatid sila, at kasama siya sa teleserye.”

Boyfriend material ba si Rayver?

Hindi naman nag-alangan sa sagot niya si Janine, “Oo naman, mabait.”

Hindi na naituloy pa ni Janine ang sasabihin dahil parang kinilig na siya sa sinabi niya, “Masayang kasama.”

Sambit pa niya, “At yun nga po, kasundo niya ang pamilya ko... malaking bagay na yun sa akin.”

Nakapanayam ng PEP si Janine sa presscon ng lalabas nilang horror movie, Spirit of the Glass 2, The Haunted, na ginanap noong, Huwebes, October 12, sa Limbaga 77 Resto, QC.

THUMBS UP FOR RAYVER. Isa sa mga unang pumabor sa kanilang paglalapit sa isa’t-isa ay ang ina ni Janine. 

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa interview pa lang kay Lotlot tungkol sa anak at kay Ray, palayaw ni Rayver, pinuri na ni Lotlot ang aktor.

Komento ni Janine rito, “Oo nga, e. Nakakalerkey." (Ito ay swardspeak para sa nakakaloka.)

Base sa pagkagiliw ni Lotlot sa aktor, hindi na kinakailangan pang mag-effort nang husto ni Rayver para mapalapit sa ina ni Janine.

“Siya po ang naglalalapit, si Mama, charot,” natatawang sambit ni Janine.

“Hindi, magkasundo po silang talaga, e, ever since parang anak-anakan niya si Ray.

“Gumawa sila ng Spirits dati na pinapanood ko rin noong bata pa ako, kaya malapit talaga si Mama sa kanya."

Ang Spirits ay ang TV series ng ABS-CBN noong 2005, kung saan isa sa mga bida si Rayver at gumanap namang mangkukulam si Lotlot.

Patuloy ni Janine, “At saka si Mama, malakas makiramdam ‘yan sa mga tao.

“Kung gusto niya ang isang tao, mabait talaga, at saka parang nasa mabuting kamay ka.

“Nakakatuwa kasi friends sila, hindi naman talaga na nagi-effort sila para sa akin, talagang kusang magkaibigan at magkasundo sila.

“Kahit pa bago pa magkita kami ni Ray, talagang binibisita na niya si Mama sa restaurant ni Mama, taga-doon siya, e.”

Ayon pa kay Janine, “Noong una naiinis ako kasi parang ang saya-saya ni Mama, wala pa namang nangyayari, parang excited si Mama. 

“So, in a way masaya si Mama na nakakasama rin si Rayver.”

Magkasundo rin daw sina Rayver at ang ama ni Janine na si Ramon Christopher.

Kuwento ng dalaga, “Magkasundo sila kasi pareho silang mahilig sa basketball, e. 

“Saka yung parents ko naman hindi naman mahirap makasundo.

“Dahil bagets pa sila at saka very friendly din—masaya, masaya.”

Maliban kay Janine, ang iba pang cast ng Spirit of the Glass 2, The Haunted ay sina Cristine Reyes, Daniel Matsunaga, Benjamin Alves, Ashley Ortega, Enrico Cuenca, Aaron Villaflor, Dominic Roque at Terry Malvar.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ito ay sa direksyon ni Jose Javier Reyes para sa OctoArts Films at T-Rex Entertainment.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN