Jason Abalos on his transfer to GMA Network: "Three years kong iniisip at 'pinagdarasal."

IMAGE Noel Orsal

Former long-time ABS-CBN talent Jason Abalos explains why he decided to transfer to GMA Network: "Gusto ko mag-experiment, gusto ko mag-explore, kumbaga, bilang artist. Gusto ko lumawak yung range ng kakayahan ko. Gusto ko tumagal sa industriya." 


Ibinahagi ni Jason Abalos na dumaan siya sa “mahabang proseso” bago nagdesisyong lumipat sa GMA Network, matapos nang 12 taong pananatiling exclusive talent ng ABS-CBN.

Pahayag ng 31-year-old actor, “Mga three years kong iniisip at 'pinagdarasal, 'Gagawin ko ba ‘to or hindi?'

“Para sa akin, ibinigay na lang ni Lord, ‘Sige, ayusin ko ‘yan. Yung mga taong iniwan mo sa kabila, kausapin mo mabuti.’

“Hindi siya madaling desisyon para sa akin.”

Noong Oktubre 3 pormal na pumirma ng kontrata si Jason bilang bagong talent ng GMA Artist Center, ang talent arm ng Kapuso network.

Dumalo sa contract signing sina GMA SVP for Entertainment Lilybeth Rasonable at Senior AVP for Alternative Productions Gigi Santiago-Lara.

Paano sila nagkausap ng GMA bosses tungkol sa kanyang paglipat sa Kapuso network?

Sagot ni Jason, “Dapat kasabay ko si Matt Evans na kausapin."

Ang tinutukoy ni Jason ay ang paglipat ni Matt Evans sa GMA Network, at ang paglabas ng huli sa Kapuso noontime show na Eat Bulaga! noong September 11. 

Patuloy ng The One That Got Away star, “Pero nagkataon na meron akong gagawin, so hindi ako nakapunta.

"Sabi ko, ‘Uy, baka maudlot, a.’

“After a week, pagkatapos nun, ipinatawag nila ako.

"Sabi ko, yun na 'yon."

Solong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jason pagkatapos ng presscon ng bagong Kapuso primetime soap, ang The One That Got Away, na ginanap sa Puradak Chicken Restaurant, sa Quezon City, ngayong Miyerkules, Oktubre 18.

NO ILL WILL. Dito ay nilinaw ni Jason na maayos siyang nakapagpaalam sa talent management ng ABS-CBN, ang Star Magic, na pinamumunuan nina Johnny "Mr. M" Manahan bilang chairman emeritus at ni Mariole Alberto.

Aniya, “Oo naman, lahat ng mga mahal kong boss dun. Lahat ng mahal ko na head ng Star Magic.

“Kahit mga handlers ko, okay naman. Nakapagpaalam ako nang maayos.

“Medyo yung handler ko for twelve years, medyo emotional pa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero, siyempre, ganun talaga, pamilya mo na, e.”

Wala rin daw anumang sama ng loob si Jason sa dating home network, lalo na’t tuluy-tuloy siyang may proyekto kahit nitong huling tatlong taon niya roon.

“Gumawa naman ako ng Two Wives, hit naman siya sa ABS.

"Langit Lupa, nag-rate rin. Medyo naputol lang kasi kailangan ipalabas yung show nila Gerald...

“For three years, okey naman, hindi naman ako nabakante talaga.”

Ang defunct ABS-CBN primetime series na Two Wives, na umere mula October 2014 hanggang March 2015, ay pinagbidahan nina Jason, Kaye Abad, at Erich Gonzales. 

Ang defunct Kapamilya daytime soap na Langit Lupa ay umere mula November 2016 hanggang April 2017.

Pinalitan ito sa parehong timeslot ng teleseryeng Ikaw Lang Ang Iibigin, na pinagbibidahan nina Gerald Anderson at Kim Chiu. 

TEAM UP WITH RHIAN. Sa ngayon, handa raw si Jason sumabak sa panibagong yugto ng kanyang showbiz career.

“Gusto ko mag-experiment, gusto ko mag-explore, kumbaga, bilang artist.

“Gusto ko lumawak yung range ng kakayahan ko.

"Gusto ko tumagal sa industriya, tipong Eddie Garcia, nandiyan pa rin.”

Excited din si Jason na makatambal ang Kapuso actress na si Rhian Ramos sa The One That Got Away, ang romantic-comedy series ng GMA Network na nakatakdang umere sa January 2018.

“Siyempre, sabihin na natin na karamihan ng leading ladies sa ABS-CBN, nakatrabaho ko.

“So, panibagong experiment to, panibagong adventure.

“Alam mo yung excitement, nandun pa rin, e.

"Kung papaaano mo gagawin nang maganda, kasama yung mga artista sa GMA."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN