Isabel Granada has been hiding her illness, says ex-husband Jericho Aguas

IMAGE Instagram

Hindi nakasama si Angeles City Councilor Jericho Aguas (kanang larawan, naka-sombrero) sa paglipad patungong Doha, Qatar, ng anak niyang si Hubert (kanang larawan, kasama si Jericho) at dating biyenang si Mommy Guapa upang puntahan ang dating asawang si Isabel Granada (kaliwang larawan).


Ikinalulungkot ng dating mister ni Isabel Granada, si Jericho Aguas, na hindi niya nasamahan ang anak nilang si Hubert Aguas at ang ina ni Isabel na si Isabel Villarama sa pagpunta sa Doha, Qatar.

Lumipad si Hubert at si Mrs. Villarama, o mas kilalang Mommy Guapa, sa Doha nitong Biyernes ng gabi, October 27.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang mag-amang Jericho at Hubert habang hinihintay ng huli ang flight nila ng kanyang lola kagabi.

Ayon kay Jericho, na kasalukuyang konsehal sa Angeles City, Pampanga, hindi siya nakasama dahil hindi siya naisyuhan agad ng visa ng Qatar Embassy.

“Dalawang araw po akong umaasa at naghihintay na ma-release po ang aking visa sa Qatar Embassy, pero hindi po kinayang ma-release ngayong araw na to.

“Ako po ay crushed at tunaw na tunaw na, dahil masakit po sa loob ko na hindi po ako makasama at kami po ay, kumbaga, magkapiling.

“Dahil itong sa panahon na ito ay kailangang isantabi ang mga differences. Dapat po ay manatili bilang pamilya,” saad niya.

Nag-aalala raw si Jericho dahil ang dating biyenan at ang kanyang anak lang ang aalis at walang aalalay sa kanila.

“Matagal-tagal ko rin pong kinausap si Mama at ang aking anak dahil nagdadalawang-isip sila.

“Natatakot nga po sila kung ano po yung sitwasyon na aabutan nila dun, at siyempre, wala po silang kakilala dun.

“Ngunit sinabi ko, ‘Huwag niyo na akong hintayin.’

“Kahit po yung aking anak, sinabi ko na lakasan na lang niya ang kanyang loob, at mauna na, dahil si Isabel po, naghihintay sa kanila.”

Naniniwala si Jericho na posibleng bumuti ang kalagayan ni Isabel kapag malaman nitong dumating na si Hubert at ang kanyang Mommy Guapa.

“Alam ko po at alam po namin na hinihintay na lamang po niya at lalakas po siya, lalo kapag marinig po niya ang boses ng kanyang nag-iisang anak na si Hubert at lalo na po ang kanya pong ina.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

ISABEL’S ILLNESS. Sa pagpapatuloy ng panayam ng PEP.ph kay Jericho, sinabi nitong, sa pagkakaalam niya, matagal nang may karamdaman si Isabel.

“Medyo matagal na pong naramdaman ni Isabel ‘yan, lalo na yung pananakit ng ulo.

“Magkasama pa po kami ay lagi na po niyang sinasabi ‘yan.

“Unfortunately po, hindi siya nakapagpatingin at hindi siya nakapagpa-checkup.

“Marami pa po siyang naramdaman din na pagbaba yata ng potassium, nagku-collapse siya, ano?

“Unfortunately, nung dumating ang mga panahon na ‘yan, hindi na kami ang pamilya niya, ang kasama.

“Ang aming magagawa ay subaybayan siya at payuhan siya na lagi siya magpatingin.”

Dagdag pa niya, “Mayroon po akong nabalitaan noon na nagpa-checkup po siya na itinago niya.

“Hindi ko po alam kung ano ang pina-checkup niya. At hindi ko po alam kung ano po yung resulta.

“Pero meron po siyang ginawa noon na checkup sa hospital na kanya pong itinago.

“Ang nagpaalam po sa akin noon ay ang kaibigan naming doktor."

Sabi ni Jericho tungkol kay Isabel, “Ayaw na lang po niya na mag-alala kami.”

Ikinasal sina Jericho at Isabel noong December 10, 2002.

Ngunit pagkalipas ng lagpas sampung taon ay nagkahiwalay sila.

Ayon kay Jericho, kahit matagal na silang hiwalay ni Isabel, at may kanya-kanya na silang karelasyon, open pa rin naman daw ang komunikasyon nila dahil sa kanilang anak.

Bago nga raw umalis pa-Qatar si Isabel, nagkita pa sila dahil pumunta ang aktres sa Angeles City para magkita sila ng anak.

Sabi ni Jericho, “Ang aming communication ay bukas na bukas dahil kami po ay laging nagkausap.

“Nagpunta po siya ng Angeles bago siya pumunta ng Qatar. Nagkita po sila ni Hubert.”

Ang karelasyon ngayon ni Jericho ay ang dating Viva Hot Babes member na si Jaycee Parker.


Stories We Are Tracking

Isabel Granada in coma after collapsing in Doha, Qatar
Isabel Granada in coma after collapsing in Doha, Qatar
Isabel's husband speaks up to end inaccurate speculations
Isabel's husband speaks up to end inaccurate speculations
Isabel Granada remains unconscious, says relative
Isabel Granada remains unconscious, says relative
Isabel Granada's mom asks for more prayers for actress-singer
Isabel Granada's mom asks for more prayers for actress-singer

ISABEL’S SON. Bago namin tinapos ang aming panayam kay Jericho, ipinakiusap niya sa amin ang kanyang 14-year-old son na si Hubert.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Inamin ni Jericho na may kaunting tampo si Hubert kay Isabel kaya madalang lang ang kanilang pagkikita.

Mabuti nga raw at nagkita pa sila bago umalis si Isabel pa-Qatar.

Sabi ni Hubert nang makausap namin, “Napakasaya ko po na alam kong makikita ko na siya, at ako yung maaaring maging rason para magising siya.

“Ngayong nangyari na po ito, ang masasabi ko lang po kay Mama, sana po mapatawad niya ako sa lahat ng beses na hindi ko siya nakakasama, at sa ilang beses na hindi ko siya nakakausap.”

Masaya rin daw siyang makakaalis na siya, kasama ang kanyang lola, dahil alam niyang magigising ang ina kapag marinig nito ang boses nilang mag-lola.

Umaasa rin si Hubert na makakasunod ang kanyang ama dahil inaayos pa rin daw nitong makakuha ng visa.

“Dalawang araw na kaming gumawa ng paraan para makasama si Papa na makapunta dun.

“At sinasabi ko na po ngayon, hindi po kami sumusuko. Maghihintay pa rin po si Papa.

"At ngayon, since may oportunidad naman po kami ng lola ko po, si Abuela, gawin na po namin as soon as possible na makita si Mama.”

Dagdag pa ni Hubert, “Ginagawa naman po ng papa ko po ang lahat na makakaya niya para makita si Mama.”

Gusto ring iparating ni Hubert ang pasasalamat sa lahat ng tumulong sa kanila, lalo na raw sa mga kaklase niyang hindi nagpabaya sa kanya.

TWO HUSBANDS. Nagpasalamat naman si Jericho sa kasalukuyang karelasyon ni Isabel na si Arnel Cowley.

Ito raw ang una niyang nakausap at nagbibigay ng detalye sa kalagayan ngayon ni Isabel.

“Nung tumawag po ako dun sa hospital, siya po ang nagbigay sa akin ng mga detalye.

“Maayos po ang amin pong pakikipag-usap,” sabi ng dating mister ni Isabel.

Nagpasalamat din si Jericho sa lahat ng nagdasal para kay Isabel, lalo na ang mga nakatrabaho nito sa showbiz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Napakaraming salamat sa buong industriya ng show business.

“Nakikita po namin ang pagdadasal at suporta kay Isabel.

“Patuloy lamang po ang atin pong pagdadasal dahil tayong lahat po ay naniniwala sa miracle.

“Magkakaroon po ng diwa as soon as possible si Isabel,” seryoso niyang pahayag.

Kaninang tanghali lang ay nag-post si Jericho sa kanyang Facebook account na dumating na sa Doha, Qatar, ang anak at si Mommy Guapa.

Sabi niya, “Nakausap ko na si Hubert, patungo na sila sa Hospital…”

Ang pinakahuling post niya ay nasa loob na raw ng kuwarto ni Isabel ang mag-lola.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN