Jericho Aguas recalls last moments of ex-wife Isabel Granada

IMAGE Joseph Rivera / Mark Atienza

Inilahad ng dating asawa ni Isabel Granada na si Jericho Aguas (in white shirt) ang mga huling sandali ng actress-singer bago ito tuluyang bawian ng buhay noong November 4.


Ibinahagi ng dating asawa ni Isabel Granada na si Jericho Aguas ang mga huling sandali ng actress-singer hanggang sa tuluyan na itong bawian ng buhay.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jericho sa Arlington Funeral Homes kahapon, November 9, habang hinahanda ang mga labi ng dating aktres para sa burol nito.

Kasama niya ang 14-anyos na anak nila ni Isabel na si Hubert Aguas.

Ayon kay Jericho, parang hinihiwa ang dibdib niya nang magsalita si Hubert bago inilagay ang salamin sa kabaong ni Isabel.

“Bago nilagay yung salamin, bigla nasabi na lang niya sa akin na, ‘I didn’t expect that all of these will happen.’

“Kumbaga, talagang halu-halo po ang emosyon ng amin pong anak.

“At siyempre, bilang bata, litung-lito rin siya sa mga nangyayari.”

WORST SCENARIO. Bago nila hinatid si Isabel sa pagbuburulan nito sa Santuario de San Jose sa Greenhills, tinanong ng PEP.ph kay Jericho kung ano talaga ang nangyari sa Doha, Qatar, hanggang sa pumanaw ito.

Sumunod si Jericho sa Doha, ilang araw pagkatapos lumipad doon ng anak na si Hubert at ng ina ni Isabel na si Isabel “Mommy Guapa” Villarama.

Ayon kay Jericho, tinapat na siya ng partner ni Isabel na si Arnel Cowley tungkol sa kalagayan ng actress-singer, na halos dalawang linggo naratay sa Hamad General Hospital sa Doha, Qatar.

“Sa katunayan po niyan, bago pa kami nakarating ng Qatar, pati sina Mommy Guapa, sinabi na po sa akin ni Arnel ang tunay na kalagayan, which is nandun na po sa pinaka-worst scenario.

“Of course, we are all hoping and praying for miracle to happen, that’s why pinilit po namin na makarating dun.

“Di ba, meron po silang sinasabi na kapag marinig po yung boses ng anak, ng ina, ng lahat na nagmamahal, minsan gumigising po yung ating mahal sa buhay na may sakit?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, yun po ang ginawa po namin.

“Sinubukan po namin na lahat po na pagmamahal, ibigay kay Isabel.

“Nagsubok pa po kami ng doktor na magtawag sa iba pong bansa dahil ‘yan po ang request ni Mama Guapa.”

Dumating na raw sa puntong ayaw nang kausapin ng dati niyang biyenan ang mga doktor sa naturang hospital dahil hindi niya matanggap ang sinasabi nilang tunay na kalagayan ni Isabel.

Patuloy ng konsehal ng Angeles City, “Ang nangyari po kasi dun, pagdating po nina Mama Guapa, ang pagbalita po sa kanya ng mga doktor ay medyo tragic na yung medyo pagkasabi, medyo brutal ba.

“So, nagulat po si Mama Guapa sa pagkasabi po dun sa pagsabi nang brutal ng mga doktor.

“Ito namang mga doctor, siyempre hindi… mga medical na ano lang. Sinabi lang yung mga medical terms po siguro.

“From then on, ayaw na po niya makausap ang mga doktor.

“Ayaw na niyang makausap o ayaw na niyang marinig ang kung anumang mga balitang nanggagaling sa kanila.

“Kaya kami naman, ‘O, sige, kumuha pa tayo ng iba pang opinyon.’

“Kaya nga po nag-try po kami ng ibang opinyon mula po sa ibang doctor.

“Hanggang po sa dumating ang maraming araw na, yun na nga po, talagang ang katawan na po ni Isabel ay talagang humina at bumigay na.”

Noong nasa Qatar pa sila, nag-post si Jericho sa kanyang Facebook account na sinusubukan daw nilang kumontak ng doktor sa Spain na i-fly in sa Qatar.

Pero ayon kay Jericho, “Hindi po natuloy kasi napakakumplikado po ng mga pangyayari, at wala pa po kaming nakausap na doktor doon na kung sino man ang puwedeng makapunta ng Qatar.

“Although tumulong na po ang Philippine Embassy, ang Spanish Embassy, ang mga kamag-anak po ni Mama Guapa sa Spain, patuloy pa po naming kinakausap.

“Pero hindi na po naging option yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang naging second option ay kausapin ang nasa Cuban Hospital doon sa Qatar dahil nagtitiwala si Mama Guapa na, kumbaga, kalahi daw po nila yun.

“So, sige, tinawagan din po namin.

“Ngunit ang Cuban hospital, pinag-aralan ang kaso ni Isabel at nagtitiwala dun sa judgment sa hospital sa Hamad.”

ISABEL’S LAST MOMENTS. Mahirap daw para kay Mommy Guapa na tanggapin ang nangyari sa nag-iisa niyang anak, kaya nandiyan lang daw si Jericho para sumuporta sa dating biyenan at sa anak na si Hubert.

Ibinahagi rin ni Jericho kung ano ang nangyari nung araw na bumigay na si Isabel.

Ang bigat daw ng pakiramdam ng lahat na nandun sa hospital.

Binigyan daw nila ng oras si Mommy Guapa na makasama ang kanyang anak sa Surgical Intensive Care Unit (SICU), at sumunod din daw sila ng anak niyang si Hubert.

Lahad ni Jericho, “Nag-solo po si Mama na pumasok kay Isabel.

“Pinakamatagal na nga po yung oras na naibigay niya kay Isabel.

“Umiyak talaga siya nang umiyak.

“Kami naman ni Hubert, magkasabay kami na pumasok, at talagang dun kami nag-iyakan na mag-ama.”

Muling nagpasalamat si Jericho sa lahat na tumulong, nakiramay, nagdasal para sa dating asawa.

Nandiyan lang daw siya para alalayan si Mommy Guapa at ang kanyang anak dahil mahirap pa rin daw sa kanilang tanggaping wala na talaga si Isabel.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN