Labis na naapektuhan si Paulo Angeles sa biglaang pagkamatay ng kasamahan niya sa Hashtags na si Franco Hernandez.
Ang Hashtags ang all-male group na regular na napapanood sa ABS-CBN noontime program na It's Showtime.
Sumakabilang-buhay si Franco nang malunod ito sa isang resort sa Davao Occidental noong November 11. Siya ay 26 years old.
Ayon kay Paulo, “Siyempre sobrang bigat, katulad na lang ng narinig niyo nang magsalita kami isa-isa sa It’s Showtime.
“Alam niyo naman yung kalagayan ko dati, si Franco kasi yung tumutulong sa akin."
Bagamat ngayong taon lang naging bahagi si Franco sa Hashtags, kaagad daw silang naging close.
“Kahit bago sila, si Franco yung naging malapit sa akin.
“Ewan, parang naging kapatid ko na, kasi parati kami magkasama.
“Bukod sa It’s Showtime, lagi kami lumalabas na magkasama…”
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Paulo sa shooting ng indie film na A Lasting Love, sa Sacred Heart Parish, sa Sacres Village, Quezon City, nitong Martes, November 21.
MEMORIES WITH FRANCO. Ibinahagi rin ni Paulo ang masasayang alaala niya kasama ang yumaong kasamahan at kaibigan.
“Madami! Kitang-kita naman sa IG stories ko.
“Kasi kapag may kakulitan kami or may naiisip, bini-video-han namin.”
Lahad pa ng 20-year-old ABS-CBN talent, “Nung pumunta kami ng Club, tapos nilagnat ako, siya yung nag-alaga.
“Instead na mag-enjoy lang kami, naging babysitter ko pa siya, inalagaan niya lang ako.
“Ang dami, e… sa bahay nila, lagi kami naglalaro ng PS4. Never ko siyang natalo.
“E, before, lagi naming pinag-uusapan na tatalunin ko siya at babawi ako.
"Pero sinasabi niya na hindi na mangyayari yun.
“Pero pabiro, kasi hindi ko talaga siya kaya talunin, e. Magaling talaga siya sa video games, e.”
PREMONITION. May naaalala ba siyang premonition o pagpaparamdam ni Franco bago ito pumanaw?
Ayon kay Paulo, “Actually, hindi ko siya tinitingnan na premonition before siya mamatay.
“Parang napansin ko na lang na nagpapaalam siya nung nangyari na sa kanya.
“Kasi, parang out of nowhere, nag-usap kami sa taas ng ABS habang breaktime, kasi nagti-taping kami bago siya pumunta ng Davao.
“Nag-uusap lang kami, tapos yung topic, ang layo.
“Kasi bigla siya sa amin nag-thank you, na naging totoong kaibigan kami.
“Out of the blue, bigla na lang siya nag-thank you.
“Kasi naglalakad na kami nun, e, parang galing kami sa ibang topic.
“Siyempre nagkaroon kami ng quiet moments, bigla na lang siya, ‘Thank you, bro, naging totoong kaibigan kayo sa akin.’
“Parang ako, hindi ko pa naiisip na ganun.
“Pero ang sabi ko sa kanya na, ‘Ako ang dapat magpasalamat sa ‘yo.’
"Kasi nung nagkaroon ako ng problema, siya nandiyan para sa akin.
“Tapos ayun, hindi ko naman iniisip yun na parang ganun, kasi hindi pa nangyayari.
“Pero nung naisip ko na, ‘Oo nga, bakit naman niya sinabi yun?’
“At yung pagpunta niya sa condo nila Kid [Yambao, Hashtags member], para sabihin lang na mami-miss kita, parang naisip ko na ba’t niya sasabihin yun, e, four days lang siya sa Davao, babalik naman siya at magkikita-kita pagdating niya.”
May mga pagpaparamdam ba sa kanya si Franco nang pumanaw na ito?
Kuwento ni Paulo, “Kapag mag-isa ako kadalasan… madalas naiisip ko kasi siya.
“O pag kunwari nagda-drive ako, tapos nakarinig ako ng kanta, naaalala ko siya.
“Sa dream, one time lang. Nakaakbay lang siya, e, yun lang.
“Kasi madalas yung ganun, e, pag naglalakad kami, lagi yun umaakbay.
“Walang panahon na… kahit maliit siya sa akin, e, laging umaakbay. Laging ganun yun.”
Inamin din ni Paulo na naiiyak pa rin siya kapag naaalala niya si Franco.
“Oo, kaya nga ayaw ko mag-isa, kasi naiiyak ako pag naaalala ko siya.”
Ano ang mensahe niya kay Franco ngayong nasa kabilang buhay na ito?
“Siyempre mahal na mahal ko siya, tsaka maraming salamat sa lahat.
"Magkikita din tayo soon," nakangiting pagtatapos ni Paulo.