Franco Hernandez's girlfriend claims delay in rescue efforts for Hashtags member

IMAGE Instagram @janicanam / Mark Atienza

Janica Nam Floresca says she was shocked when she learned that her boyfriend Franco Hernandez was not immediately rushed to the hospital as soon as he was transported to the resort owned by the family of his Hashtags co-member Tom Doromal.


Ayon kay Janica Nam Floresca, inabot ng patung-patong na delay ang pagsagip sa boyfriend niyang si Franco Hernandez matapos itong aksidenteng malunod sa Davao Occidental noong November 11, 2017.

Si Franco—o Franco Miguel Hernandez Lumanlan—ay ang 26-year-old member ng all-male group na Hashtags na napapanood sa ABS-CBN daily noontime show na It's Showtime.

Si Nam ay kasama ni Franco na nagbakasyon sa pag-aaring private resort ng pamilya ng isa pang Hashtags member na si Tom Doromal sa Don Marcelino, Davao Occidental.

Sina Franco, Nam, Tom, at dalawa pang kasamahan ang bumubuo ng grupong sakay ng isang motorized banca, na pinasok at napuno ng tubig matapos hampasin ng malalaking alon.

Bukod sa limang pasahero, sakay rin ng banca ang dalawang bangkero na sina Rico Igalan at Efren Kilang.

Nang mangyari ang insidente, pabalik na ng Don Marcelino ang kanilang grupo mula sa pinasyalang White Sand Island sa Sitio Ilib sa North Lamidan, Davao Occidental.

Pumanaw si Franco dahil sa insidente.

Noong Biyernes, December 1, eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Nam at ang mga magulang ni Franco na sina Raul at Marissa Lumanlan sa tahanan ng mga Lumanlan sa New Manila, Quezon City.


Stories We Are Tracking

Franco's GF reveals untold details about drowning incident
Franco's GF reveals untold details about drowning incident

IN THE MIDDLE OF THE SEA. Ayon kay Nam, bukod sa kulang, may pagkakaiba raw sa naunang naiulat na pahayag ng mga bangkero, at pati na rin ni Tom, tungkol sa insidente at kung paano narespondehan ang nalunod na si Franco.

Sa pagpapatuloy ng panayam ng PEP.ph, sinabi ni Nam na noong kasalukuyang nagpapalutang-lutang sila ni Franco sa dagat habang naghihintay kung may sasaklolo sa kanila, nakita niya ng isang beses si Tom.

Kagaya nila ay nagpapalutang-lutang din si Tom.

Ayon kay Nam, "Ta's nung nasa gitna pala kami ng dagat, si Tom, lumapit sa akin. Akala ko, ililigtas niya kami.

"Sabi niya, 'Nam, relax ka lang. Wag kang magpa-panic. Sabihin mo kay Franco.' Gumanun siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"E, wala na ako sa utak ko. Talagang, anong gagawin ko? Hindi ako makasabi ng, 'Tulungan mo kami.'

"After niya sabihin yun sa akin, parang hindi mo man lang ako inangat sana."

Pagkatapos nito, hindi na raw niya ulit nakita kung nasaan si Tom at hindi na niya nalaman kung ano ang nangyari rito.

Ilang araw matapos ang insidente, saka lang umano nalaman ni Nam mula sa girlfriend ni Tom na nanatili pala ang mga ito sa banca na pinasukan ng tubig. 

Sabi ni Nam tungkol sa paglapit ni Tom sa kanya noong nasa dagat sila, "After niya sabihin yun sa akin, pinuntahan niya yung girlfriend niya.

"Yung girlfriend niya kasi, nasa banca.

"Ang kuwento sa akin ng girlfriend niya, hindi raw siya marunong lumangoy. Hindi raw niya kaya, as in, kaya nag-stay siya sa banca.

"Inangat siya ni Tom sa banca. 

"So, parang sa akin, sana man lang, dinala mo man lang kami dun. Tinulungan mo kami, inangat mo kami papunta dun sa banca, para at least may makapitan kami habang naghihintay ng rescue."

Sumunod na raw niyang nakita si Tom at girlfriend nito sa dalampasigan sa isla kung saan sila napadpad.

Sabi ni Nam, “Last sila dumating kasi may nag-rescue sa kanila na banca—sa kanila.”

UNCONSCIOUS FRANCO. Si Tom at isang bangkero ang sinasabing unang rumesponde sa walang malay na si Franco.

Ayon kay Nam, “Sabi ni Tom, siya daw nag-pump, siya daw yung nag-CPR. Pero parang huminto sila. 

“So ako, kaya ang dami kong sugat, ang ginawa ko—kasi batu-bato yung shore, e, kaya ang dami kong sugat—kinaladkad ko yung sarili ko sa bato para malapitan ko si Franco.

“E, kasi siyempre, ayokong... hindi ko kaya makitang ganun. Hangga’t kaya ko, gagawin ko para sa kanya.

“Tapos, ako yung nag-CPR, parang kahit wala na akong oxygen, nabigyan ko siya ng hangin. Trinay ko pa rin siyang i-pump.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Meron pa siyang pulso, pati dito,” saad ni Nam sabay turo sa leeg.

Patuloy niya, panay raw ang haplos niya sa mukha ng nobyo.

“Tapos, hinahawakan ko siya talaga. Sabi ko, ‘Love, please!’”

Sa puntong ito, mayroon daw dumating na tatlong bangkerong tumulong sa pagsagip sa kanilang grupo.

Ayon kay Nam, walang daan by land kaya kailangan nilang sumakay ulit ng banca pabalik sa resort nina Tom.

“Tapos, may dumating na rescue. Parang sabi, uunahin daw si Franco, dadalhin daw si Franco…

“So, parang ako, buti na lang meron. Madadala na si Mico sa ospital, na kaya pa siya i-revive.”

Mico ang palayaw ni Franco.

Ngunit napansin daw ni Nam na hindi maayos ang pagbuhat kay Franco ng tatlong bangkero.

Lahad niya, “Nung hahawakan na siya, nung bubuhatin na siya ng bangkero, pabaliktad.

"Yung isang bangkero sa isang paa, yung isang bangkero sa isang paa.

"So, pabaliktad si Franco binuhat. Tapos yung isa, sa kamay." 

Sabay sigaw daw ni Nam, "Yung ulo ni Mico!"

Si Nam daw ang sumalo sa ulo ni Franco.

Patuloy niya, "Tapos, sabi ko, paki-ingatan naman yung ulo. Tapos hindi ko na masyadong...

"Gusto ko sana sumama, e. Kaso, naisip ko, siyempre parang sabi, si Franco daw uunahin.

"Naisip ko, kung sasama ako, pabigat pa ako, bubuhatin din nila ako.

"So, parang kay Franco na lang sana yung focus.

"Tapos, sabi dadalhin daw siya sa ospital, so medyo nakalma ako."

Sumunod na bumalik ng resort sina Nam, Tom, at dalawa pang kasamahan sakay ng hiwalay na banca.

Sakay rin ng banca ang dalawang bangkero na orihinal nilang kasama na nag-island hopping.

Sentimiyento ni Nam, "Naisip ko lang, sana man lang, sa mga okey, wala silang kagalus-galos, e. Sana isa man lang sa kanila, sinamahan si Franco pabalik.

"Kaso, wala talaga sa kanilang sumama."

BACK TO THE RESORT. Pagdating sa resort, hirap pa rin daw sa paghinga si Nam sanhi ng matagal na paglutang-lutang sa dagat kaya pinakalma siya ng mga tao roon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Noong mga oras na iyon, buong akala raw ng dalaga ay nauna nang dinala si Franco sa ospital dahil sa kundisyon nitong walang malay.

Patuloy na lahad ni Nam, "Kasi, nangingitim na din ako nun, e. Tapos inaantay ko na lang kung nasaan na.

"Sabi ko, 'Nasa ospital na ba?' Nasa ospital daw, ganyan...

"Tapos, parang nagdadasal na lang ako habang inaantay ko.

"Gusto ko sana pumunta, kaso sabi nila malayo daw, ganun...

"Sabi ko, 'Sige, mag-aantay na lang ako.' Tapos hintayin daw yung service."

Ngunit nagulat daw si Nam nang malaman niya kalaunan na hindi pa pala nadadala ang nobyo sa ospital.

"Tapos, may lumapit sa akin na tita daw siya ni Tom, nurse daw siya.

"Sabi niya, 'Sorry, wala na talaga.'

"Sabi ko, naisip ko, 'Akala ko ba sa ospital? Hindi niyo dinala sa ospital.' Andun sa bahay nila Tom."

Ngunit ayon kay Nam, ayaw pa rin niyang sumuko.

"Nagpa-panic na ako. Iyak ako nang iyak.

"Sabi ko, 'Hindi!' Hindi ako naniniwala kasi alam kong kaya niya yun. Sobrang hindi talaga.

"Sabi ko, 'Dalhin niyo ako dun! Nasaan ba si Mico? Nasaan ba si Franco? Ta's, iyak na ako nang iyak nun.

"Tapos sabi nila, sandali lang, aantayin pa daw sila Tom.

"Sabi ko, 'Anong aantayin? Ano bang ginagawa nila? Buhay na ng tao yun. Bakit, ano pang aantayin?"

Tinanong ba niya kung bakit hindi agad isinugod ng ospital si Franco?

Tugon ni Nam, "Ang sabi nila, malayo daw kasi.

"Pero ang sa akin, sana kahit malayo, on the way, di ba, doon nila i-revive para makaabot sa mga gamit."

REUNITED WITH FRANCO. May "two-minute drive" daw ang distansiya mula sa resort papuntang bahay ng pamilya ni Tom.

Nagpumilit daw si Nam na mauna nang magpunta roon upang personal na makita ang kalagayan ng nobyo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tapos ako, di na ako pumayag. Sabi ko, punta na. Kahit lakarin ko yun, okey lang, e.

"Pero may sasakyan silang dala, diretso na kami dun.

"Ta's nakita ko si Mico, nakataklob na siya ng kumot, nasa labas na ng bahay. Tapos, ang daming tao..."

Ayon pa rin kay Nam, inalis niya ang nakatakip na kumot sa nobyo na wala pa ring malay.

"Sabi ko, 'Hindi! Hindi... Kaya pa 'to! Kaya pa 'to!'

"Lahat ginawa ko, ni-CPR ko pa siya, binigyan ko siya ng hangin."

Noong mga oras na iyon ay wala raw ang mga magulang ni Tom sa bahay. Ang naroon lang daw ay mga tita, lolo, at lola ng binata.

Ang kaanak ni Tom na nagpakilalang isang nurse ang nagsabing hindi na kayang maisalba si Franco.

Ani Nam, "Sabi ng tita niya, 'Ginawa ko nang lahat. Pinump na namin siya...' Tapos, nurse daw siya...

"Tapos, hindi ako pumapayag talaga. Ang ginawa ko, binigyan ko ng hangin." 

Nang makitang hindi pa rin siya sumusuko ay inasistehan daw siya ng tita ni Tom.

BUMP IN FRANCO'S FOREHEAD. Noong mga sandaling iyon, napansin daw ni Nam na mayroong bukol sa noo si Franco.

"May bukol siya dito," sabi ni Nam, sabay turo sa bandang kaliwang bahagi ng noo.

Sa pagkakaalala raw ng dalaga ay walang bukol sa noo ang nobyo noong naroon pa sila sa dalampasigan ng isla kung saan sila napadpad matapos ng insidenteng pagkalunod.

Ilang beses daw kasi niya noong hinaplos mula noo hanggang buhok si Franco.

Tinanong daw ni Nam kung saan nakuha ni Franco ang bukol.

"'Bakit may bukol? Bakit may bukol?' E, parang wala na din masagot, e.

"Nung time na yun, parang nagpa-panic na, e."

NO MORE PULSE. Ayon kay Nam, matagal bago dumating si Tom sa bahay mula sa resort nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aniya, "Antagal, e. Tapos, parang hinanda na nila yung pick-up, dadalhin daw sa ospital." 

Pahayag naman ni Nam sa kundisyon ng nobyong si Franco, "Pero wala na siyang pulso nun. Nung time na yun, wala na."

Patuloy ng dalaga, "Tapos nun, nung sabi aantayin pa daw sila Tom, nandiyan lang si Mico, inaantay sila.

"Pero ako, hindi na ako pumayag. 'Ano pang inaantay niyo? Buhay na ng tao 'to. May pag-asa pa, e.' Sabi ko, 'Ano na?'

"Diretso na kami. Ako lang ang nag-rush."

Ayon kay Nam, taliwas ito sa sinabi ni Tom sa November 19 episode ng Rated K na "ni-rush" nila si Franco ospital.

Ito ay sa kadahilanang mula nang ma-transport si Franco mula sa isla pabalik ng resort ay "ang tagal" pang naghintay ng dalaga bago nila naisugod ang nobyo sa ospital.

Giit ni Nam, "Yung sa Rated K, yung sinabi niya na ni-rush daw sa ospital, yun ang gusto ko i-correct, kasi hindi naman talaga ni-rush.

"And ako lang yung nag-rush. Ako lang yung sumama. Sumunod lang sila." 

Isang driver daw ang nagmaneho ng pick-up lulan sina Franco, Nam, at isang kaanak ni Tom.

"Tapos yun, kasama ko yung tita niya na nagdala.

"Pero hindi yung nurse, hindi siya kasama. Ibang tita."

"DEAD ON ARRIVAL." Dinala raw nila si Franco sa isang public hospital sa bayan ng Malita, pero hindi na raw maalala ni Nam ang pangalan nito.

Ngunit ayon sa ulat ng Umagang Kay Ganda noong November 13, dinala si Franco sa Estacion Clinic Hospital sa Malita, Davao Occidental.

Nabanggit din sa ulat ng UKG na doon pa lang ay idineklara nang "dead on arrival" si Franco ng attending physician nito.

Sa pagpapatuloy ng panayam ng PEP.ph, sabi naman ni Nam, "E, di antagal nung papunta kaming hospital.

"Tapos, nung dumating kami sa ospital... nilagyan nila ng oxygen, tapos pina-pump nila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ta's dumating din sila Tom, sumunod sila."

Sabi raw ng doktor na tumingin kay Franco, "Sorry, wala na talaga. Hindi na talaga kaya."

Patuloy ni Nam, "Pero ako, hindi pa rin ako nawalan ng pag-asa, kasi wala silang pang-revive, yung kuryente."

Ang tinutukoy ni Nam ay ang paggamit sana ng CPR machine.

"Sabi ko, kung meron silang ganun. Sabi, wala daw." 

SECOND HOSPITAL. Noon din ay nagdesisyon si Nam na i-transport si Franco sa Digos Doctors Hospital, Davao de Sur, sa pag-asang posible pang mabuhay ang nobyo kung gagamitan ng CPR machine.

Ngunit inabot daw ng dalawang oras ang biyahe patungo roon.

"Nung pagdating namin sa Digos, pinangunahan na ako ng doctor, sabi, para daw sa kanya, wala na daw. Pero ita-try pa rin daw talaga nila.

"Pero kung titingnan niya daw, wala na daw talaga.

"Hindi pa rin ako naniniwala.

"Parang baliw na nga ako sa ospital, kasi sabi ko, 'May himala! May himala! Kaya pa 'yan!'"

Umabot sa puntong "pinukpok" pa raw ni Nam ang dibdib ni Franco sa pagbabakasakaling magising pa ito. 

"Tapos, chineck na nila. Sabi ko, gamitan siya ng pang-revive.

"Sabi nila, hindi daw nila ginagamitan ng ganun pag walang heartbeat kahit isa lang.

"Kasi flat, e. Tapos, ayun, wala na daw."

Pagkatapops nito ay nagdesisyon si Nam na i-transport si Franco sa Davao Doctor's Hospital, sa Davao City, kung saan may kaanak ang pamilya ng yumaong Hashtags member.

ANOTHER HEAD WOUND. Bago umalis ng Digos, napansin ni Nam na may hiwa ang likod ng ulo ni Franco. Maliban pa ito sa nakita niyang bukol sa noo ng binata.

"Habang inaantay yung ambulansiya, dinala siya sa morgue.

"Ta's, nung dun pa lang, sabi ko, 'Ano yung dugo na tumutulo?'

"Sa kanya pala yun. Tapos ang dami nang dugo."

Itinuro ni Nam na nasa bandang gitna ng likod ng ulo ni Franco ang pinanggalingan ng dugo na tumutulo pa raw sa sahig ng morgue.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon pa sa dalaga, walang katotohanan ang espekulasyong tumama sa bato ang ulo ni Franco noong nasa gitna sila ng karagatan.

Ito ay sa kadahilanang masyado raw malalim kung saan sila nagpalutang-lutang ni Franco matapos tumalon ng bangkang sinasakyan.

Hindi rin daw napansin ni Nam na may sugat sa likod ng ulo ang nobyo noong naroon pa sila sa isla kung saan napadpad ang kanilang grupo.

"Hindi, kasi nung nasa shore pa, naka-white shirt siya, e. So, kita ko yun.

"Wala siyang galos. Tsaka kita ko yun. Wala talaga..."

Tulad ni Nam ay mayroon daw galos sa katawan si Franco dahil posibleng nagasgas ito sa mabatong dalampasigan doon sa isla kung saan ito paunang binigyan ng CPR ng bangkero, ni Tom, at ni Nam.

Pero paulit-ulit na sinabi ni Nam na "wala" siyang napansing sugat sa parte ng ulo ng binata noon.

Saan nakuha ni Franco ang sugat?

Sagot ni Nam, "Hindi ko alam. Ayan talaga ang hindi ko alam."


Dalawang oras daw bumiyahe si Nam kasama ang labi ni Franco patungong Davao Doctors Hospital.

Nang makarating sila roon, pasado alas-dose ng madaling-araw, naroon na sa ospital ang kapatid ng ama ni Franco. 

Nasa Digos pa lang daw sila nang tawagan ni Nam ang tita ni Franco upang ipaalam ang sinapit ng binata.

Sa kahuli-hulihang sandali ay hindi pa rin agad natanggap ng dalaga na wala na ang nobyo.

"Tapos, yun, pumunta na kami sa Davao Doctors Hospital, chineck ulit, wala na daw talaga."

Ayon kay Nam, hindi niya agad natawagan ang mga magulang ni Franco upang ipaalam ang nangyari sa nobyo.

“Kasi nung time na yun, hindi ko talaga alam ang sasabihin ko. Kasi ang hirap talaga.”

Dugtong niya, “Pero tinawagan ko din sila, nung parang kalat na nga, tinawagan ko.”

Ayon kay Nam, sumunod sa unang ospital si Tom, ang girlfriend nito, at pinsan nitong lalaki.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nang magdesisyon ang dalaga na ilipat-lipat ng ospital ang nobyo upang masiguro ang kundisyon nito, sumama rin daw ang grupo nila Tom.

Si Tom umano ang tumulong sa dalaga na mag-asikaso ng paglipat-lipat ng ospital kay Franco bilang taga-Davao ang pamilya nito.

Matapos ang detalyadong paglalahad ni Nam, tinanong ng PEP.ph kung nakapag-usap na sila ulit ni Tom.

Sagot niya, "Hindi gaano. Nagkakausap kami, pero hindi yung about sa ano..."

Nasabi na ba niya kay Tom ang kanyang nararamdaman sa nangyaring insidente?

Tugon ulit ni Nam, "Nasabi ko nung meeting."

MEETING WITH TOM'S CAMP. Sa puntong ito, nalaman ng PEP.ph mula sa ama ni Franco na si Raul Lumanlan na nagkaroon ng pagkakataong magkaharap ang pamilya nila at si Tom Doromal, kasama ang mga kamag-anak ng binata na naninirahan sa Manila.

Naganap daw ito noong November 29, Miyerkules.

Pahayag ni Mr. Lumanlan, "Nag-meet kami with Tom's family. Yung relatives niya, mga tita, para to hear yung side siguro namin at yung side din nila.

"Ang purpose lang nun, mabigay yung message namin na yung mga naririnig sa news, iba.

"So, to correct that, ipinaano namin kay Nam yung buong nangyari."

Kung anu't ano man, hindi direktang sinabi ni Nam kung may sama siya ng loob sa paraan ng pag-handle ni Tom sa insidente, partikular na sa inilarawang sitwasyon ng dalaga nang makarating ang grupo nila sa resort na pag-aari ng pamilya ng Hashtags member.

Sa huli, tanging nasabi ni Nam patungkol kay Tom, "Siguro parang hindi ko lang nakitaan ng effort na sagipin kami. Ayun lang siguro."


 

Bago mailathala ang artikulong ito, naglabas ng pahayag ang ina ni Franco na si Marissa Lumanlan tungkol sa nalamang impormasyong hinggil sa rescue efforts matapos ang pagkalunod ng anak.

Base ito sa Facebook comment ni Marissa sa link ng unang bahagi ng panayam ng PEP.ph, na nailathala sa ibang online news sites:

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


Sa panayam kay Tom sa Rated K noong November 19, inilahad ng binata na pinasok at napuno ng tubig ang bangkang sinasakyan nila nina Franco nang pabalik na sana sila sa resort. 

Sabi niya, "Napasukan na talaga ng tubig yung boat. Tumalon na silang lahat.

"Nagulat na lang ako, sina Nam at saka si Franco, nandun na sa medyo malayo."

Maliban dito ay hindi na idinetalye ni Tom kung anong hirap ang pinagdaanan ng grupo upang makarating sa kalapit na isla at kinalaunan ay makabalik sa resort.

Ang tanging sinabi ni Tom sa kanyang pagresponde sa pagkalunod ni Franco, "Trinay kong i-revive... Ni-rush namin sa hospital... Ta's, after a while, kinausap ako. Sabi, wala na raw."

GETTING THE SIDE OF TOM. Sinubukan ng PEP.ph na hingan ng opisyal na pahayag si Tom sa pamamagitan ng Instagram direct messaging umaga at hapon ng December 3.

Ngunit hindi pa sumasagot si Tom sa inisiyal na mga katanungang ipinaabot ng PEP.ph.

Sinubukan din ng PEP.ph na hingan ng opisyal na pahayag si Tom mula sa kanyang talent management, ang Star Magic, ngayong araw.

Bukod dito ay nagpaabot din ang PEP.ph ng mensahe sa Star Magic handler ni Tom upang subukang makakuha ng opisyal na pahayag mula sa binata.

Kinumpirma sa amin ng Star Magic handler ni Tom na nagkaroon nga ng pagkakataong makausap ng kanyang alaga ang mga magulang ni Franco sa isang meeting kamakailan.

Maliban dito ay wala nang ibinigay na karagdagang pahayag ang kampo ni Tom sa mga isiniwalat na detalye ni Nam.

Mananatiling bukas ang PEP.ph sa panig ng lahat ng mga taong nabanggit sa artikulong ito.


Stories We Are Tracking

Hashtags member Franco dies in drowning incident
Hashtags member Franco dies in drowning incident
Hashtag Franco's girlfriend says she tried to save him
Hashtag Franco's girlfriend says she tried to save him
Hashtag Franco's GF posts cryptic messages about his death
Hashtag Franco's GF posts cryptic messages about his death


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN