Franco Hernandez's parents speak up about drowning incident, meeting with Tom Doromal

IMAGE Mark Atienza

Raul Lumanlan on disclosing details about drowning incident involving son Franco Hernandez: "Ang objective lang namin is to tell what really happened."


Nalaman ng mga magulang ni Franco Hernandez na sina Raul at Marissa Lumanlan ang detalyadong pangyayari sa pagkalunod ng anak pagkatapos ng burol at cremation nito.

Si Franco—o Franco Miguel Hernandez Lumanlan—ay namatay matapos aksidenteng malunod sa Davao Occidental noong November 11.

Mico ang palayaw ng 26-year-old Hashtags member.

Ang all-male group na Hashtags ay napapanood sa ABS-CBN daily noontime show na It's Showtime.

Noong araw ng insidente, November 11, naglalayag na pabalik ng resort ang motorized banca na kinalulunanan ng grupo nina Franco nang hampasin ng malalakas na alon ang kanilang sinasakyan.

Kasama ni Franco sa banca ang girlfriend niyang si Janica Nam Floresca, ang kapwa niya Hashtags member na si Tom Doromal at ang girlfriend nito, pinsang lalaki ni Tom, at dalawang bangkero.

Ibinurol ang mga labi ni Franco sa Arlington Memorial Chapel sa Quezon City mula November 14 hanggang November 16.

Na-cremate ang mga labi niya noon ding November 16.

Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sina Raul at Marissa sa kanilang tahanan sa Quezon City, noong Biyernes, December 1.

Kasama ring nakapanayam ng PEP.ph si Nam, na naglahad ng detalyadong pangyayari, base sa kanyang panig, noong araw na malunod ang Hashtags member.

Lumapit si Nam at mga magulang ni Franco sa PEP.ph dahil nais daw nilang itama ang ilang impormasyong lumabas sa mga naunang ulat tungkol sa aksidenteng pagkalunod ng binata.

Una na rito ang pahayag ng dalawang bangkero na nagsabing hindi sila nagkulang sa pagpapaalala sa grupo na magsuot ng life vest—na naiulat sa Umagang Kay Ganda (UKG) noong November 13.

Ikalawa ay ang pahayag ni Tom, sa November 19 episode ng Rated K, na “ni-rush” sa ospital si Franco noong araw ng insidente.

Kaugnay nito, nais daw nina Raul at Marissa na mailabas ang buong detalye umano kaugnay ng pagkalunod ng anak, base sa kuwento ni Nam at sa karagdagang detalye na nalaman nila mula mismo kay Tom.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Raul, “Nag-meet kami with Tom's family. Yung relatives niya, mga tita… Para to hear yung side siguro namin at yung side din nila.”

Naganap daw ang kanilang pagkikita noong nakaraang Miyerkules, November 29.

Dumalo roon sina Raul, Marissa, at Nam. Naroon din si Tom kasama umano ng mga tita nito na naninirahan dito sa Manila.

Patuloy ni Raul, "They all agreed, wala namang nag-comment na mali yung inistorya ni Nam.

“Actually, there were revelations din na hindi namin alam.

“Na good enough naman, and I salute Tom and his family for telling the truth din about the life vests.”

"TRUTH" ABOUT THE LIFE VESTS. Sa puntong ito, inihayag ng ama ni Franco kung bakit walang dalang life vest ang grupo nina Franco, Nam, at Tom nang sila ay sumakay ng banca patungong White Sand Island.

Pahayag ni Raul, “Yung sa life vest, sinabihan pala si Tom nung relatives niya dun sa resort na may life vest, na siguro either gamitin or dalhin niyo.

“Yun ang kuwento ni Tom.

“Si Tom naman, hindi nasabi sa group na may life vest. Ang sabi ni Tom during the meeting, it slipped...”

Singit ng ina ni Franco na si Marissa sa pahayag umano ni Tom, “It slipped his mind.”

Patuloy ni Raul, “So, nakalimutan daw niya.

“So, eventually, sumakay silang lahat without the life vest. Yun yung sigurong medyo...”

Naputol ang pahayag ng ama ni Franco, pero sabi naman ni Nam, “Kasi kung in-offer naman niya sa amin, susuotin namin yun talaga. Kasi hindi kami marunong lumangoy.”

Tanong ng PEP.ph: Ano ang sinabi sa inyo ni Tom nung nag-meet po kayo?

Sagot ni Raul, “Hindi naman directly sinabi sa akin. May question kasi na-raise sa kanya kung may life vest ba.”

Paglilinaw ng ama ni Franco, hindi direktang sa kanya sinabi ni Tom, kundi sa kanilang lahat na naroon sa meeting.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa nasabing meeting, sinabi umano ni Tom na noong araw ng insidente, bago umalis ng resort, ay may nagsabi ritong may life vest na maaari nilang gamitin pagsakay ng banca.

Dito nilinaw ni Raul na taliwas ito sa sinabi ng mga bangkero sa kanilang pahayag sa Umagang Kay Ganda na hindi sila nagkulang sa pagpapaalala sa grupo na magsuot ng life vest.

Patuloy ni Raul, “So, sinagot naman ni Tom. Si Tom mismo.

"Buti naman at sinabi niya rin yung totoo.

“Perception ng bangkero siguro…

“Pero yun pala, merong available at hindi lang nasabi ni Tom sa grupo, at hindi nadala ni Tom yung life vest.”

REACTION TO THE WHOLE INCIDENT. Pagkatapos ay inilarawan ng ama ni Franco ang saloobin matapos mapagtagni-tagni ang nangyaring aksidenteng pagkalunod ng anak, base sa pahayag nina Nam at Tom.

Pahayag ni Raul tungkol sa diumano’y pagkukulang sa nangyaring insidente: “Kung paano na-handle yung sitwasyon.

“Plus yung pagkuha mo ng providers mo. Like, for example, yung banca.

“Bilang host, you have to make sure na compliant 'yan sa safety, legit yung mga banca na yun to transport people.

“Baka mamaya fishing boat lang 'yan na wala namang permit to transfer passengers. So, ibang istorya na yun.

“So, lahat yun di na-check, e.

“It’s all, parang, burst of ano lang, excited sila, tumawag sila ng banca…”

Sa kabilang banda, aminado si Nam na wala ring nakaisip sa kanilang grupo na sumakay ng banca na magpaalala o magtanong kung mayroong life vests.

Sang-ayon ni Nam, “Wala.”

Base sa naunang paglalahad ng dalaga, ang tanging naiparating nila kay Tom, bago sila mag-island hopping, ay ang pag-aming hindi sila marunong lumangoy ni Franco.

Siniguro naman daw sa kanila noon ni Tom na hindi sila lalangoy sa malalim dahil beach ang kanilang pupuntahan.

Tinanong ng PEP.ph kung nagkaroon ng pagkakataon sina Raul at Marissa na makausap ang nurse na kaanak ni Tom na diumano’y nag-CPR kay Franco nang mai-transport ito sa bahay ng pamilya Doromal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Base sa salaysay ni Nam, ang nurse na kaanak ni Tom ang unang nagsabi diumano sa dalaga na sinubukan nitong mag-perform ng CPR kay Franco ngunit hindi na kayang maisalba pa ito.

Sagot ni Raul, “Hindi na namin natanong.

"Number one, there was no chance na puwede namin tanungin kasi nandun sila sa Davao.

“Hindi rin namin makausap yung parents, kasi wala.

“Kung napakilala sa amin, siguro medyo napag-usapan.”

Base sa naunang paglalahad ni Nam, wala ang mga magulang ni Tom sa resort at bahay ng pamilya Doromal noong araw ng insidente.

Ayon kay Nam, mga tita, lolo, at lola lamang ni Tom ang nadatnan nila noon sa bahay na kalapit ng resort sa Davao Occidental.

Sa pagpapatuloy ng panayam ng PEP.ph sa mga magulang ni Franco, inihayag ng ama ng yumaong Hashtags member ang mensaheng nais niyang iparating sa publiko.

Umaasa si Raul na matuto ang ibang mga kabataan at mga magulang sa nangyari sa kanilang anak.

“Message sa families—alam ko may ibang pamilya, may mga anak kayo, siguro number one, talagang tanungin niyo yung anak niyo in detail kung saan pupunta.

“Make sure yung pupuntahan, kilala niyo, make sure equipped yung pupuntahan.

"For example, mga life vest. Yun dapat ma-ensure ng mga magulang.

“Kasi minsan, yung mga anak natin, sa sobrang excitement, hindi na nila nakikita ‘yan.

“Ang iniisip lang nila yung enjoyment nila.

“So, ang lesson ngayon, kahit na mag-away kayo ng anak niyo kakatanong ninyo, I think that's better kaysa sa eventually na mangyari."

Patuloy ni Raul, “Number two—sa mga hosts, kung sino yung nag-iimbita.

“Alam ko, siguro si Tom, kasi bata pa, siguro pag may ganyang imbitasyon, yung elders mag-take part din sa planning na yun.

“Because, at the end of the day, hindi lang naman nag-imbita na bata ang mananagot.

“Siyempre, may responsibilities din yung parents and elders nung nag-imbita.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Number three, yung providers, like for example sa mga resorts, make sure lang na safety of lives and property, ensure nila.

“Hindi lang because nakikita sila or merong bayad.

“So, make sure na compliant yung equipment sa safety.

“Now, kung ayaw magsuot ng life vest yung mga pasahero, may option sila tumanggi at huwag umalis. ‘Ayaw niyo mag-life vest, hindi tayo aalis.’”

SON'S ALLEGED HEAD INJURIES. Ayon kay Raul, bandang 9:45 p.m. to 10 p.m ng November 11 nila unang narinig ang balitang pumanaw ang anak dahil sa aksidenteng pagkalunod, base sa ulat ng DZMM Teleradyo.

Nakatanggap din sila ng kumpirmasyon mula sa Cornerstone Talent Management, na talent management ni Franco.

Kinabukasan ng madaling araw, November 12, nang magtungo si Raul sa Davao City upang makita ang anak.

Sa kabilang banda, nagbigay rin ng pahayag si Raul tungkol sa paglalahad ni Nam sa napansing mga sugat diumano sa ulo ni Franco.

Kaugnay ito ng sinabi ni Nam na walang sugat sa ulo si Franco nang una nilang respondehan ito sa isla, kung saan napadpad ang kanilang grupo matapos pasukan ng tubig ang sinasakyan nilang banca.

Sa paglalahad ni Raul sa PEP.ph, sinabi nitong napansin din niyang may dugo sa bandang ulo at bukol sa noo ang anak nang una niyang makita ang mga labi nito sa funeral parlor sa Davao City noong umaga ng November 12.

“Mga 3 or 4 A.M. yata yung first flight to Davao.

“Tapos, yun nga, pagdating namin sa Davao, una naming pinuntahan yung Cosmopolitan Funeral Parlor.

“Nandun na si Mico kasi nga ieembalsamo.

"So, sabi namin, bago iembalsamo ‘yan, hintayin muna kami para makita kami.

“So, nung nandun na nga kami, napansin ko nga, lately ko lang naano, na may dugo nga dun sa may hinihigaan niya."

Iminuwestra ni Raul na tila bandang ulo at balikat ni Franco ang may dugo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, hindi ko na masayadong inusisa at that time, kasi siyempre iba na yung nararamdaman ko, yung emotion ba.

“So, nung nakita namin na talagang si Franco yun, nakita namin na meron siyang bukol dito,” sabay turo sa bandang kaliwa ng noo.

“So, di muna ako nag-assume kung, ‘Ano ‘to?' Etcetera, etcetera.

“Ang purpose lang namin, makita si Franco na siya yun.

“And then, bago embalsamohin, just to make sure na talagang siya yun. So, umalis muna kami to...

“Kasi aayusin pa si Franco. So we gave the go signal para maembalsamo.”

NO AUTOPSY. Ayon kay Raul, hindi na siya nag-request na sumailalim pa sa autopsy ang anak upang alamin ang detalye kung paano ito nagkasugat sa ulo.

“Autopsy, tapos bubuksan mo pa, aanuhin yung to the detail," sabay turo sa katawan.

Dagdag niya, “Kawawa naman yung tao.”

Hindi na raw nagkaroon ng pagkakataon ang ama ng Franco na magpunta sa dalawang naunang ospital kung saan ito dinala upang alamin ang anumang impormasyon sa naging kundisyon ng anak.

“Hindi na. Hindi na kami nagpunta ng ospital ng Davao.

"Ang nag-ayos ng mga papeles, death certificates, lahat, ang Davao Doctors sa city.”

Ayon pa kay Raul, nagpalipas pa sila ng gabi ng November 12 sa Davao City dahil kinabukasan, November 13, nang lumabas ang dokumento mula sa ospital at police report.

“Hindi namin makukuha yung documents, death certs, police report, kasi Sunday, sarado lahat.

“The following day, na-release yung documents between 12 to 2 P.M.

“So, nung na-sure na namin na na-release yung documents by 2 P.M., we made arrangements na para dun sa plane back to Manila.

“So, umalis kami ng Davao ng 8 P.M., flight namin to Manila.”

Hindi raw malinaw kung saan at paano nakuha ni Franco ang bukol sa noo at sugat sa ulo. 

Ngunit sinabi ni Raul na base sa mga opisyal na dokumento ay pagkalunod ang “probable cause” sa pagkamatay ng anak.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NO PLAN TO ASK FOR LEGAL INVESTIGATION. Sa huli, iginiit ni Raul na wala silang planong maghain ng anumang legal na imbestigasyon at aksiyon sa sirkumstansiya kaugnay ng pagkamatay ng anak.  

Pahayag niya, “Basta ang purpose kasi namin, we want to stick to our objective.

“Ang objective lang namin is to tell what really happened.

“Now, kung anuman ang imbestigasyon o anuman ang etcetera, ayaw na namin dumating sa punto na yun.

“Si Franco, kilala namin ‘yan. Ayaw niya ng kumplikasyon. Ayaw niya ng magulo.

“Gusto niya, kung ano yung nangyari, ‘yan na ‘yan.

“Basta ipaalam mo lang kung ano yung totoong nangyari.

“Kung anuman ang puwedeng mangyari after, hindi na namin i-initiate yun or what.”

TOM'S CRYPTIC POSTS. Samantala, mayroong maiksi ngunit tila makahulugang Twitter post si Tom ilang oras matapos nailathala ang unang bahagi ng paglalahad ni Nam sa nangyaring aksidenteng pagkalunod ng nobyo.

Tweet ni Tom:

Kasunod nito ay naging usap-usapan sa social media ang diumano'y pagpapahiwatig ni Tom na nakatakda siyang "magsalita" tungkol sa insidente.

Ayon sa netizens, kaugnay ito ng Instagram story video ng co-Hashtags member ni Tom na si Jon Lucas, bandang umaga ng December 3.

Sabi ni Tom, "Okay lang 'yan, Lucas, ha?"

Sagot ni Jon, "Okay lang 'yan, Doromal, ha? Basta, ha? Next time, ha? magsasalita ka, ha?"

A post shared by Love (@roxycoco12) on

Sa hiwalay na Instagram story ni Jon, patuloy silang nagkulitan ni Tom habang lulan ng magkahiwalay na sasakyan.

Sigaw ni Tom, "Oy, antayin niyo ako!"

Tanong ni Jon, "Saan?"

Sagot ulit ni Tom, "Antayin niyo lang!"

A post shared by Love (@roxycoco12) on

Bukod dito ay may kumakalat na screenshot ng umano'y palitan ng Instagram Direct messages sa pagitan ni Tom at isang di pinangalanang netizen.

Pahayag ni Tom, "You really believe the statement that was release [sic]? Thanks. just wait. You haven't heard it all."

GETTING THE SIDE OF TOM. Sinubukan ng PEP.ph na hingan ng opisyal na pahayag si Tom sa pamamagitan ng Instagram direct messaging umaga at hapon ng December 3.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngunit hindi pa sumasagot si Tom sa inisiyal na mga katanungang ipinaabot ng PEP.ph.

Sinubukan din ng PEP.ph na mahingan ng opisyal na pahayag si Tom mula sa kanyang talent management, ang Star Magic, ngayong araw.

Bukod dito ay nagpaabot din ang PEP.ph ng mensahe sa Star Magic handler ni Tom upang subukang makakuha ng opisyal na pahayag mula sa binata.

Kinumpirma sa amin ng Star Magic handler ni Tom na nagkaroon nga ng pagkakataong makausap ng kanyang alaga ang mga magulang ni Franco sa isang meeting kamakailan.

Maliban dito ay wala nang ibinigay na karagdagang pahayag ang kampo ni Tom sa mga isiniwalat na detalye ni Nam. 

Mananatiling bukas ang PEP.ph sa panig ng lahat ng mga taong nabanggit sa artikulong ito.


Stories We Are Tracking

Franco's GF reveals untold details about drowning incident
Franco's GF reveals untold details about drowning incident
Hashtag Franco's girlfriend claims delay in rescue efforts
Hashtag Franco's girlfriend claims delay in rescue efforts


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN