Vice Ganda reveals Christmas wish: "Oras. Kung puwede lang dagdagan ko ang araw..."

IMAGE Noel Orsal

"I need time to be able to talk to them. Yung pamilya ko kasi, sobrang bait ng pamilya ko," says Vice Ganda about his Christmas wish.


Napaiyak si Vice Ganda habang sinasabi ang kanyang hiling ngayong paparating na Pasko.

Sa digital conference para sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2017 entry na Gandarrapido: The Revenger Squad kahapon, December 6, tinanong si Vice kung ano ang gusto niyang matanggap ngayong Pasko.

Sagot ng It's Showtime host, “Yung tangible, hindi ko maisip.

“Sa ngayon, hindi naman sa pagmamayabang, yung tangible, parang kaya ko nang bilhin.

“Pero ang pinakaseryoso kong sagot, oras.

"Kung puwede lang dagdagan ko ang araw... naiiyak tuloy ako.”

Hindi na napigilan ni Vice ang maluha habang ipinagpapatuloy ang kanyang pahayag.

Saad niya, “Kung puwede sanang maging eight days yung isang linggo.

"Para Monday to Saturday, work ako sa Showtime at saka taping ng GGV [Gandang Gabi Vice]... naiiyak ako.

“Sana maging tatlo yung weekends—Saturday, Sunday, tapos may isa pa—para mas mahaba yung oras ko para sa sarili ko sana, at saka sa nanay ko at sa family ko.”

Nagpapasalamat naman si Vice na malawak ang pang-unawa ng kanyang pamilya sa trabaho niya.

Gayunman, hindi pa rin niya mapigilang makaramdam ng hiya sa kanila.

“Kasi, nahihiya talaga ako sa kanila.

“Alam ko nauunawaan nila ako, pero hiyang-hiya talaga ako.

“Lalo na kapag yung kunwari may tutulungan ako sa Showtime, minsan pumapasok sa utak ko, 'May binigyan na naman ako ng pera, yung kapatid ko kaya may pera kaya?'

“Hindi ko alam, kasi hindi ko naman siya nakakausap.”

Dahil sa mga sitwasyong tulad nito, ulit ni Vice, “I need time to be able to talk to them.

"Yung pamilya ko kasi, sobrang bait ng pamilya ko.

“They will not oblige me or pressure me to spend time with them.

“Kaya, yun lang, oras.

"Kung puwede sana 30 hours a day—para yung 20 sa trabaho mo, tapos yung 10 hours sa family.

"Tapos, eight days a week."

Idiniin din ni Vice na mas mahalaga sa kanya ngayon ang makasama ang pamilya niya kaysa sa anumang materyal na bagay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aniya, “Tangible, kaya ko na yun.

“Pagtatrabahuan ko, kaya ko nang bilhin 'yan kahit ano, tatrabahuin ko lang.

“Trinabaho ko naman na dati, kaya yung mga hindi ko nabibili dati, nabibili ko na ngayon.

“Ang masakit lang, kahit gaano kalaki ang pera mo, hindi ka makakabili ng oras. Ayun.”


CHRISTMAS WITH MOTHER. Samantala, tila imposible kay Vice na makasama ang kanyang pinakamamahal na ina sa Christmas break.

Nais daw sanang bisitahin ni Vice ang kanyang nanay na nakabase sa Amerika dahil sa trabaho nito bilang caregiver.

Kuwento ng Kapamilya star, “Yung nanay ko kasi, hindi ko siya mapahinto sa trabaho.

“Ang daming nagtatanong sa akin, 'May pera ka naman pala, bakit hindi mo pahintuin yung nanay mo sa trabaho?'

“Hindi puwede, kasi yung nanay ko, nasanay sa trabaho.

"Kapag pinahinto ko, baka magkasakit, yung humina ang katawan.

“Kasi, ganun sila sa Amerika, e, sanay na sanay silang batak na batak yung katawan nila sa trabaho.

"Kapag 'yan pinaupo mo at hindi mo pinagtrabaho, unti-unting manghihina 'yan, magkakasakit, at mamamatay. Kaya hindi ko siya pinahihinto."

Patuloy ni Vice, “Yung trabaho niya ay kung ano lang ang gusto niyang gawin.

“Hindi niya kinakailangang kumita ng malaki.

“Yung ginagawa niya ngayong pagke-caregiver, isa na lang naman ang pasyente niya.

“Kung sino talaga ang ka-close siya, yun lang, kasi nakasanayan na.”

Muling nalungkot si Vice nang naisip niya ang kanyang plano.

Pagbabahagi niya, “[Sabi nila] 'Kailangan nandito ka bago mag-January 1 para sa Showtime.

"January 1, e, December 28, nagpo-promote pa ako ng pelikula.

“Kailan ako aalis, di ba?

"Kaya sana maging two months ang holiday season."

Sa kabila nito, siniguro ni Vice na may alternatibo siyang plano para sa ina.

“I will prepare something very special para sa nanay ko.

“Deserve niya yun, deserve niyang maging masaya ang Pasko niya.

“Noong bata ako, espesyal ang Pasko ko palagi.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi kami mayaman, pero iginagapang ng nanay ko yun.

“Ipagpunta namin sa Carriedo at Monumento para bumili ng sapatos, ipinangungutang niya yung pambili namin noon.

“Kaya deserve niya ang masayang Pasko.”

LAUGHTER TO EVERY HOUSEHOLD. Samantala, bumabawi naman si Vice sa pagpapasaya ng kanyang ina at mga kapatid sa pamamagitan ng TV shows at pelikula niya.

Sabi ng The Revenger Squad actor, “Itong nangyari sa akin, naging obligasyon siya.

“Kumbaga, nang ibigay sa akin ang posisyon na ito, lumaki ang pamilya ko, hindi na lang sila ang pamilya ko.

“Ngayon, pamilya ko na ang buong Pilipinas.

“Hindi na lang nanay ko ang kailangan kong patawanin.

“Kailangan yung mga nanay sa buong Pilipinas ay mapatawa ko rin.

“Hindi lang yung mga kapatid ko ang kailangan kong tulungan.

“Kailangan, yung ibang kapatid ko sa buong Pilipinas, matulungan ko rin sa pamamaraang gusto ko.

“Hindi lang pamilya ko ang dapat kong pasayahin, pati yung ibang bahay sa buong Pilipinas kailangang mapasaya ko rin.

“Kaya ang laki-laki na ng pamilya ko.”

Sa huli, ibinahagi ni Vice ang laging paalala ng kanyang ina:

“Nauunawaan naman yun ng nanay ko na, 'Hindi na lang ako ang nanay mo ngayon. Nanay mo na ang bawat nanay sa lahat ng bahay sa Pilipinas. Kaya kapag napasaya mo sila, masaya na rin ako.'”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN