Tikom pa rin ang bibig ni Julia Montes tuwing natatanong tungkol sa tunay na estado ng relasyon nila ni Coco Martin.
May balita pa ngang nauwi na raw sa hiwalayan ang hindi pa rin nakukumpirmang relasyon ng dalawa, pero hanggang ngayon ay wala pa ring kumpirmasyon mula sa kanila.
Nang tanungin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Julia tungkol dito, maikli pa rin ang naging sagot niya.
Pero kinumpirma naman niyang hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang komunikasyon nila ni Coco.
"Basta happy ako," sambit ng 22-year-old Kapamilya actress.
"Communication? Mayroon pa rin naman, tuloy pa rin naman ang communication.
"Sobrang busy lang, lalo na siya. Mayroon siyang Panday at Ang Probinsyano."
Ano naman ang suportang ibinibigay niya kay Coco ngayong bukod sa telebisyon ay pinasok na rin nito ang paggawa at pagdidirek ng pelikula sa pamamagitan ng Metro Manila Film Festival 2017 official entry na Ang Panday.
Ayon kay Julia, “Siguro bukod sa suportang personal, siguro prayers din.
"I’m so happy for him kasi nung nag-i-start pa lang siya, nakikita ko ang talent niya.
"Ngayon, napapakita sa inyong lahat kung gaano siya kagaling, kung gaano ka-creative mind na mayroon siya."
Dala ng sobrang hectic na schedule ni Coco ay nagkasakit ngayong taon ang aktor. Hiling ni Julia ay magpokus naman daw sana ang aktor sa kalusugan nito.
“Of course, siya kasi yung tao na mapapagod na ang lahat, siya yung huling-huling mapapagod.
"Isa siyang inspirasyon sa mga katrabaho niya, kasi kung siya nga di marunong mapagod, what more yung mga katrabaho mo?
"Sana this time, mag-focus siya sa health niya kasi matagal na 'yan.”
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at Cinema News kay Julia sa 2017 Anak TV Awards, na ginanap sa Soka Gakkai International Philippines building noong December 8.
NEW PROJECT. Kabilang si Julia sa ginawaran ng Makabata Star Award. Masayang-masaya ang aktres sa ipinagkaloob sa kanyang parangal.
Saad niya, “Siguro, sabi ko nga, ito yung greatest reward sa lahat ng puyat, emosyon na dinadala natin sa trabaho natin, stress.
"Ito siguro ang pinakamagandang maireregalo ko sa lola ko na siya talaga yung naghirap sa lahat ng journey ko ng pagiging artista."
Huling napanood si Julia sa panghapong teleserye ng ABS-CBN na Doble Kara, na tumagal ng isa't kalahating taon sa ere.
Mapapanood muli si Julia sa Asintado, kung saan ipinangako niyang ibang-ibang Julia Montes ang mapapanood dito.
"Anytime soon, nagte-taping na kami, nagi-start na kaming mag-taping.
"Asintado, abangan ninyo po 'yan. Anytime soon na 'yan, siguro next year.
"Siguro it’s more of suspense, drama, love story.
"Family drama pero ibang Julia Montes ang makikita ninyo."