Carlo Aquino admits going through depression over lack of projects

IMAGE Noel Orsal

Carlo Aquino is more determined to do his best as an actor. He says, "Thankful ako kahit na medyo na-depress ako, feeling ko kasi kailangan ko ring daanan yun para makapunta ako dito. Parang nagkaroon ako ng purpose siguro para ituloy ito, lumaban."


Nakaka-relate daw si Carlo Aquino sa karakter na ginagampanan niya sa upcoming movie nila ni Bela Padilla, ang Meet Me in St. Gallen.

Katulad ng karakter niyang nagngangalang Jesse Abaya, nasa punto rin daw ngayon ang Kapamilya actor na nais mapatunayan sa sarili ang abilidad bilang aktor.

“Si Jesse kasi, may gustong patunayan sa parents niya at sa mga tao, siguro ganun.

“Ako, gusto kong patunayan na kaya ko, kahit na malaki yung duda ko sa sarili ko.

“Gusto ko lang ipakita sa sarili ko na kaya ko,” sabi ni Carlo sa panayam sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang reporters kaninang hapon, January 11.

Bagamat ilang beses na niyang napahanga ang mga manonood sa kanyang pag-arte, aminado si Carlo na paminsan-minsan ay nakararamdam pa rin siya ng pagdududa sa sarili.

“Kasi, gusto ko lang na every time na mapapanood ako, iba yung makikita sa akin, iba yung mao-offer ko,” sabi ni Carlo, na lubos na nakilala dahil sa pagganap niya sa pelikulang Bata, Bata, Paano Ka Ginawa? (1998).

Nakadagdag pa raw noon sa pagdududa sa kanyang sarili ang kawalan ng proyekto.

Kuwento ng 32-year-old actor, “Nagkaroon ako ng time sa buhay ko na nawalan na ako ng confidence.

“Parang ayaw ko na, gusto kong pumunta sa States noon para mag-work.

“Kasi, nagkaroon ng time na wala akong [projects]. Parang, 'Anong gagawin ko?'

“May ginagawa naman akong mga indie, pero ang dami kasing...

“Di ba, parang noong bata ako, ang daming ibinibigay na mga papuri. Tapos wala.

“So, sabi ko, alis na lang kaya ako.

"E, noong time din na yun, ako rin ang breadwinner.

"Gusto kong alagaan siyempre yung parents ko, so iniisip ko kung aalis ba ako.”

BIG BREAK. Nagsimula si Carlo sa youth-oriented show na Ang TV ng ABS-CBN noong early '90s.

Halos mahigit isang dekada rin naging Kapamilya talent si Carlo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Noong 2006, nagsimula siyang gumawa ng mga proyekto sa bakuran ng GMA Network at TV5.

Taong 2012 nang bumalik siya sa Kapamilya network.

Simula noon ay naging sunud-sunod nang muli ang kanyang mga proyekto sa telebisyon.

“Mabuti na lang hindi ako umalis,” sabi ng dating The Better Half actor.

Pag-alala pa ni Carlo, “Isa sa mga dahilan [ng pananatili ko] is Viva, kasi nga nakilala ko sila Boss VR.

“Tapos kinuha nila ako. Noong time na yun, in-offer din nila yung album, na isa ko ring mahal, yung music na gusto ko ring gawin.

“Naisip ko na siguro ito muna yung gawin ko. Parang kahit hindi masyadong okay, at least nagkaroon ako ng break.”

Ang tinutukoy ni Carlo na "VR" ay ang big boss ng Viva Entertainment Group na si Vic del Rosario Jr.

Ngayon ay muling pinamamahalaan ng Star Magic, talent arm ng ABS-CBN, ang showbiz career ni Carlo.

Sa ngayon, sa tuwing naaalala niya ang pinagdaanan, pasasalamat na raw ang nararamdaman ni Carlo.

“Thankful ako kahit na medyo na-depress ako, feeling ko kasi, kailangan ko ring daanan yun para makapunta ako dito.

“Parang nagkaroon ako ng purpose siguro para ituloy ito, lumaban.

“Siguro parang kapag hindi ka na natatalo, hindi ka na nabubuhay. Kasama na siguro talaga yun.”

Sa halip na makaramdam ng pagkabahala, ini-enjoy na lang daw ni Carlo ang anumang proyektong dumarating sa kanya.

Nang tanungin kung ano pa ang mga plano niyang gawin sa kanyang showbiz career, sagot ng aktor, “Sa ngayon, parang ie-embrace ko muna ito [pag-arte].

“Kasi, noong time na nagdududa ako, gusto kong umalis, e.

“Kaya ito, gagawin ko muna ito, kasi ito naman talaga yung gusto kong gawin, e. Ito yung mahal ko.

“Kaya siguro sa bawat ginagawa ko, may pressure, kasi gusto ko lang magawa nang maayos.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN