Katrina Paula to help raise funds for Sabrina M's bail

IMAGE Facebook

Katrina Paula (left) got to work with Sabrina M (inset) in the film Nag-iisang Apoy, which was released in 2001.


Balak ng dating sexy star na si Katrina Paula na kausapin si Robin Padilla para hingan ng tulong na makalikom ng sapat na halaga para sa pampiyansa ng kaibigan niyang si Sabrina M.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Katrina sa DZRH nung January 19, at ikinuwento niya kung gaano kahirap ang pinagdaraanan ni Sabrina sa loob ng Camp Karingal.

Doon naka-detain ang dating sexy star pagkatapos siyang mahulihan ng droga noong 2016.

Kuwento ni Katrina, “Nag-feature kasi ang I Juander [GMA News TV info-tainment show] ng mga dating sexy stars, 'tapos tinanong nila ako ng mga sexy stars na successful, saka yung mga hindi okay.

"Naisip ko si Sabrina, pero siyempre magpaalam muna ako.”

Kaya dinalaw niya si Sabrina sa Camp Karingal at nagulat siya sa malaking pagbabago ng kaibigan.

“Nakakaawa siya, kasi sa sahig lang siya natutulog. May karton lang na sapin.

“Naisip ko kahit isang araw ka lang matulog sa sahig, sobrang hindi na okay, e, siya mag-dalawang taon na,” pahayag ni Katrina.

Nagkaiyakan daw silang dalawa, at doon nakiusap si Sabrina na tulungan siyang makalabas.

Lahad niya, “Sabi niya sa akin, puwede na raw siya magpiyansa, five hundred thousand [pesos].

"Pero puwede pa raw mababaan iyan sabi ng lawyer niya.

“Sabi ko sa kanya, kung dati humingi ka ng tulong na medyo okay ako, baka nailabas kita.

"Pero nagalit kasi ako nung mga oras na yun.

"Kasi naman tayo kahit may narinig tayo na di maganda kahit kanino, nandiyan yun sisi, e.

"Pero hindi natin alam kung ano talaga yung nangyari.”

Gusto na raw niyang tulungan si Sabrina ngayon dahil nakikita niyang gusto na talaga nitong magbago.

“Nakita ko sa kanya ang acceptance, e. Talagang nagsisi siya sa ginawa niya.

“Sabi niya sa akin, gusto na raw niya talagang makalabas na para makita niya ang mga anak niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kahit nga raw magkatulong siya, okay lang sa kanya,” kuwento pa ng dating sexy star.

Kaya nangako si Katrina kay Sabrina na gagawa siya ng paraan na matulungan itong makalabas.

FUND-RAISING EFFORTS. Magsisimula na raw siya sa paghahanap ng sapat na halaga para pampiyansa kay Sabrina.

Uunahin daw niyang kausapin ang mga kaibigang dating sexy stars na baka meron daw silang maibigay na tulong.

“Wala akong hinihinging amount na eksakto, basta kung magkano lang po ang maiambag.

“Baka magpa-benefit show ako, yung mga sexy stars, mga ibang artista na sikat o kahit hindi ka man sikat basta nandun ka. 

"Alam mo yung willing kang tumulong sa isang taong gusto talaga magbago,” sabi pa niya.

Ang isa pa nga raw sa naiisip niya ay humingi rin ng tulong sa Actors Guild o KAPPT (Kapisanan ng mga Artista sa Pelikulang Pilipino at Telebisyon), na pinamumunuan ni Imelda Papin.

Dagdag ni Katrina, “Baka puwede po akong humingi ng tulong sa Actors Guild, at yung willing talagang makipag-usap sa akin para maayos namin yung mga ganun.” 

APPEAL TO ROBIN. Hindi lang daw niya alam kung paano siya makalapit kay Robin, dahil alam daw niyang malaki ang magagawa ni Robin para matulungan ang kaibigan.

“Gusto ko talaga na humingi ng tulong sa kanya kasi siya po yung may pinakamalaking boses sa showbiz industry, na alam ko ako, hindi ako ganun ka-credible na humingi ng tulong.

“Kailangan ko po talagang hingin ang tulong ni Robin Padilla para dun sa isang kasamahan namin sa industriya na matulungan si Sabrina M, at para makapagbagong buhay siya,” seryoso niyang pahayag.

Ang sabi pa raw ni Sabrina sa kanya, kapag makalabas lang daw ito, magsisimula na raw siyang magtrabaho kahit kasambahay o labandera, para makapagsimula lang daw siyang magbagong buhay.

Nagkatrabaho ang dalawang sexy stars sa pelikulang Nag-aapoy na Langit noong 2001.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN