Angelica Panganiban on new GF of ex-BF: "Pinilit sirain yung relasyon. Kaya may galit."

IMAGE Noel Orsal

Angelica Panganiban on possible chance encounter with the new girlfriend of an ex-boyfriend she did not name: "Hindi ko alam. Baka masaktan ko yun. Kasi unang-una, hindi naman ako pinalitan. Pinilit, e. Pinilit sirain yung relasyon. Kaya may galit."


Malaman ang naging pahayag ni Angelica Panganiban sa posibleng reaksiyon niya sakaling makaharap ang current girlfriend ng isang dating karelasyon.

Base ito sa #AskAngelica YouTube episode ng Star Cinema noong January 19, kung saan nakapanayam ang aktres ni Donna Cariaga, stand-up comedienne ng It’s Showtime.

Tanong ni Donna kay Angelica: “Kasi po, sa Showtime, yung bago po ng ex ko, gusto po makipagkita sa akin, yung ipinalit po niya.

“Kung kayo nasa posisyon ko, paano po ninyo haharapin yung ipinalit sa inyo ng ex ninyo?"

Diretsahang sagot ni Angelica: “Hindi ko alam. Baka masaktan ko yun.

“Kasi, unang-una, hindi naman ako pinalitan. Pinilit, e. Pinilit sirain yung relasyon. Kaya may galit.”

THREE-MONTH RULE. Hindi tinukoy ni Angelica kung sino ang tinutukoy niyang ex-boyfriend na mayroon nang bagong girlfriend ngayon.

Pero hindi naman napigilan ni Angelica mag-react sa sumunod na paksang pinag-usapan nila ni Donna. 

Ikinuwento kasi ni Donna na ipinagpalit siya ng nobyo sa ibang babae tatlong buwan bago pa sila opisyal na nagkahiwalay.

Ayon kay Donna, labag ito sa “three-month rule” na nagsasabing maghintay muna ng tatlong buwan bago maghanap ng kapalit na iba.

Hirit ni Angelica, “Saan ba naimbento ‘yang three-month rule na ‘yan?”

Naudlot na sagot ni Donna, “Kay ano po…”

Sabay nagkatinginan at nagkatawanan na lang sina Angelica.

Ang tinaguriang three-month rule ay pinasikat ng karakter na si Popoy sa pelikulang One More Chance noong 2007. Ang gumanap bilang Popoy ay si John Lloyd Cruz.

Si John Lloyd ay ex-boyfriend ni Angelica sa totoong buhay.

Apat na taon silang naging magkasintahan hanggang sila ay opisyal na nagkahiwalay noong January 2016.  

Hindi malinaw kung matapos ng kanilang hiwalayan ay sinubukan nilang manumbalik ang kanilang pag-iibigan.

On record, parehong sinabi nina John Lloyd at Angelica na nanatili silang magkaibigan mula huling bahagi ng 2016 hanggang early 2017.

EX WITH PREGGY GIRLFRIEND? Sa pagpapatuloy ng #AskAngelica, naging malaman din ang reaksiyon ni Angelica nang basahin ang sumunod na tanong ng isang letter-sender.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tanong ng letter-sender na si Alexa, “May dini-date po ako ngayon. Two months pa lang kami pero I just found out na may nabuntis…”

Pagkabigkas ni Angelica ng salitang “nabuntis,” hindi na niya natuloy ang pagbabasa at sabay pang nailaglag ang cue cards na hawak.

Sandaling napatigil si Angelica at natatawa na tila may naalalang kaparehong sitwasyon.

Hindi lingid sa kaalaman ng publiko na ang ex-boyfriend ni Angelica na si John Lloyd ay may bago nang nobya, si Ellen Adarna.

At na noong November 2017 ibinalita ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na buntis si Ellen, at si John Lloyd ang ama ng bata.

Ito ay makalipas ng humigit-kumulang apat na buwan nilang pagkakamabutihan, base sa naibalitang pagbabakasyon nila sa Cebu noong Setyembre at sa Europa noong Oktubre.

Ngunit nito lamang January 2018 nang opisyal na umamin si Ellen na magkasintahan na sila ni John Lloyd.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin kinukumpirma ng dalawa ang balitang magkakaanak na sila o maging ang espekulasyong engaged na sila.

MORE ABOUT ANGELICA'S EX. Samantala, makahulugan din ang mga pahayag ni Angelica tungkol sa isang hindi pinangalanang ex-boyfriend sa episode ng Gandang Gabi Vice (GGV), kagabi, January 21.

Dito ay nabanggit ng aktres ang tungkol sa binayaran niyang bill sa restawran na madalas nilang puntahan ng isang dating karelasyon.

Ayon kay Angelica, naganap ang insidente pagkatapos ng premiere night ng pelikula niyang Ang Dalawang Mrs. Reyes nito lang January 16, 2018.

Doon sa sinasabing restaurant dumiretso si Angelica at ilang mga kaibigan upang mag-dinner.

Kuwento ni Angelica, “Magbabayad na ako ng bill. Sabi, ‘Ay, Ma’am ito pa po, yung dati pa po niyong utang.’”

May listahan daw ng bill doon si Angelica at kanyang boyfriend noon.

“Bilang lagi nga kami dun, minsan sasabihin namin, ‘O, palista na lang muna. Balikan na lang namin.’

“Kasi lagi talaga kami dun. Para babayaran na lang nang isang bayaran. Papadalhan na lang ng bill.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, may naiwan pala.

“Kumbaga, nag-check sila daw nung natapos yung taon. Tapos nung nakita ko, ‘Bakit ang laki?’ Parang mga 9,000 pesos.

“So, chineck ko, yung iba may pirma ko, yung iba pirma ng ex ko.

“Sabi ko, ‘Sandali! Babayaran ko lang yung sa akin. Baka iba pa yung kasama niya niyan! Sa akin niyo papabayaran yung ininom nila? Hindi naman ako yung kasama.'"

Sagot umano ang staff kay Angelica, “Hindi nga po. Sabi ni Sir kayo na raw po magbayad.’”

Patuloy ni Angelica, “May pangalan dun. May pirma dun.

"Sabi ko, ‘Anong kalokohan ‘to? Bakit ako magbabayad?’

“Siya na nagbabayad ngayon, hindi na ako.”

LESSON LEARNED AGAIN. Ganunpaman, nilinaw ni Angelica na naka-move on na siya mula sa huling dinanas na hiwalayan.

Ayon pa kay Angelica, kaya na niyang daanin sa biro ang sakit na naramdaman noon.

“Ay, yes! Kaya ko nang i-playtime talaga. Simulan ko sa sarili ko.”

Sabay natatawang turo sa sarili, “Tanga! Naisahan ka. Boba.

"That girl, tatanga-tanga pa rin talaga. Di na natuto.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN