Yul Servo pays tribute to mentor-talent manager Maryo J. delos Reyes

IMAGE Mark Atienza

Yul Servo on late mentor and talent manager Maryo J. delos Reyes: "Lahat ng natutunan ko sa kanya, hindi ko lang ia-apply sa akin, pati sa mga anak ko. Kasi siya, parang magulang na puwede mo siyang tropa. Puwede mo siyang maging brother lang, puwede mong maging tatay, maging teacher, adviser… lahat siya. Parang complete package na siya na personal na ita-touch ang buhay mo."


Walang Yul Servo sa showbiz at pulitika kung walang Maryo J. delos Reyes.

Ito ang pag-amin ng actor-politician nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa ikalawang gabi ng lamay ng yumaong direktor sa Loyola Memorial Chapel, Commonwealth Avenue, Quezon City, kagabi, January 31.

Si Direk Maryo J. ang mentor at talent manager ni Yul.

Lahad ng 37-year-old Manila congressman, “Nag-start ako sa kanya, March 1998, kalahati ng buhay ko.

“Siya na ang naging magulang... although siyempre, yung magulang, hindi mo mababayaran yun, yung pagbibigay niya ng buhay.

“Pero yung pansarili ko naman na magkaroon ng ano…

“Kasi, naging passion ko ang pag-aartista.

“Yung pangarap ko naman, siya ang naging guide ko para mapagtagumpayan ko ang mga pangarap ko sa buhay.”

Inamin din ni Yul na noong una ay ayaw ni Direk Maryo na pasukin niya ang mundo ng pulitika. Pero kalaunan ay pinayagan din siya nito kaya itinuloy na niya.

Saad ng actor-politician, “Hindi ko naman mararating ‘to kung hindi niya ako pinayagan.

“Kung hindi niya ako pinayagan, hindi ako papasok.

“E, sabihan ka ba naman ng manager mo na, ‘Sige, tumakbo ka, wala ka na sa akin, ha.’

"E, hindi mo naman alam na mananalo ka."

THE SAD NEWS. Hindi raw makapaniwala si Yul nang makarating sa kanya ang balitang pumanaw na si Direk Maryo J. noong Linggo ng madaling-araw, January 28.

Inatake sa puso ang award-winning director habang nasa party ng isang kaibigan sa Dipolog City, Zamboanga del Norte.

Lahad ni Yul, “Sabi ko, sana hindi totoo, sana fake news lang. 

“Kaso, siyempre yung nagsabi, talagang malapit kay Direk Maryo, hindi naman magbibiro.

“Pero siyempre, nung araw na yun, iniisip mo, sana panaginip lang.”

Wala naman daw pagpaparamdam sa kanya ang direktor, pero napansin daw niyang malungkot ito sa kabila ng ngiti at halakhak.

“Siyempre, may pinagdaanan. Malungkot. Nililibang niya ang sarili niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Actually, nag-leave nga siya. Yun nga lang, napagod siguro.

“Pero ipinagpapasalamat ko na rin na hindi siya nahirapan.”

Huli raw niyang nakausap nang matagal si Direk Maryo J. sa Christmas party ng Productions 56 noong Disyembre.

Pero nagkaka-text at nagkakausap naman daw sila sa telepono. 

COMPLETE PACKAGE. Mami-miss daw ni Yul ang tawa ng manager.

“Hindi ko na maririnig yung tawang yun. 

“Siyempre ako, sa pinagdadaanan ko, makikita mo akong smiling face, pero may problema rin ako.

“Sa lahat ng problema ko, siya ang nagiging gabay mo. Palaging may solusyon. 

“Sa kanya, lahat merong solusyon.

“Actually, sa twenty years, kahit anong klaseng problemang dumating sa akin, buti naman ako, masayahing tao lang.”

Lahat daw ng mga natutunan niya kay Direk Maryo J. ay ipagpapatuloy pa rin niya. Pati ang tila habilin nito sa kanya.

“Lahat ng natutunan ko sa kanya, hindi ko lang ia-apply sa akin, pati sa mga anak ko.

“Kasi siya, parang magulang na puwede mo siyang tropa.

“Puwede mo siyang maging brother lang, puwede mong maging tatay, maging teacher, adviser… lahat siya.

“Parang complete package na siya na personal na ita-touch ang buhay mo.”

DIREK MARYO’S PLANS. Noong nabubuhay pa ang kanyang mentor at talent manager, may mga nababanggit daw itong plano para sa kanya.

Ayon kay Yul, “Gusto niya akong bigyan ng blockbuster na pelikula.

“Sabi niya, ‘Puro ka na lang awards. Dapat, bigyan naman kita ng pang-blockbuster na pelikula.’

“Actually, marami siyang plano para sa akin.

“Pero yun lang, nagkaroon lang ako ng ano sa schedule na hindi ako puwedeng magtrabaho ng Monday, Tuesday,” saad niya.

Magge-guest din sana siya sa FPJ’s Ang Probinsyano ng ABS-CBN, pero hindi puwede ang schedule niya.

Ang manager ni Direk Maryo ay si June Torrejon-Rufino.

Umaasa si Yul na si Ma'm June (ang siyang tawag kay June sa showbiz) na rin ang tatayong manager niya sa pagpanaw ni Direk Maryo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi siyempre, yung tatay ko, siya yung nanay naman. Sana...” pakli niya.

Dugtong pa ni Yul, “Alam mo, si Direk Maryo, hindi naman parang nagnenegosyo sa amin.

“Ang pinagkakakitaan niya, yung sarili niya.

“Pero yung pag-aalaga niya sa mga artista, wala, abonado siya dun.”

Kung may panghihinayang daw siya sa 20 taong pagsasama nila bilang talent at manager, ito ay ang hindi niya nakausap si Direk Maryo J. bago ito binawian ng buhay.

“Pero ngayon, okey na yung ano niya sa akin. Nalaman ko na kung ano ang gusto niyang sabihin sa akin.

“Huwag ko raw papabayaan ang Progreso Elementary School sa Bohol,” sabi ni Yul.

Dati raw ay nagkaroon ng proyekto si Direk Maryo J. sa naturang eskuwelahan, kunsaan namigay ito ng mga sapatos. 

“Lahat ng estudyante dun, sinukatan niya ng paa.

“Ngayon nga, pinapasabi niya sa akin… yung mga notebooks... itutuloy ko yun.

“Ang dami niyang plano sana sa Bohol.

“Meron pa siyang Children’s Festival, School for the Arts sa Bohol.

“At kung natuloy yun, maraming makikinabang na Boholano na mailabas nila ang talents nila.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN