Estafa victims surface, file cases vs. Gani Oro's partner

IMAGE Instagram

Talent manager Lolit Solis (left) calls on fellow estafa victims who had been victimized by Las Vegas Travel and Tours owner Imee Santiago Ong, broadcaster Gani Oro's partner (right).


Ang reklamo ng talent manager na si Lolit Solis laban kay Imee Santiago Oro ng Las Vegas Travels & Tours ang naging mitsa para lumantad ang ibang mga biktima ng panloloko ng travel agent, na ipinakikilala ang sarili bilang common law wife ng broadcast journalist na si Gani Oro.

Isa si “Rommel” sa mga naging biktima kaya sinampahan niya ng estafa case si Imee dahil hindi umano nito binayaran ang utang sa kanyang P1.9 million.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Rommel, nakiusap itong huwag nang banggitin ang apelyido niya bilang proteksiyon sa kanyang pamilya.

Ayon kay Rommel, umabot sa P2.4 million ang perang inutang sa kanya ni Oro.

Pero P1.9 million pa ang balanse na umabot sa P2,564,600, kasama ang interest.

Paglabag sa Batas Pambansa 22 ang kasong isinampa ni Rommel laban kay Imee noong August 2016 dahil tumalbog ang lahat ng mga tsekeng ibinayad sa kanya noong November 2015 hanggang May 2016.

Lahad ni Rommel sa PEP.ph, “Dalawang beses po niya na idinahilan ang pangalan ni Senator Manny Pacquiao nang manghiram siya ng pera sa amin.

“Gagamitin daw niya ang pera sa booking ng mga isinama ni Senator Manny Pacquiao sa laban nito kay Floyd Mayweather Jr. noong May 2015 sa Las Vegas.

“Ginamit uli ni Imee si Senator Pacquiao nang magdala ito ng mga kasama sa laban nila ni Timothy Bradley sa Las Vegas noong April 2016.

“Idinahilan ni Imee na gagamitin niya ang pera na hiniram sa akin para sa booking naman ng mga kasama ni Pacquiao sa laban nito kay Bradley noong April 2016.”

Mula noon, hindi na raw nagpakita si Imee kay Rommel.

Hindi na rin siya matawagan sa kanyang cellphone kaya nagpasya ang complainant na magdemanda.

Pero hindi raw pinuntahan ni Oro ang lahat ng mga pagdinig ng korte sa kaso nila.

Noong February 27, 2018, nabalitaan ni Rommel na may hearing si Imee sa isang estafa case nito sa Branch 6 ng Manila Metropolitan Trial Court, kaya dito pinuntahan at inaresto ng mga pulis ang travel agent na nakakulong sa kasalukuyan sa Camp Karingal, Quezon City.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dinakip at nakulong na rin si Imee noong April 2017 pero nakalaya dahil nakapaglagak siya ng piyansa.


May kaso ring estafa si Imee sa Branch 65 ng Metropolitan Trial Court ng Makati City.

Apat na kaso ng Violation of BP 22 ang isinampa ng Richfund Int’l Co. Ltd. laban sa kanya noong October 2013.

Napatunayan ng korte na guilty beyond reasonable doubt si Imee sa mga kasong isinampa ng Richfund Int’l Co. Ltd., kaya ipinag-utos ni Acting Presiding Judge Ruth Pasion-Ramos noong December 8, 2017 na bayaran niya ang pagkakautang dahil subsidiary imprisonment ang magiging parusa sa akusado kapag hindi ito nakapagbayad.

Nanawagan si Rommel, pati na si Lolit Solis, sa ibang mga biktima ni Imee na magsadya sa Camp Karingal at magsampa ng pormal na reklamo.

Ngayong Sabado, Marso 3, nakatanggap si Lolit ng tawag sa telepono mula sa tatlong taong nagpakilalang inutangan din daw ni Imee pero tinakbuhan sila.

Nakipag-ugnayan sila kay Lolit dahil nabasa nila ang social media appeal ng talent manager na lumantad sana ang ibang mga biktima ni Imee para sama-sama sila sa pagsasampa ng demanda.

Bukas ang PEP.ph sa panig ng mga nabanggit na personalidad sa isyung ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN