Tenten "Kendoll" Mendoza says Alden Richards remains his priority despite TV career

IMAGE Noel Orsal / TAPE Inc.

Unti-unti nang nakikilala ng mga manonood si Tenten Mendoza, ang personal assistant ng Kapuso star na si Alden Richards, dahil sa kanyang pagganap bilang Kendoll sa "Barangay Jokers" segment ng Eat Bulaga.


Hindi maituturing na "unsung hero" si Tenten Mendoza, ang personal assistant ni Alden Richards, dahil madalas na ikinukuwento ng Kapuso star  sa lahat ang mga pag-aalaga sa kanya ni Tentent noong struggling actor pa lamang siya.

Gaya ni Alden, "star in his own right" na rin si Tenten dahil sa regular exposure nito bilang Kendoll, ang executive assistant ni Boss Madam, ang karakter ni Ryzza Mae Dizon, sa "Barangay Jokers" segment ng Eat Bulaga.


Opisyal na ipinakilala si Alden bilang celebrity endorser ng Cookie’s Peanut Butter ngayong Martes, March 20.

Sa open forum, tinanong ang aktor kung papayag ba siyang makasama sa isang teleserye si Tenten.

Sagot ni Alden, "Kung okey po sa schedule niya."

Habang nagkakagulo ang lahat sa pagtatanong kay Alden, si Tenten ang kinausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa bagong chapter ng kanyang buhay—ang pag-arte sa "Barangay Jokers."

Sinabi ni Tenten na malaki ang kanyang pasasalamat sa Eat Bulaga! creative head na si Jenny Fere dahil ito ang creator ng Kendoll character at may idea na gampanan niya ang role ng executive assistant ni Ryzza Mae.

Dagdag niya, "Nagpaalam muna sila kay Alden bago nila sinabi sa akin na ako ang gaganap na executive assistant ni Boss Madam."

Ayon kay Tenten, nakikilala na siya ng mga tao sa mga lugar na kanyang pinupuntahan dahil sa exposure niya sa Eat Bulaga.

"May time na hindi rin ako nakikilala kapag hindi ako naka-makeup," banggit niya.

Dahil halos araw-araw na ang kanyang paglabas sa Eat Bulaga, hindi nag-uulit ng damit na isinusuot si Tenten.

Kaya malaking tulong ang mga binibili niya sa murang halaga sa ukay-ukay.

Hindi na rin niya pinoproblema ang mga signature bag na gagamitin sa "Barangay Jokers" dahil marami ang nagpapahiram sa kanya, tulad ng isang congresswoman na kaibigan niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

LENTEN SPECIAL. Para kay Tenten, ang role bilang gay friend ng gay character ni Vic Sotto sa Lenten presentation ng Eat Bulaga! ang isa sa mga karanasang hindi niya malilimutan.

Saad niya, "Kaibigan ako ni Bossing sa Lenten special ng Eat Bulaga.

"Ninong ako at si Allan K. ng anak ni Bossing, na ginagampanan ni Maine Mendoza.

"Isang araw lang po ang taping pero sa 30  sequences, kasali ako sa 15 sequences.

"Medyo malaki po ang talent fee."

Dagdag pa ni Tenten, "May dramatic scenes ako.

"Naku, kinabahan ako sa mga eksena namin ni Bossing Vic! Binasa kong maigi ang script.

"Minsan take one ako, minsan dalawa, tatlo, kasi ang haba po ng mga sasabihin ko."

SUPPORTIVE BOSS. Paano kung alukin siyang maging mainstay ng isang teleserye, tatanggapin niya?

Sagot ng personal assistant-turned-celebrity, "Hindi po dahil kay Alden ako nag-umpisa."

Paano kung pumayag si Alden?

"Naku, mahirap po yun. Okey na yung palabas-labas ako sa Eat Bulaga.

"Si Alden po ang priority ko.

"Minsan po, kahit may shooting si Alden ng TV commercial, siya ang nagsasabi sa akin na magpunta ako sa Eat Bulaga.

"Very supportive po siya."

Hindi sinabi ni Tenten ang halaga ng daily talent fee na natatanggap niya mula sa Eat Bulaga.

Hindi pa raw siya naniningil dahil iniipon niya ang pera para sa nalalapit na operasyon ng kanyang ina.

"Kukunin ko yun dahil may paggagamitan ako, ooperahan po ang mama ko sa matris. Fifty-nine years old na siya.

"Hindi naman po ako breadwinner ng pamilya.

"Yung ipinatayo ko na parlor sa Laguna, ibinigay ko na sa kapatid ko, two years ago.

"Kapag kailangan ko naman ng pera, pinahihiram ako ni Alden," sabi ni Tenten.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN