Michael V. making waves as celebrity vlogger

IMAGE Screengrab from Michael V's YouTube channel

Michael V. on YouTube vlogging: "Kapag tiningnan nila yung vlogging o yung YouTube as a means to earn muna prior to creating content, magpe-fail. Pero if you're someone na ang objective mo is to create something, yun magpo-prosper siya."


May bagong inaabangan ang avid fans ng multi-talented comedian na si Michael V.—ang kanyang YouTube vlog.

Halos tatlong buwan pa lamang ang nakararaan nang i-post ni Michael V., na kilala ring Bitoy sa industriya, ang kanyang unang video blog o vlog sa kanyang YouTube channel.

Pero ngayon ay umaabot na sa halos 200,000 ang kanyang subscribers at ang kabuuang views sa kanyang channel ay umabot na sa mahigit 2.7 million.

Katulad nang madalas na makita sa telebisyon, hindi mawawala ang pagiging masayahin ng comedy actor sa kanyang vlogs.

“Masaya talaga kasi nag-e-enjoy ako sa ginagawa ko.

“Kasi, it's something na matagal ko nang gustong gawin pero wala akong venue,” sabi ni Bitoy.

Pabiro ngunit may patama pa niyang idinagdag, “Actually, matagal na rin 'to, matagal na rin dapat na ginawa ko noon pa.

“Parang ngayon lang ako nagkalakas ng loob kasi ang dami ko na ring nakikita na parang walang sense, e.

“Alam mo yung nakita nila yung opportunity na kumita sa YouTube and tinatawag na nila yung sarili nilang vloggers, e, wala naman silang naitutulong sa industriya. Ha-ha!”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang reporters  si Michael V matapos ang presscon proper para sa pagbabalik ng show nila ni Iya Villania, ang Lip Sync Battle, noong nakaraang linggo.

MEANINGFUL. Bagamat may naihahalo pa rin siyang mga patawa sa kanyang vlogs, may conscious effort pa rin daw kay Bitoy na maging makabuluhan ang bawat vlog entry na kanyang gagawin.

“I feel the responsibility to inform people through my vlog channel,” aniya.

Sabi pa ni Bitoy, gusto niyang ma-inspire ang sinumang makakanood ng kanyang vlogs.

“Ano 'to, e, inspirational supposedly. Katulad ng sinabi ko sa isang vlog, gusto kong makasama yung audience sa journey to these things.

“Yung iba nakukuha nila, 'Sir, nai-inspire po ako. Magsusumikap po ako, magtratrabaho po ako para mapuntahan ko 'yan, para mabili ko 'yan.'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yung iba naiinis, 'Parang ang yabang naman nito. Itong channel na ito puro pagyayabang lang ang ginagawa.'

“That's not the point. Yung mga tao na yun ang mga hindi uunlad, e. Yung mga taong na-inspire, ito yung mga aangat sa lipunan.”

CREATIVITY FIRST. Lingid sa kaalaman ng ilan, maaaring kumita sa pamamagitan ng pagba-vlog.

Ito marahil ang dahilan kung bakit maraming Pinoy ngayon ang tila nahuhumaling na mag-video ng kanilang ginagawa sa halos araw-araw para i-upload sa YouTube.

Para kay Michael V., wala namang masama sa ganito hangga't maganda ang intensiyon para sa mga manonood.

Katulad na lamang ng mga sinasabi niyang matitinong content creators.

Aniya, “Maraming legitimate na talagang creative content makers, na hindi mo maikakaila na sila yung nag-revolutionize dito sa social media.

“Sila yung mga unsung heroes ng YouTube, mga grupo 'yan.

“Ako, hindi kasali dun kasi parang nasa ibang linya ako, e.

“Yet may mga nag-e-express na gusto nila akong isama dun.

“Pero at this point, hindi pa puwede kasi hindi ako ganun karegular, more of a hobby lang ang ginagawa ko.”

Kaya ang payo ni Michael V. sa mga gustong maging YouTube vlogger: creativity first.

“Kapag tiningnan nila yung vlogging o yung YouTube as a means to earn muna prior to creating content, magpe-fail.

“Pero if you're someone na ang objective mo is to create something, yun magpo-prosper siya,” sabi ni Bitoy.

Diin pa niya, “Huwag mong isipin yung pera muna, darating 'yan.

“Lalapit at lalapit 'yan kapag tama yung ginagawa mo, maganda yung ginagawa mo.

“Kapag basura yung ginagawa mo... Kapag basura ang ginawa mo 'tapos kumita pa rin, at one point, you have to think about your life kung ano ang gagagwin mo.

“Itutuloy mo bang basura ang buhay mo at yung content mo?”

A HOBBY. Sa ngayon, hindi pa raw talaga makapag-commit si Bitoy na regular na makapag-vlog lalo na ang maging full-time vlogger.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“May mga nanghihinayang nga kasi hindi ko [ginagawa] on a regular basis yung vlog ko.

“Parang sabi nila at least once a week. E, hindi talaga ma-permit ng schedule.

“At this point, talagang hobby lang ito at this point.

“I would think na for a long time gagawin ko ito as long as mayroon akong content or material na pwedeng i-present sa mga tao.”

Kung hindi ka pa nakanood ng alinman sa vlog ni Bitoy, narito ang kanyang pinakahuling entry kasama ang ginaya niya, ang grupong Ex Battalion:


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN