Kim Chiu admits worrying about her status in showbiz: "Ayokong magsawa sila sa akin."

IMAGE Noel Orsal

Kim Chiu feels the need to always reinvent herself: "Ayokong magsawa sila sa akin kaya gusto ko bigyan sila ng iba-ibang klaseng Kim Chiu."


Hindi raw isyu kay Kim Chiu kung mayroon man siyang ka-love team o wala sa mga proyektong ginagawa niya.

Ang importante raw ay nabibigyan pa siya ng trabaho lalo na’t matindi ang kumpetisyon sa mga artista ngayon.

Pahayag ng 27-year-old Kapamilya actress, “Okay naman po kahit ano.

"Huwag ka nang mamili kasi dami nang artista sa industriya, suwerte ka na kapag binigyan ka ng mga projects.

“So be thankful and be happy sa lahat kasi hindi lahat [nabibigyan].” 

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kim sa press conference ng kanyang upcoming movie na DOTGA (Da One That Ghost Away), na ginanap sa 9501 Restaurant sa ELJCC Building, ABS-CBN compound, nitong Huwebes, April 12.

ON COMPETITION. Sa halos 12 taon ni Kim sa showbiz, natutunan daw niya na ang hamon ay hindi sa kapwa artista kundi sa sarili upang manatiling relevant.

“Nagiging kumpetisyon ko yung sarili ko, kung ano pa yung ibang flavor na ibibigay ko sa audience ko.

“Ayokong magsawa sila sa akin, kaya gusto ko, bigyan sila ng iba-ibang klaseng Kim Chiu.”

Patuloy niya, “Siyempre pag nagsisimula ka, kailangan mong bumuo ng ka-love team.

"And then ngayon, siguro sa panahon ngayon, at meron ka naman nang ka-love team, bakit hindi ka mag-explore?

"Ikutin mo ang kaya pang ikutin ng powers mo habang kaya mo pa.”

Hindi raw maiaalis sa isang artista na makaramdam ng kaba dahil laging may bagong artistang dumarating.

Ayon kay Kim, “Kasali naman po yung kaba sa lahat ng ginagawa mo.

"Kahit mag-aral, kakabahan ka kapag mag-answer ka ng test.

“Kasali yun bilang tao, yung kaba.

“Ang yabang mo na siguro pag di ka kabahan, magkape ka pa para kabahan ka.

“Siyempre kasali yung kaba sa lahat ng form or race na ginagawa natin.

“Kayo, reporters, may kaba din sa inyo.

"Kami din, as an actor or actress, lagi may kaba sa projects namin.”  

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Itinuturing ni Kim na masuwerte ang sarili na hanggang ngayon ay nabibigyan pa siya ng proyekto.

Napagdaanan niya ang magkaroon ng ka-love team, magkaroon ng solo projects, at makasama ang iba pang grupo ng artista.

“Siguro matatawag ko ang sarili ko na masuwerte ako sa showbiz kasi nabigyan ako ng chance na ikutin ang mga dapat ikutan,” pakli niya.

Ipalalabas ang DOTGA simula sa April 18, Miyerkules.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN