Paul Salas on leaving ABS-CBN: "Graceful exit naman."

IMAGE Rose Garcia

Paul Salas on leaving ABS-CBN and moving to GMA-7: "Parang naging bahay ko na rin yun. Doon ako lumaki sa ABS. Nag-isip talaga ako nang tama at marami na rin ang nagsabi, like sila Daddy, 'Kung passion mo talaga ang pag-acting, kung gusto mo na palagi kang nagtatrabaho, iba-iba ang role, try naman natin sa iba, GMA naman.'"


Balik-Kapuso ang young actor na si Paul Salas.  

Si Paul ay produkto ng StarStruck Kids, reality-based artista search ng GMA-7noong 2004.

Five years old lamang noon si Paul nang sumali siya rito.

Noong 2008 ay lumipat siya sa bakuran ng ABS-CBN, na naging tahanan niya sa loob ng halos sampung taon.

Nito lamang Huwebes, May 17, pumirma siya ng co-management contract sa GMA Artist Center ng Kapuso Network at PPL Entertainment, Inc. ng talent manager na si Perry Lansigan.

Ito ang hudyat ng pagbabalik ni Paul sa una niyang naging tahanan.

Ayon sa 20-year-old actor, malaking bagay sa desisyon niyang bumalik sa GMA-7 ang tatlong tiyuhin niya na pawang PPL at Kapuso artists.

Ang ina ni Paul ay pinsan ng Kapuso actors na sina Dingdong Dantes, Arthur Solinap, at Carlo Gonzalez.

Ang ama naman niya ay ang dating Universal Motion Dancers member na si Jim Salas.

Saad ni Paul tungkol sa kanyang paglipat, “For a change, nandito na rin po ang family ko.

“With PPL naman po, nakita ko po sila Tito Art, Tito Dingdong, Tito Carlo kung gaano nila trinust si Tito Perry, at nakita kong maganda yung career nilang lahat sa GMA.

“So, naisip ko na kay Tito Perry na talaga ako papahawak.  

“No doubt na, hindi na ako nag-isip kung kanino pang manager.

“Talagang pinatanong ko kay kay Daddy na kung puwedeng tanungin na si Tito Dong, baka puwede akong ilakad kay Sir Perry.  

“Then, si Tito Art din, si Tita Rochelle [Pangilinan], silang tatlo, kinausap nila si Tito Perry, ‘tapos pina-meeting nila sa akin.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Paul sa opisina ng PPL Entertainment, Inc. sa Scout Tobias, Quezon City, noon ding Huwebes.

THE TRANSFER. Kagaya ng nabanggit, halos isang dekada ang itinagal ni Paul sa bakuran ng ABS-CBN at sa talent management nitong Star Magic.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang huli niyang teleserye bilang Kapamilya ay ang You’re My Home (2017), ngunit nagkaroon siya ng guest role sa The Good Son (2018).

Mayroon ba siyang hindi nagustuhan o tampo sa ABS-CBN at Star Magic kaya nagdesisyon siyang lumipat sa GMA-7 at magpa-manage sa PPL? 

Tugon ni Paul, “Wala naman po, wala naman po akong tampo.  

“Passion ko po talaga ang pag-acting. Yung mata-try ko ang iba’t ibang role.

“Kaso, medyo nagkulang lang dun sa ABS dahil hindi rin ako naka-teleserye ng ilang years.

“Pero masaya ako dahil nagge-guesting-guesting din ako sa MMK nila.

“Pero for a change na rin talaga.”

Nagpaalam naman daw siya nang maayos sa Star Magic.

“Graceful exit naman.

“At saka, marami na rin po akong naging close dun, mga handlers.

“Kasi, ang tagal na rin po. Simula bata ako, naabutan na nila akong lumaki dun.  

“Wala naman pong problema. Nagpaalam naman ako nang maayos.”

Inamin ni Paul na naging mahirap sa kanya ang desisyong lisanin ang ABS-CBN.

Saad niya, “Kasi, parang naging bahay ko na rin yun. Doon ako lumaki sa ABS.  

“Nag-isip talaga ako nang tama at marami na rin ang nagsabi, like sila Daddy, ‘Kung passion mo talaga ang pag-acting, kung gusto mo na palagi kang nagtatrabaho, iba-iba ang role, try naman natin sa iba, GMA naman.’”

Isang taon daw niyang pinag-isipan ang ginawang paglipat.

Matagal na rin daw nag-expire ang kontrata niya sa Star Magic.

BACK TO KAPUSO. Masaya raw ang pakiramdam ni Paul sa muli niyang pagtuntong sa Kapuso network.

“Masaya, sobrang saya!” sambit  niya.

“Nagmi-meeting-meeting din po kami sa GMA nung prinisent ako ni Sir Perry dun, kila Tita Lilybeth Rasonable].

“Natatandaan din nila ako nung bata. Ikot-ikot, tumatakbo lang daw ako dun.

“Yung anak din naman po ni Tita Lilybeth, si Paolo, friends ko rin po. Ka-basketball ko po.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ka-batch ni Paul sa StarStruck Kids sina Bea Binene at Miguel Tanfelix, na pareho na ngayong gumaganap na lead stars sa mga teleserye.

Wala bang panghihinayang na baka kung hindi siya umalis sa GMA-7, isa na rin siya sa mga batang leading men ng network ngayon?

“Hindi po, hindi naman po,” nakangiting sagot ni Paul.

“Siguro po, everything happens for a reason naman. Ito po yung plano sa akin ni God.

“At saka ang sarap ng feeling, e, yung pagbabalik, ang sarap sa feeling.”

Nagkita na raw sila ni Miguel, at masaya si Paul kung ano na ang narating nito ngayon sa showbiz.

Kuwento ni Paul, “Sobrang saya ko nung nagkita kami nila Miguel. Nagkita kami sa concert ni Bruno Mars.  

“Sabi nga niya, ‘Totoo ba ang balita na lilipat ka na raw rito?’

“Sabi ko, ‘Ewan.’

“Hindi ko pa sinabi kasi hindi pa naman masyadong confirmed noon.”

PLANS FOR PAUL. Ngayong balik-Kapuso na si Paul, alam na ba niya kung ano ang mga plano sa kanya ng GMA-7?

Tugon niya, “Sana po mga iba’t ibang roles naman.

“Puwede naman akong magkontrabida, superhero... kahit ano po ang ibigay nila.”

Biro namin kay Paul, parang sinundan niya ang huling ka-love team niya sa ABS-CBN na si Mika dela Cruz. Pareho na sila ngayong Kapuso at PPL artists.

Sabi niya tungkol dito, “Opo nga, e, parang one year na rin since lumipat siya.

“Actually, nagkausap po kami kasi nagkasama kami sa PPL Connect.

“Sabi nga niya, ‘Lilipat ka rin pala, hindi pa tayo nagsabay.’”

Hindi kaya ituloy ang love team nila ni Mika ngayong pareho na silang Kapuso?

“Puwede po, kahit ano naman po ako, okey lang,” sagot niya.

Ilan pa sa Kapuso stars na kakila na raw ni Paul ay sina Kristoffer Martin, Ruru Madrid, at Juancho Trivino.

“Sana may gawin silang teleserye na parang grupo-grupo. Yun ang mga gusto kong kasama kasi mababait,” asam niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa Kapuso female stars, sino naman ang mga gusto niyang makasama?

“Si Kyline [Alcantara] kasi galing din siya ng ABS. At saka, magkakilala na rin.

“Nagkakilala rin kami sa Star Magic Ball, mabait na bata,” sabi ni Paul.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN