Joel Cruz answers Kathelyn Dupaya's allegations; details transactions that led to her multi-million peso debt

IMAGE Noel Orsal / Instagram

Aficionado owner Joel Cruz refutes Kathelyn "Kathy" Dupaya's allegations, including the delivery of expired perfume products in Brunei. Joel had earlier filed an estafa case against Kathy, for owing him more than 40 million pesos. He then filed a libel suit against Kathy early this month. "Sana mag-focus siya sa issue na may utang siya sa akin."


Nakabalik na sa bansa si Joel Cruz, ang may-ari ng perfume brand na Aficionado, mula sa kanyang business trip sa Amerika.

Nakarating na rin sa kanya ang mga naging pahayag ni Kathelyn "Kathy" Dupaya. 

Si Kathy ang Brunei-based businesswoman na sinampahan ni Joel ng mga kasong estafa at libel kamakailan.

Hindi raw naibigan ni Joel ang mga naging alegasyon ni Kathy laban sa kanya at sa kanyang kumpanya, na expired umano ang mga pabangong idineliver upang ibenta sa Brunei.

Ani Joel, "Nung narinig ko na nagsalita siya, gusto ko nang umuwi, para ipagtanggol ang sarili ko sa mga sinabi niya against me."  

Maging ang mga kapamilya raw ni Joel ay labis na naapektuhan dahil sa mga isyu sa pagitan nila ni Kathy.

Kuwento niya, "One time, yung mommy ko, nung napanood yung isang interview niya na umiiyak, sabi niya sa akin, 'Tingnan mo ito, tingnan mo ito,' na alam ko na kahit papaano ay affected siya. 

"Yung mga kapatid ko, my brother-in-law, sinasabi na bakit daw ako nagpaloko sa ganung tao.

"Na-blame pa ako, nasaktan ako, kasi akala ko totoong tao."

Hindi lang daw ang perang nawala ang pinanghihinayangan ni Joel.

"Masakit sa akin talaga, masakit sa damdamin ko, masakit sa aking pagkatao na mga perang pinaghirapan namin sa kumpanya, mawawala nang ganito.

"At may nasirang friendship ng dahil sa pera." 

Hindi rin sang-ayon si Joel sa umano'y character assassination na ginagawa ni Kathy sa mga taong pinagkakautangan nito.

“Well, unang-una, napakaraming kasinungalingan ang sinasabi ni Kathy Dupaya.

"Sana mag-focus siya sa issue na may utang siya sa akin, ang utang niya sa akin ay more than 40 million pesos.

“Kung sisiraan niya kami, sana handa din siya, kasi wala naman siyang ebidensiya. 

"Kasi lahat ng sinasabi niya, puro kasinungalingan," saad niya sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

ANSWERS TO KATHY'S ALLEGATIONS. Inisa-isang sagutin ni Joel ang mga paratang ni Kathy laban sa kanya.

"Unang-una, sinasabi niya na ako daw, gustong makilala siya.

"Si Joey Sarmiento ang nagpakilala sa akin sa kanya. Hindi ko kilala kung sino si Kathy Dupaya.

"Gusto raw akong makilala ni Kathy Dupaya sabi ni Joey.

"Pumunta ako dun sa party niya, sa birthday party ng anak niya sa Solaire [Resort & Casino in Pasay City].

"Nung 15 minutes away from the venue ako, sumalubong na siya sa akin, hawak-hawak niya ako, sabi niya, 'Halika, Sir Joel.'

"Hinatid niya ako sa loob, na hindi ko naman kilala kung sino siya.

"Kaya huwag niya sabihin na ako yung atat na atat na makilala siya."

Mariin ding pinabulaanan ni Joel ang tungkol sa expired perfume products.

"Pangalawa, yung sinabi niya na may binili raw siyang products na worth two million pesos na expired, hindi totoo iyan!"

May mga message nga ba siyang nagso-sorry tungkol sa products na expired?

Hamon ni Joel, “Pakita na lang niya na mayroon akong mga text messages.

“Kasi nga, ang problema sa kanya, marami siyang sinasabi. Salita siya nang salita, madaldal siya, dada siya nang dada.

"Maghaharap naman kami sa korte, so dun mapapatunayan lahat kung sino ang sinungaling na tao at sino ang professional na may mga dokumentong maipapakita."

Dagdag pa ni Joel, “Lahat ng documents naman, may OR [original receipt] iyan. 

"Yung mga kinuha niya, may invoice, dun pa lang sa kumuha siya ng August 2016 na unang order niya.

“Yung mga products na yun, ang naka-record sa amin na ang expiration, October 2017.

"So, puwede niya yung ibenta ng one year and two months bago ma-expire."

Ayon pa kay Joel, makailang beses umorder si Kathy ng kanyang mga pabango.

"Hindi lang siya bumili sa akin ng isang beses, hanggang September 2017, bumibili siya sa akin. 

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Umabot lahat yun ng 590,000 something pesos, lahat lang.

“Kaya mali na naman ang sinasabi ni Kathy Dupaya na two million, its only 590,000 something in pesos lang.

"Kasinungalingan na naman yun."

Muli pang giit ni Joel, "Tsaka expired? Nasa records rin naman sa lahat na valid iyan in one year and two months. Kasinungalingan na naman yun."

Kumasa rin si Joel sa panawagan ni Kathy na imbestigahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kanyang kumpanya.

Sabi niya, “Tapos kinukuwestiyon niya ang BIR? Ang aming factory ng pabango namin, meron iyang BIR representative, legitimate na tao ng BIR, kasi meron kaming alcohol content, e.

"Yung BIR representative, they check, dumadaan sa kanya ang lahat ng ginagawa naming produkto.

"Kaya kasinungalingan yung sinasabi niyang hindi kami nagbabayad sa BIR, dahil nagbabayad kami sa BIR.

"Sinasabi pa ng mga matataas na empleyado dun na ang Aficionado ay isa sa mga pinakamaayos na magbayad na kliyente sa industriya ng pabango.

"Yun ang sinasabi sa amin, 'tapos sasabihin na naman iyan kasinungalingan."

Panawagan ni Joel, pagtuunan na lamang ng pansin ni Kathy ang pagbabayad sa kanyang utang.

"Nakakatakot siya kasi nabubuhay siya sa kasinungalingan. Ayaw na lang niya magfocus sa pagbabayad ng utang niya.

"Kasi kami, napakarami mo kaming inutangan, napakaraming tao na may utang ka, bakit hindi ka mag-focus dun?"

Hinuha pa ng businessman, baka naghahanap lang ng scapegoat si Kathy upang maiba ang usapan.

“Style mo ba iyan? Strategy mo ba iyan, yung magsasalita ka ng kasinungalingan?

"Dyusko, dinadagdagan lang niya ang problema niya."

May sagot din si Joel tungkol sa kanyang naipundar na kayamanan.

May nabanggit kasi si Kathy sa kanyang panayam na kataka-takang napakayaman ni Joel nang dahil sa mga pabango lamang.

“Alam mo, ang pera namin, pinaghihirapan.

"Yung sa trabaho, pinaghihirapan namin, kung ano man ang meron ako ngayon, katas ng dugo’t pawis iyan mula sa pagsisikap at mula sa pabango.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nakakaawa yung sa ibang nabiktima niya, kasi bago pa nga nilang pinaghirapan yung pera nila, ganun pa ang nangyari.

"Siya, hawak niya yung pera namin. Alam naman ng lahat na nagsusugal siya sa casino."

Pahabol niya, "Siguro, honesty is the best policy. The truth will prevail.

"Aminin na lang niya kung saan ba talaga napunta ang mga pera namin.

“Not only in the Philippines siya nanloloko, nakarating pa siya ng Brunei."

OTHER ALLEGED CELEBRITY VICTIMS. Ayon pa kay Joel, may mga nakausap siyang artista na nabiktima rin diumano ni Kathy, ngunit pinili na lamang manahimik.

Aniya, "Marami ring artista sa atin na nabiktima niya na natanong ko kung magkano utang sa kanila.

"Pero ayaw nila magsalita. Ayaw malaman ng tatay nila, ng nanay nila, ng mga kamag-anak nila, ng mga mahal nila sa buhay, na may isang tao na nanloko sa kanila ng ganun kalaking halaga.

“Ako kasi, kinuha ko si Attorney [Ferdinand] Topacio, sinabi ko ang kasong ito, ilalaban raw niya ang kasong ito.

“Naawa talaga ako sa mga nabiktima niya na tao."

Mas nag-aalala raw si Joel sa ibang kinauutangan ni Kathy.

"Ako, anim ang anak ko, apat ang nag aaral.

"Akin lang, nagpapasalamat pa rin ako kay Lord, na kahit nakuhanan niya ako ng 40 million, nandiyan pa rin at okey ang negosyo ko at napag-aaral ko ang mga anak ko.

"Kaso may mga nabiktima siya na nadi-depress na rin. Kawawa yung mga taong yun.

"Kawawa yung mga OFW sa Brunei, yung mga pera nilang pinag-ipunan, nawala ng ganun-ganun lang.

“Pinaghirapan namin yung mga perang ito, ikaw Kathy Dupaya, hindi mo pinaghirapan ang lahat ng ito."

Dagdag pa ni Joel, "Masakit sa amin yun, ikaw ba [Kathy] nagtatrabaho ka nang malinis? 'Tapos ganyan ka, dada ka pa nang dada.

“Masakit na ganun ang mangyayari sa pinaghirapan mong pera, galing sa pinagtrabahuan natin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nagpapasalamat sa akin yung ibang nabiktima niya, kasi lumabas at nagsalita ako.

"Sabi ko sa sarili ko, kung hindi ako lalabas at magsasalita, marami pa siyang maloloko."

WHY JOLO? Ano ang masasabi niya na nagsampa na si Kathy ng kaso sa Jolo, Sulu?

“Hindi ko pa kasi nakakausap si Attorney Topacio, pero may ginawa na rin siyang kaso laban sa kanya. Kaya I’ll just leave it to Attorney Topacio.

"Nagtataka rin ako kung bakit gusto niya na magsampa sa Jolo, Sulu?"

Ayon kay Joel, iba-iba ang nakalagay na address ni Kathy sa mga pinirmahan nitong dokumento, ngunit hindi kabilang dito ang bayan ng Jolo.

“Sa lahat ng dokumento na hawak namin na pinirmahan niya, wala akong nakikitang address niya sa Jolo, Sulu.

"Kaya nagtataka talaga ako kung bakit ipinagpipilitan niya na mag-file sa Jolo, Sulu.

“Ang alam ko lang na address niya sa pinipirmahan niya, kung hindi man sa Comembo [kung nasaan ang] condo sa Makati, bahay sa San Jose Del Monte, Bulacan, at yung apartment na nire-rent niya sa Brunei.

"Never na nakita ko ang Jolo, Sulu kaya nagtataka talaga ako."

Noong June 8 ay nagsampa na ng kasong libelo si Joel Cruz laban kay Kathy Dupaya sa Manila City Hall.

Bago ito ay nagsampa na siya ng kasong estafa laban kay Kathy sa Quezon City. 

Gaano katotoong hindi na raw 40 million ang utang ni Kathy kay Joel?

Paliwanag ni Joel, “Ang totoong principal niyan ay umabot pa kami ng 50 million pesos.

"Ang style niya kasi, papadamahin ka niya.

"Ibig sabihin na papadamahin, October 2017, ibinibigay pa niya yung interest, no.

"Minsan nga, yung kapital mo na nabigay mo sa kanya, isosoli niya yung five hundred thousand, kasi wala pang nangungutang daw sa kanya.

"Pag pinagsama-sama mo yung pera at yung interest nun na six million, yun yung sinasabi niyang ibinalik niyang pera."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Himutok ni Joel, “Utang na loob, interes yun. Nasa usapan, nasa kontrata, at pera ko rin yung binalik niya.

"Kaya nga yung fifty million bumaba ng forty million plus na lang, nagbalik lang siya ng pera ko rin."

Ang kabuuang utang daw sa kanya ni Kathy ay PHP29,750,000 at U.S. $200,000.

"Kaya naman umabot yun ng more than 40 million pesos."

Ipinaliwanag din ni Joel kung paano nangyari ang kanilang mga transactions.

“Ganito yun. Nung August, September, October 2017, nagbibigay siya ng six percent interest. 

“Pumasok yung November, ika-30th day, wala na siyang binibigay. Dun na siya nagkakaproblema, November last year.

“Lumagpas na ang 30 days, lumagpas na ang more than 30 days na wala siyang nabibigay na interest."

Dito na raw nagsimulang mag-isip si Joel.

“Dumating ang December first week, sabi ko since may 40 million na pera sa kanya, 'Balik mo naman yung 10 million pesos, kailangan ko sa Amerika.'

“Pinangakuan niya ako, pero natapos ang December, walang nangyari. Wala siyang ibinigay sa akin na pera.

"Kaya naman November pa lang, nagdududa na kami.

"December, naniwala na ako na hindi na mababalik ang pera ko."

FAILED PAYMENTS. Patuloy ni Joel, “January 2018, hindi na namin siya makontak. Nagpunta na ako kay Attorney Topacio.

“Pero dapat as early as February, idedemanda ko na siya, kaso may isa kaming kaibigan, isasanla niya yung kanyang property sa Comembo, Makati.

“Sabi ng kaibigan ko, 'Tutulungan kita Joel dito sa ibinibenta niyang property para may mahawakan ka lang na property.'

"Umasa kami nun. Nang tsinek namin yung property sa fiscal's office, may kaso. Hindi sa kanya nakapangalan yung property.

"Sabi ko, 'Dyusko, paano mabebenta yung property kung hindi nakapangalan sa iyo?' 

"Tapos, may kaso pa, di ba? Kaya sinabi ko sa [kaibigan ko] na sabihin kay Kathy na tawagan ako. 'Kasi ayaw ko nang madamay pa kayo sa kaso dito, baka pati kayo maloko pa.'"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagkatapos daw nito ay tinawagan siya ni Kathy.

"Tumawag si Kathy sa akin. Sabi ko, 'Kathy, hindi, may problema yung property. Bakit mo isasanla sa akin iyan?'

"Pero sinasabi pa niya sa akin na, 'Hindi, alam iyan ng lawyer ko. Pero sabi ko, 'Sabihin mo sa lawyer mo na i-check.'

"Tapos finally nakita niya na may problema nga. Ewan ko kung deny-deny siya. Pero alam nila yun.

"So, dun pa lang nawalan na ako ng gana."

Lumipas daw ang ilang linggo at muling lumapit sa kanya si Kathy.

"Hangang several weeks, sabi niya, 'Sir Joel, meron akong naka-pending na loan sa bangko.' Sa rural bank daw.

"Kasi red flag na siya sa ibang bangko, tinulungan na nga namin siya sa ibang bangko, e, pero sinuka din siya ng bangko na yun.

“Ngayon, itong rural bank, sabi ko sige lan, kasama si Lambert at Attorney Jasmin na, 'Sige lang, sumama kayo, baka naman makuha natin.'

“Sinamahan sila ni Kathy sa rural bank, 'tapos tinuturuan niya si Lambert at Attorney Jasmin na, 'Palabasin niyo dito sa bangko na contractors kayo, na meron akong renovation na ginagawa, 'tapos tsaka ko sa inyo ibibigay yung pera.'"

Si Lambert Lopez ang general manager ng Aficionado at abugado naman ni Joel si Attorney Jasmin Regis-Sy.

“'Tapos sinasabi niya na naka-ready yung pera na ipapautang sa kanya, pero bakit iba na naman ang istorya?"

“So, in other words, nagtagal sila dun, umalis si Kathy iniwan na sila. 'Tapos kinausap na nina Lambert at Attorney Jasmin ang general managers ng rural bank.

“At sinabi nito na hindi daw makakautang si Kathy.

"Kaya sabi ko na, 'Naku lokohan nang lokohan nang lokohan na lang ito."

Dahil dito ay nagdesisyon na si Joel na tuluyang idemanda si Kathy.

"After nung nangyari bumalik na ako kay Attorney Topacio at sinabi ko na, 'Pasensiya na kung ilang buwan akong na-delay na magsampa ng kaso, kasi umasa ako.'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pinagbigyan ko siya na baka yung titulo ng property ay legal at walang sabit, pero may kaso.

“Pinaniwala niya ako na maka-Diyos siya, kasi nagmi-meet pa kami sa Quiapo Church.

“Kinuha ko pa nga siyang ninang sa bunso ko na anak, kasi napaniwala niya ako na mabuti at mabait siyang tao.

“Kaya nga sabi ko sa kanya, kung mababasa mo ito ngayon, ngayon mo patunayan na totoo kang anak ng Diyos, totoo kang maka-Diyos, at ang gawain mo lahat ay maka-Diyos.

“Patunayan mo yun, hindi lang sa akin Kathy, pati lahat sa amin na nabiktima mo."

Hindi na rin daw nakipag-ugnayan sa kanya si Kathy mula noong magsampa siya ng kasong estafa laban sa business woman.

“Wala na, wala na. Nakita ko na lumalabas na rin siya sa mga TV at nagpapa-interview. At ang na-notice ko nagwawala siya, umiiyak siya, panay negative na ang sinasabi niya sa akin.

“Kaya ang sabi ko, okey basta naka-ready kami, lahat ng mga legal na dokumento sa mga sinasabi niya."

LESSON LEARNED. Matapos daw magpa-interview ni Kathy sa media kung saan ay umiiyak ito, nakatanggap daw ng pamba-bash si Joel.

Aniya, “Meron, may mga namba-bash sa akin, actually hindi ko nabasa.

"Sinasabi lang ng mga tao ko, mga salitang hindi magaganda, nahe-hurt ako.

“Pero ako kasi yung tao na I always respect yung sinasabi ng ibang tao.

“Pero kung bibigyan ako ng opportunity na makausap sila, sasabihin ko na huwag po muna sana tayong maniniwala sa sinasabi ng tao.

“Parang kami, napaniwala niya nung una. Ang dami niyang nabiktima, dahil magaling siyang magsalita.

“Napakain ako, nalibre ako sa Brunei, yung ganun.

"Yung iba nag-Paris, binibigyan ng mga bags. Sabi niya mamahalin, pero may mga nagsasabi na fake bags ang mga iyon.

“Sabi ko lang, mahirap maniwala sa nakikita mo. Kasi yung grupo namin, lahat nabiktima, meron kaming Facebook, nasa Viber pa lang nag-uusap na kami.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At may mga messages na galing sa Brunei, naka-forward kina Ynez [Veneracion], andami nitong nilokong tao.

“It's so painful and so sad na nakilala ko siya, ang laking lesson sa akin nito sa buhay ko.

“Imagine, for almost 20 years na na-establish yung aking hanapbuhay from scratch na lumaki.

"I’m so proud na Pilipino ako, na nakilala itong produkto kong ito not only in the Philippines, but all over the world.

"'Tapos isang tao lang na kapwa ko pa Pilipino ang sisira. Na wala naman siyang basis, na kami lahat, dala namin lahat ng dokumento sa lahat ng sinasabi niyang mali sa amin.

“Pinu-front niya lang na matapang siya, para sini-set niya sa mind ng mga tao.

“Hindi ko alam ang style niya, kung kami na strategies niya. 

"Kaya may sarili talaga siyang strategy, mapapaniwala ka talaga para makakuha siya ng simpatya ng tao."

"UTANG IS UTANG." Kapag binayaran ba siya ni Kathy ay mapapatawad pa niya ito?

“Ang sa akin kasi, wag lang ako sana ang bayaran, bayaran niya kaming lahat.

“Hindi ako magiging masaya kung ako lang ang babayaran niya.

"Nalaman ko lahat ang istorya nila, naaawa din ako sa kanila. Perang pinaghirapan yun kaya kailangan niyang ibalik.

“Utang is utang, dapat bayaran.

“Hindi lang dito sa Pilipinas, hangang sa Brunei kung saan may atraso ka Kathy, balikan mo sila at ayusin mo.

"Dahil lahat sila napakarami, takot lang magsalita yung iba."

Pag nakaharap niya nang personal si Kathy, ano ang masasabi niya rito?

“Sana ibalik niya sa akin yung tiwala na maka-Diyos siya.

"Sabi mo, anak ka ng Diyos. Alam mo Kathy kung ano ang anak ng Diyos, at alam mo kung ano ang gawain ng anak ng Diyos.

“Masakit sa akin at sa mga niloko mo, ang dami namin.

"Yung ibang niloko mo, ayaw magsalita, natatakot sa iyo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ikaw na ang may atraso pero kinatatakutan ka, hindi ko alam kung bakit.

“Pero nakita kita kung papano mo sila mura-murahin, baka lang dun natatakot sila.

“Sana huwag ganun. Nakuha mo yung pera sa amin nang maayos na usapan, ibalik mo rin sa amin yung pera sa maayos na usapan, huwag mo silang murahin.

“Buti hindi mo ako minura, pero yung iba I pity them kapag minumura mo sila.

"Malakas ang loob mo na murahin sila, e, dehadong–dehado na nga ang mga taong yun.

“Tsaka sana pag magsasalita ka ng masasakit, siguraduhin mong paninindigan mo iyan hanggang sa dulo.

“Wala sanang kasinungalingan, dahil laging nasa huli ang pagsisisi.

"Tsaka sana aminin niya rin kung saan napunta ang pera, yung totoo lang.

“Kaya naman ngayon maingat na maingat ako sa mga taong makikilala ko.

"Sa dami ng magpa-file ng kaso sa kanya, ewan ko lang kung papaano niya haharapin ang lahat ng ito."

Hindi rin daw alam ni Joel kung mababayaran pa ni Kathy ang utang nito sa kanyang milyun-milyung piso.

“Hindi ko alam. Sana, pero sa ngayon, hindi ko alam. Siya ang makakasagot niyan.

"Sa ngayon, I keep on praying. Pinagdarasal ko din si Kathy na maayos niya lahat ng ito, hindi lang sa akin kung hindi para sa lahat.

“Sa ngayon, nalulungkot din ako kasi isang friendship ang nawala, pero masyadong marami na ang nangyari at marami na ring salitang nabitawan, hindi lang sa akin, kung hindi sa aming lahat."

Puwede pa ba silang maging magkaibigan ulit ni Kathy sakaling maayos ang lahat ng ito?

“A, alam mo naman na bilang Kristiyano nakakapagpatawad talaga tayo.

"Yes, mapapatawad ko siya bilang Kristiyano," pagtatapos ni Joel.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN