TNT grand finalist Anton Antenorcruz opens up about same-sex marriage: "Mali yung decision ko nun."

IMAGE Arniel Serato

Ibinaon na raw sa limot ng "Tawag ng Tanghalan" Season 2 grand finalist na si Anton Antenorcruz ang pagpapakasal niya noon sa kapwa lalaki. Bata pa raw siya noon at naging padalus-dalos ang kanyang naging desisyon.


Naging malaking balita noon ang paglabas ng mga larawan at video ng pagpapakasal ng baguhang singer na si Anton Antenorcruz sa kapwa niya lalaki.

Kakapasok lang noon ni Anton sa semifinals ng singing search ng It's Showtime na "Tawag ng Tanghalan" (TNT) Season 2.

Bukod sa husay sa pagkanta at angking kaguwapuhan, isa ring flight attendant si Anton sa Philippine Airlines (PAL) kaya binansagan siyang “Crew-ner ng Parañaque.”

Ngunit nadiskubre ng publiko na nagpakasal pala siya sa isang sikat na Filipino-Australian chef na si John Carasig noong 2012.

Hindi nagsalita si Anton tungkol dito hanggang sa mapabilang siya sa grand finals ng "TNT" Season 2.

Sa grand finals ng "TNT" noong June 2 sa Aliw Theater, umabot hanggang Top 6 si Anton ngunit hindi na nakapasok sa Top 3.

Kagabi, July 12, sa launching ng bagong TNT Records at sa pagpirma nila ng kontrata ng kapwa niya grand finalists, nagkaroon ng pagkakataon ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na makausap si Anton.

Sinubukan naming tanungin ang singer tungkol sa kabanatang iyon ng kanyang buhay, at nagpaunlak naman ang singer.


LIFE-CHANGING DECISIONS. Kasabay ng pag-arangkada niya noon bilang daily contestant sa "Tawag ng Tanghalan" ay ang paglabas ng mga larawan at video niya kasama ang dating karelasyon.

Hindi raw inaasahan ni Anton na magsilabasan ito.

Inakala raw niyang nabaon na ito sa limot dahil halos limang taon na ang nakalilipas mula noong sila ay nagpakasal at naghiwalay rin.

Nineteen years old lamang daw si Anton nang siya ay magpakasal sa dating nobyo.

Saad niya, “Ako naman po, ang tagal na kasi nun, so parang I’ve learned from my mistakes. 

“Hindi rin siya magandang experience for me.

"So, nung lumabas yun, siyempre affected ako, kasi lumalaban ako, e.

“Parang more than the physical stress na nakukuha mo physically, parang emotionally stressed ka rin sa laban mo bilang may mga ganung issues. 

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, parang ano, parang di ko ini-expect na mauungkat pa yun kasi ganun na katagal na nga.”

Ayon pa sa 26-year-old singer, “Tsaka yun na nga po, parang may mga bagay ako na nagawa dati na parang naging impulsive ako dahil bata pa siguro ako.

“Or mga bagay na hindi ko napag-isipan. 

“Kumbaga, yung mga life-changing decisions before, nung bata pa ako, di ko pa naisip ang importance ng mga ganun kalalaking decisions. 

“So, parang ayun lang po, medyo naano nga ako nun, bothered ako nung time na yun, kasi nga naiisip ko pa yun.”

Hindi nagtagal ang relasyon nina Anton at ni John dahil wala pang isang taon ay naghiwalay rin sila.

Kaya kinalimutan na raw niya ang bahaging ito ng kanyang buhay.

“Ang tagal ko nang ibinaon sa limot 'tapos biglang lumabas pa,” pakli ni Anton.

STAYING AWAY FROM SOCIAL MEDIA. Noong lumabas ang mga bakas ng kanyang nakaraan, natakot daw si Anton na baka madiskaril ang kanyang papausbong na singing career.

Kaya raw may panahong umiwas siya sa social media.

Lahad niya, “Ako naman, nung time na yun, di talaga ako nagbabasa ng comments.

“As in, wala. Di ako nagsi-cell phone, di ako nagpi-Facebook. Wala akong binabasang comments at all.

“Pero na-realize ko na unfair naman dun sa mga sumusuporta sa akin na nagku-comment.

“So, hanggang eventually, natutunan ko na lang na huwag na lang pansinin ang mga bashers.”

Paano siya pinatatag ng kanyang nakaraan?

Seryosong tugon ni Anton, “Well, ano po yun, yung mga uri ng pagkakamali na marami kang matututunan, na kahit na husgahan ka ng tao, e, matuto kang patunayan na mas...

“Kumbaga, na may mas maibubuga ka pa. Mas, kumbaga, hindi ka maliit na tao.

“Parang ganun. Then, ayun lang po...

“Yun naman yung mga nagpapalakas sa akin, yung mga napagdaanan kong problema.,

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi, since 18 ako, mag-isa lang ako, e.

“So, parang wala akong guidance na nakukuha.

"Again, yun nga, katulad ng sinabi ko kanina, sa pagdedesisyon sa buhay ko, parang ako lang parati. Parang, padalus-dalos.”

Paano niya sinasagot ang mga taong nagtatanong tungkol sa kanyang nakaraan?

Ayon kay Anton, “Ako po, parang nasanay na lang ako na huwag na lang mag-comment, kasi hindi naman alam ng lahat yung pinagdaanan ko as a person.

“Kumbaga, hindi naman nila ako kilala personally, yung nakikita lang nila sa TV na kumakanta ako, ganun.

"Kumbaga, hindi nila alam kung anong nangyari behind nun.

“Kung ano yung trauma na nadulot sa akin nun.

"Kaya, yun lang, madalas no comment lang po ako. 

“Ako po, siguro po... Paano ba? Kapag tinatanong ako ng ganito, medyo naba-blangko ako.

"Pero yun na nga po, as usual, past na nga po, parang lumipas na, e. 

“Heto ako ngayon, masaya na ako kung anong nangyari sa buhay ko."

Patuloy niya, "Ang goal ko ngayon is to move forward.

"Kaya lahat ng masasamang experience... for them siguro kasi parang hindi masamang experience... for me, it is. 

“A, yun lang ako. Diretso lang yung tingin palayo sa mga negative vibes.”

Sa huli, nilinaw ng PEP.ph kung bakit itinuturing niyang masamang experience ang pagpapakasal sa kapwa lalaki noon.

Sagot ni Anton, “Uhm, paano ba? Ang masasabi ko lang po, mali yung decision ko nun. 

"Mali yung decision ko, na ngayon hindi ko na siya uulitin. Padalus-dalos lang po talaga.”


Stories We Are Tracking

TNT semifinalist Paolo Antenorcruz was once married to a man
TNT semifinalist Paolo Antenorcruz was once married to a man


ABOUT THE AUTHOR

Lead Correspondent, Top Story Man '12, Stringer of the Year '13, Top Contributor '14, Staff Reporter of the Year '15-'16 @arnielcserato (Twitter/Instagram)


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN