Alden Richards pleads to bashers of Janine Gutierrez, Andrea Torres: "Ako na lang po ang i-bash nila."

IMAGE Noel Orsal

Alden Richards is saddened that he can't seem to work with other actresses without being linked to them: "Lahat po ng madidikit sa akin, wala pong malice, nabibigyan po ng malisya." 


May pakiusap si Alden Richards sa mga namba-bash kina Janine Gutierrez at Andrea Torres, ang kanyang co-stars at leading ladies sa bagong Kapuso teleserye na Victor Magtanggol.

Ayon sa Pambansang Bae, “Again, babalik po tayo sa trabaho lang po ito. Kumbaga, hindi po talaga dapat [ang mag-bash]. 

“Kung meron man pong nangba-bash kay Janine o kay Andrea o sa iba pang leading ladies, sana po huwag.

"Kasi, hindi po nila deserve.

“Kumbaga, ako na lang po, ako na lang po ang i-bash nila.

"Kasi sa akin naman sila may sama ng loob, yung iba pong matinding bashers.

“Pero nagtatrabaho lang po kami at siyempre, para po sa amin as actors, at siyempre po, para po sa kabuhayan namin.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang reporters si Alden sa grand media conference ng Victor Magtanggol sa Studio 7 ng GMA Annex Building, Lunes ng gabi, July 23.

Natutunan na rin daw ni Alden na hindi magpaapekto sa bashers.

“Hindi na po,” sambit niya.

“Kasi, sa history naman, hindi naman nawalan ng bashers.

"Siyempre, noong nagka-AlDub po, dumami po ang nagmahal, dumami lang po nang konti ang bashers. 

"Pero since then po, hindi po talaga ako na-push na sumagot, e."

Ang AlDub ay ang phenomenal love team nina Alden at Maine Mendoza, na siyang nagpasikat pa lalo sa karera ng Kapuso actor.

Maraming supporters ng AlDub ang ayaw paghiwalayin ang kanilang tambalan, kaya ang ilan ay inaakusahan ang ibang nakakatrabaho ni Alden na sumisira sa samahang AlDub.

Ngunit pilit itong hindi pinapansin ni Alden.

Sabi niya, “Hindi na po ako nag-e-entertain.

“Kaya minsan, nagugulat na lang po ako kapag magkikita kami ng mga supporters ko na, 'Alden, alam mo ba na ganito? Alden alam mo ba na ganyan?' Hindi ko po talaga alam.

“Minsan, sila na lang ang nagsasabi kaya sinasabi ko na lang na kapag may mga ganyang bagay, huwag na lang nilang sabihin sa akin. Kasi minsan yun pa ang nagku-cause na masisira ang araw mo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya ako, gawin na lang natin kung ano ang tama at doon tayo lagi sa kabutihan.

"Kapag lagi pong masama ang ginagawa, malulunod ka na lang dun, hindi ka na makaka-recover."

FALLING FOR A CO-STAR. Natanong din si Alden tungkol sa posibilidad na ma-in love na o magkaroon ng relasyon sa isang leading lady o co-star niya. 

Sinabi nitong never naman siyang nagsasara ng posibilidad kahit na kanino siya magkagusto—mapa-showbiz o non-showbiz man ito.

Pero hindi ba siya natatakot na baka kapag tuluyan na siyang ma-involve romantically sa isang babae, mas lalo siyang makatanggap ng pamba-bash?

Tugon niya, “Yun nga po ang medyo nakakalungkot isipin.

“Parang yun ang common knowledge na lahat po ng madidikit sa akin, wala pong malice, nabibigyan po ng malisya.

“Pero tuluy-tuloy pa rin po ang buhay.

“Ako po, tuluy-tuloy lang po ako regardless po kung ano ang sabihin ng ibang tao.

"Siyempre, buhay mo naman ito. Tayo po ang may desisyon kung ano ang gusto nating gawin sa buhay natin."

Hiningan din si Alden ng mensahe sa mga namba-bash sa kanya.

Nakangiting sabi niya, “Siguro po, kesa sa tingnan natin kung ano yung mga kamalian na nakikita natin sa ibang tao at mga pinanggagalingan kung anuman ang gusto nilang sabihin, siguro mas tingnan na lang natin ang sarili natin bago natin sabihin ang mga bagay na hindi maganda sa pandinig at mata.

“Kasi, hindi naman po kabawasan sa mga taong bina-bash nila yun. Kabawasan po yun sa pagkatao nila.”

“Ako po, ang suggestion ko, magdasal sila.

"At saka tingnan nila ang sarili nila bago sila manghusga ng iba."

Biniro namin si Alden na bakit hindi niya imbitahan ang kanyang bashers na panoorin ang pagbabalik-GMA Telebabad niya sa Victor Magtanggol, na magsisimula sa Lunes, July 30, pagkatapos ng 24 Oras.

Natatawang sabi naman niya, “Sa lahat ng mga bashers po, manood po kayo ng Victor Magtanggol, baka lang naman po gusto niyo.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN