Lights, Camera, Election: Angelika dela Cruz, Toto Natividad, other celebs as barangay officials

IMAGE Courtesy: Toto Natividad, Miggy Tolentino, Angelika dela Cruz, Pao Marquez on Facebook / @jennquizon

PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) captures a day in the office of these celebrities who won in the recent barangay and Sangguniang Kabataan (SK) elections. Left to right: Toto Natividad, Miggy Tolentino, Angelika dela Cruz, Paolo Marquez, and Jennie Quizon.


Halos isang buwan nang nasa puwesto ang bagong halal na mga kapitan, konsehal, pati na Sangguniang Kabataan (SK) chairpersons at SK councilors.

Ilan sa nakaagaw ng atensiyon ng publiko ang mga nanalong artista sa pagka-kapitan na kung tutuusin ay hindi na rin naman bago sa sitwasyon sa ating bansa.

Kada eleksyon, may mga tumatakbong artista.

Ilan sa kanila ay pinalad at may iba namang nabigo sa mga puwestong kanilang inaasam na masungkit.

Nitong 2018 Barangay and SK elections, na ginanap noong May 14, 2018, ilan sa mga nagwaging kapitan mula sa showbiz ay sina Angelika dela Cruz (Longos, Malabon), Jenn Salimao Quizon (Tambo, Parañaque), Paolo Marquez (BF Homes, Parañaque), at Toto Natividad (Kaunlaran, Navotas).

Hiningan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng pahayag ang ilan mga nahalal na kapitan ngayong opisyal na silang nakapanumpa at nakaupo sa puwesto.

Anu-ano ba ang kanilang mga plano ngayong nakaupo na sila sa puwesto?

Anu-ano ang kanilang mga pangako noong kampanya na nais nilang unang gawin ngayong pormal na silang nakaupo?

Narito ang kanilang mga sagot...

ANGELIKA DELA CRUZ

Pangalawang termino na ni Angelika, 36, sa pagiging kapitana ng Barangay Longos, Malabon City.

Maituturing na landslide ang kanyang pagkapanalo sa kanyang pangalawang termino.

Halos 4,000 votes ang lamang ni Angelika sa nag-iisa niyang nakalaban noong nakaraang halalan sa Longos, kung saan may 10,500 botante.


Sabi ng actress-politician, “Nakita nila ang mga magagandang projects ko at nakita nila ang magandang pagbabago sa lugar namin.”

Ipagpapatuloy raw ni Angelika kung ano ang mga nasimulan niyang proyekto sa kanilang barangay, at uunahin daw niya ngayon ang paglilinis sa kanilang kapaligiran.

Saad ng kapitana, “Ipagpapatuloy ko ang mga nasimulang projects ko.

“Simulan ko na agad ang paglilinis at pagtanggal ng mga obstructions sa barangay ko.”

Dagdag pa ng singer-actress turned public servant, "Mahirap pero kapag nakikita ko yung magagandang nagawa ko at mga natulungan ko, sulit ang pinaghirapan.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Mensahe naman niya sa kanyang mga kabarangay, “Salamat po sa muling pagmamahal sa akin.

"Ipagpapatuloy natin ang kagandahan, kalusugan, kalinisan, at kapayapaan ng Barangay Longos.”

TOTO NATIVIDAD

Bilang beteranong direktor sa telebisyon at pelikula, hindi inasahan ng marami ang pagpalaot sa pulitika ng FPJ's Ang Probinsyano director na si Toto Natividad.

Unang sabak ni Direk Toto sa pulitika ang pagtakbo bilang kapitan sa Barangay Kaunlaran, Navotas City, at masuwerte siyang nakalusot at nanalo.

Halos 500 votes lang ang lamang ni Direk Toto sa sumunod sa kanya, kung saan tatlo silang naglaban-laban sa pagka-kapitan.


Hindi naging madali ang tinahak na landas ni Direk Toto bago napanalunan ang kanyang puwesto bilang kapitan.

Ilang araw bago ang halalan, pinaratangan siyang sangkot diumano sa bentahan ng ipinagbabawal na gamot.

Pero nanindigan ang direktor na malinis ang kanyang konsensiya at ito ay puro paninira lamang.

Ayon kay Direk Toto, kaya siya ibinoto ng kanyang mga kabarangay ay dahil nagsawa na siguro ang mg ito sa traditional politicians.

Saad niya, “Bagong kandidato, sinseridad, walang bahid ng kurapsyon, may malasakit, may mga natulungan at tinutulungan, kilalang director sa larangan ng pelikula at telebisyon."

Sa kanyang pag-upo noong July 1, ipinangako ni Direk Toto na pagtutuunan niya ng pansin ang peace and order, kalinisan, kagandahan, education, jobs, at ang kapakanan ng senior citizens.

Pagdating naman daw sa pagdidirek niya ng Ang Probinsyano, na pinagbibidahan ni Coco Martin, ipagpapatuloy pa rin niya ito.

Biro pa niya, “Piling araw na lang po.

“Dapat po ako magtrabaho para di ko kupitin ang pera ng barangay.”

PAOLO MARQUEZ

Hindi na bago kay Paolo Marquez ang pulitika.

Lumaki siya sa sa piling ng amang si Joey Marquez, na nakatatlong termino bilang mayor ng Parañaque City.

Naging SK councilor si Paolo noong siya ay 16 na taong gulang pa lamang sa Barangay BF Homes, habang ang kuya niyang si Jeremy Marquez ay Barangay kagawad naman sa nasabing lugar.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Noong August 2017, na-appoint si Jeremy bilang deputy secretary general ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) kaya nabakante ang puwesto nito bilang kapitan ng BF Homes.

Ito raw ang naging dahilan kaya naisipan ni Paolo na tumakbo sa pagka-kapitan sa kanilang lugar nitong nakaraang halalan.


Pahayag ni Paolo sa PEP.ph, “Sa tagal ng aking paninilbihan sa barangay, ibinuhos ko ang aking kaalaman, pagmamahal, at kakayahan para makagawa ng mga kaparaanan na makatulong.

“Sa aking pananaw, naniniwala sila sa aking dedikasyon at malasakit sa barangay kaya nila ako inihalal sa barangay.”

Ayon pa kay Paolo, ilan sa naging pangako niya noong campaign period ay ang mga isyu tungkol sa kanilang lugar.

Saad niya, “Naging plataporma ko ang patuloy pang pagpapaganda at ang pagsasaayos pa ng mga serbisyo ng barangay na nakatuon sa mga aspeto ng barangay legislation, personnel development, barangay management, equipment and supplies.

"At ang priority programs na nakatuon sa public safety, health, cleanliness and beautification, livelihood, substance abuse, at iba pang mga issues and challenges na kinahaharap ng ating barangay sa kasalukuyang panahon.”

Landslide ang pagkapanalo ni Paolo at ng kanyang mga kapartido sa halalan. Kaya malaki ang pasasalamat niya sa kanyang mga kabarangay sa tiwalang ibinibigay sa kanila.

Sabi niya, “Una kami po ay lubos na nagpapasalamat sa aming mga kasama na nagbigay ng oras upang lumahok noong huling barangay elections.

“Asahan po ninyo at sa inyong tiwala na naibigay sa amin, na mas lalo po naming pagbubutihan ang aming mga tungkulin sa inyo.”

Sa kanyang pag-upo noong July 1, ipinangako ni Paolo na pagbutihin pa ang serbisyo ng barangay para sa kanyang mga nasasakupan.

Aniya, “Ang aming plano ay maglunsad ng mga programang magpapalakas pa ng aming kapasidad bilang isang barangay at sisimulan namin sa pagbili ng mga pangunahing kagamitan at iba pang mga pangangailangan ng barangay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Maliban doon ay magsisimula rin kaming pataasin ang kakayahan ng aming mga kawani para mas epektibo silang makapagabot pa ng serbisyo."

OTHER CELEBS WHO WERE ELECTED

Hindi sumagot sa aming mensahe si Jenn Salimao Quizon, at si That’s My Bae member Miggy Tolentino na nahalal bilang SK Chairman ng Barangay 34, Maypajo, Caloocan City.

Pero sa naunang panayam sa misis ni Vandolph Quizon na si Jenn, sinabi nitong tututukan niya ang pangunahing pangangailangan ng kanyang mga kabarangay, lalo na ang medisina, trabaho, at livelihood sa kanilang lugar.


ABOUT THE AUTHOR

Lead Correspondent, Top Story Man '12, Stringer of the Year '13, Top Contributor '14, Staff Reporter of the Year '15-'16 @arnielcserato (Twitter/Instagram)


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN