Dion Ignacio reveals he has a daughter with live-in partner

IMAGE Noel Orsal

Dion Ignacio on marrying his live-in partner: "Hindi pa sa ngayon, pero pakakasalan ko siyempre. Sa kanya ako may anak, ayoko ng may ibang babae pa ako na, alam mo yun, may anak dito, may anak dun. Magulo yun, ayoko ng magulong pamilya."


Isa nang ama ang Kapuso actor na si Dion Ignacio.

Inamin ito ni Dion nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa media conference ng bagong prime time series ng GMA-7, ang Victor Magtanggol, noong Lunes, July 23.

Dito ay kinumpirma ng StarStruck alumnus na nagsasama na sila ng kanyang non-showbiz girlfriend, "Mga isang taon at kalahati."

Mayroon na rin daw silang anak.

"May baby na kami! One year old na,” pagtukoy ng 32-year-old actor sa anak niyang babae na nagngangalang Dylanne Jailee.

Ano ang pakiramdam maging ama for the first time?

Tugon ni Dion, “Masarap, excited lagi umuwi after ng trabaho.

“At saka inspired magtrabaho. Kasi ginagawa mo yun para sa pamilya mo.”

Hindi pa sila kasal ng ina ng kanyang anak. Balak na ba nilang magpakasal?

Ayon kay Dion, “Hindi pa sa ngayon, pero pakakasalan ko siyempre.

“Sa kanya ako may anak, ayoko ng may ibang babae pa ako na, alam mo yun, may anak dito, may anak dun.

“Magulo yun, ayoko ng magulong pamilya.”

May pinag-uusapan na ba silang petsa ng kasal?

“Wala pa, hindi ko pa masabi ngayon.

“Siguro kailangan pang mag-ipon, paghandaan na mabuti.

“Pero hindi naman kailangang magarbo e, di ba? Basta magpakasal kayo.”

Dating flight attendant ang karelasyon ni Dion.

“Sa Etihad. Ngayon nagbi-business siya, cosmetics, ganun, i-search nyo sa Instagram, Skin Potions,” banggit pa niya.

BACK IN EACH OTHER'S ARMS

Dati na raw silang may relasyon, pero nagkahiwalay sila at hindi nagkita ng walong taon.

Bago sila nagkahiwalay ng walong taon ay apat na buwan lamang ang kanilang relasyon.

Paliwanag ni Dion, “Kasi nagpunta siya abroad para magtrabaho.

“Pero siyempre nagka-girlfriend din ako ng iba, pero siya nagkaroon din [ng boyfriend], isa lang.”

Baka talagang meant to be na maging sila?

Pahayag ng aktor, “Ganun ang gusto kong makasama sa buhay kasi hindi dapat na panandalian.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi may edad na rin tayo, 32 na ako, so hindi ko na kailangan ng mga fling-fling.

“Gusto ko na yung partner ko na hanggang sa pagtanda ko.”

Faithful daw si Dion sa karelasyon niya.

Rebelasyon pa niya, “Sinurender ko na lahat—Facebook, Instagram…

“Kunyari pag finallow niyo ako sa IG, puwede niya ring pasukin yun!”

Ibig sabihin, alam ng karelasyon niya ang password ng mga social media account niya.

“Tama lang yun para may disiplina ka. Oo, kasi wala akong itinatago, e,” sabi ni Dion.

So, may duda sa kanya ang karelasyon niya?

“Oo naman!” natatawang pagsang-ayon ng Kapuso actor.

“Kilala niya ako, kilala niya kung sino ako nun!

“Pero siyempre ang tao naman, nagbabago iyan, e, di ba?

“Hindi naman habang panahon ganun.

“Lalo ngayon, may anak, lalo kang magbabago.

“Kasi hindi naman habang panahon baby yun, magkakaisip yun, dapat proud siya sa daddy niya.”

Ipalalabas ang Victor Magtanggol simula sa Lunes, July 30, kapalit ng The Cure.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN