“Lokohan lang namin yun.”
Ito ang paglilinaw ni Kim Chiu sa ginawang biro sa kanya ni Bela Padilla sa guest appearance nila sa Gandang Gabi Vice noong nakaraang Linggo, July 22.
Maraming fans ang hindi nagustuhan ang biro ni Bela kay Kim sa segment ng show na “Tanong Mo Mukha Mo,” kung saan hiningi ng host na si Vice Ganda ang nais nilang itanong sa ex-boyfriend ni Kim na si Gerald Anderson.
Mas nainis pa ang ilan nang kumanta si Bela at Vice ng “Bakit Labis Kitang Mahal” habang nag-iisip si Kim ng kanyang itatanong.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kim tungkol dito matapos ang story conference ng bagong pelikulang pagtatambalan nila ni Dennis Trillo, ang One Great Love ng Regal Entertainment, Inc., kahapon, July 30.
Paliwanag ng Kapamilya actress, “Ganyan kasi kami magkuwentuhan ni Bela, so parang nasanay na kami sa isa't isa.
“'Tapos, nakalimutan namin, sa kakatsika namin, ay, nanonood pala ang buong bansa, ang dami pa lang nakakapanood sa amin!
“So yun, tuksuhan lang talaga.”
Nilinaw rin ni Kim na wala namang ibang kahulugan ang pagkanta nina Bela at Vice.
“Noong time na yun, hindi ko alam na kinanta niya yung ganung kanta.
“Sabi ko sa kanya, 'Bakit mo kasi kinanta yun?'
"'E, tinutukso mo ako kay Jim, e, ayaw ko naman kay Jim. E, di tuksuhin din kita sa ayaw mo.'
“Wala naman [hugot] kasi idinidiin ko din siya sa taong ayaw niya rin, parang inisan lang.
“Ganun kami nang normal, parang nakalimutan namin na may nanonood pala.”
Muling nilinaw ni Kim na hindi naman siya apektado sa ginawang biro sa kanya ng kaibigang si Bela.
“Wala, ano lang namin yun, biruan, sobrang joke-joke lang.
“Yun nga, yung ibang tao sobrang solid supporters sila, naaapektuhan sila.
“Hindi sila sanay sa amin.
“Ngayon lang nila nakitang... Second time, una sa Magandang Buhay, pero hindi naman masyadong garapalang katatawanan kasi kuwento ng pagiging maging magkaibigan.
“Ito, ganun kasi talaga kami, katuwaan lang.”
Sinabi pa ni Kim na mas masaya kung kasama ang isa pa nilang kaibigang si Angelica Panganiban kapag nag-guest sila ulit sa GGV.
“Isama na natin si Angelica, mas malala, mas maingay,” pagtatapos ni Kim.