Mayor ang karakter ni Aiko Melendez sa gay melodrama film na Rainbow’s Sunset, na ididirek ni Joel Lamangan mula sa screenplay ni Eric Ramos.
“It’s very true-to-life because my boyfriend is a mayor, so... Ha! Ha! Ha! Ha!” masayang halakhak ni Aiko nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa storycon ng pelikula nitong Agosto 2, Huwebes ng hapon, sa Salu restaurant, Sct. Torillo St., QC.
Patuloy ng aktres, “So, medyo may konek, di ba?
“So... I’m very excited to be working with Direk Joel Lamangan.”
Huli siyang naidirek ni Direk Joel sa teleseryeng Basahang Ginto (2010, GMA-7), at sa pelikulang Filipinas (2003).
Hihingi ba siya ng tips sa boyfriend niyang si Subic Mayor Jay Khonghun?
“Tama!” mabilis na sagot ni Aiko.
May pangarap ba siyang maging mayor?
“Ahmm, hindi. Ibibigay ko na lang sa mayor kong boyfriend,” sambit ng dating konsehal ng Quezon City.
“Kasi, since wala naman ako sa politics ngayon, so... but I’m not closing my doors to politics.
“But for now, dito muna.”
ESTRANGED WIFE
Ginugulo pa ba siya ng kampo ng dating asawa ni Mayor Jay?
Sagot ni Aiko, “Ay, wala! Wala na! Kasi naman, tumahimik naman. Lumabas yung totoo, di ba?
“Nakakatawa lang. Pero I don’t wanna say anything about it because si Mayor naman has defended me already.
“I think the best person to defend me in all these issues is him.
“He did naman. Kaya ayun...”
May balak na ba sila ni Mayor na i-level up ang kanilang relasyon?
“Oo naman,” napapangiting saad ni Aiko.
“Siyempre, gusto naman namin na panghabang-buhay na.
“And then, you know, aayusin lang namin lahat ng bagay-bagay, ‘tapos, yun na rin.
“We only wish for the best, and pray for the best.”
Gaano na sila katagal?
“Secret! Basta, malapit nang mag-anniversary!” nakangiti pa ring bulalas ni Aiko.