Natukso!
Ito ang pinakadahilan ng dating child star na si CJ Ramos—Cromell John Ramos sa tunay na buhay—kung bakit muli raw niyang sinubukang gumamit ng ipinagbabawal na gamot.
Ngayong Biyernes, August 3, iniharap si CJ sa isinagawang media briefing ng National Capital Region Police Office (NCRPO), sa pangunguna ni NCRPO Regional Director Police Chief Superintendent Guillermo Eleazar.
Dito ay sinabi ng dating aktor na kailangan niya ng pampalakas ng katawan noong gabing nahuli siya kaya siya nagtangkang bumili ng shabu.
“Maglalaba talaga ako nun, sakit ng katawan ko, e, kailangan ko ng pampapalakas,” pahayag ng Tanging Yaman cast member.
Ngunit nahuli siya, kasama ang dalawa pa, sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Northern Police District (NPD) at Eastern Police District (EPD) sa isang convenience store sa Tandang Sora, Quezon City, Martes ng gabi, July 31.
Dahil dito, napurnada ang paggamait sana niya ng shabu.
Ayon pa kay CJ, 31, napariwara ang kanyang buhay noong nawalan siya ng career sa showbiz may 15 taon na ang nakararaan.
Ito raw ang dahilan kaya ibinaling niya sa droga ang lungkot at problemang dinadala.
Saad niya, “Siguro yung sa hirap ng buhay, problema, at saka sobrang addictive talaga itong droga na ito, e.
“Biktima lang po ako talaga. Pero ang problema dun, nagpapabiktima tayo sa ganitong masamang bisyo na ito.”
Kanino siya humihingi ng pambili ng ilegal na droga noon?
Tugon ni CJ, “Humihingi ako sa parents ko, pahirapan nga, e, kasi wala po ako trabaho. Hindi po nila alam.”
NASA HULI ANG PAGSISISI
Ayon pa sa dating child actor, halos sampung taon siyang nalulong sa droga at tumigil na raw siya sa paggamit nito noong nakaraang taon.
Pilit daw niyang nilalabanan ang pagdu-droga ngunit hindi niya napigilang matukso.
Saad niya, “Natukso lang din po ako. Tumigil na din po ako mga isang taon na.
“Nagpahinga ako ng isang taon, sabi ko sa sarili ko, ‘Ayoko na.’
“Tiniis ko talaga. Pero nung gabi na yun, hindi ko alam, natukso lang po talaga ako.
“Na-one time, big time lang po talaga ako.
“Wala, e, nasa huli ang pagsisisi talaga.”
Naging emosyunal naman si CJ nang mapag-usapan ang mga leksiyon na kanyang natutunan dahil sa pagdu-droga.
Payo niya sa mga kapwa niyang lulong dito, “Huwag niyo na subukan, kung may chance pa kayo, itigil niyo na.
“Basta ako, nahihirapan ako. Wala, e, ganun.
“I hate drugs, hindi na ako magda-drugs kahit kailan.”
Noong aktibo pa raw siya sa showbiz, hindi raw sinubukan ni CJ na gumamit ng droga.
Kaya wala raw siyang alam kung sinu-sino ang mga artistang gumagamit din ng droga.
Huling napanood si CJ sa weekly drama anthology ng GMA-7 na Tadhana noong 2017.
Nag-guest lang daw siya rito at hindi na ito nasundan.
Mensahe pa niya, “Itigil niyo na iyan. Bahala kayo sa buhay niyo. [Huwag niyo] sayangin ang buhay niyo.”
Natakot din daw siya sa kampanya ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa droga.
“Natakot siyempre. Buti nga humihinga pa ako ngayon, e.”
Sa huli, humingi naman ng tawad si CJ sa kanyang ina.