Sa Caloocan City Police Station jail nakapiit ngayon ang dating child actor na si CJ Ramos.
Ito ay matapos siyang masakote sa buy-bust operation na isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Northern Police District (NPD) at Eastern Police District (EPD) sa isang convenience store sa Tandang Sora, Quezon City, Martes ng gabi, July 31.
Sa exclusive interview ni Korina Sanchez sa programa nitong Rated K sa ABS-CBN kagabi, August 5, inamin ng dating child actor na na-depress siya nang husto dahil sa napunta sa wala ang naipon niyang pera noon.
Lahad ni CJ, “Pagdating ko ng high school, medyo tumatamlay na po yung karera ko nun.
“Alanganin yung edad ko ba—alanganing bata, alanganing matanda.
“Hindi na ako pinapirma ng kontrata, wala akong manager kaya napabayaan po [career].”
Nakapag-ipon ba siya mula sa mga kinita niya sa pag-aartista?
“May mga naipundar naman po ako pero unti-unti rin pong nawala,” tugon ni CJ.
May naitabi raw siya noong halos isang milyong pisong ipon na balak sana niyang gamitin sa pag-aaral, ngunit naipautang daw nila ito at hindi naman binayaran.
“Tinakbuhan po kami ng isang taong nangutang sa amin.
"Simula po nun, as in zero. Parang pinagtakluban po kami ng langit at lupa.
“Ang inuulam namin sa loob ng halos dalawang taon: isang sardinas, itlog, at kanin. Naghahati po kami doon ng pamilya.
“Doon po siguro ako na-depress, kasi first time ko po nakaramdam ng hirap na ganun, e.
“Dahil nung bata po ako, nagtatrabaho ako. Nung bata pa ako, hindi ganun ang buhay ko.”
DRUG ABUSE
Kasunod nito, napabarkada si CJ at nagsimulang gumamit ng ilegal na droga.
Aniya, “Siyempre nalungkot kung bakit nangyayari yung ganito.
"Doon na po nag-uumpisa yung paggamit ko ng ilegal na droga.”
Dahil sa pagiging lulong sa droga, napabayaan na raw niya ang kanyang sarili.
Ang droga lang daw ang naging takbuhan ni CJ kapag gusto niyang makalimot sa kanyang mga problema.
Inamin din niyang shabu ang ginagamit niya at dito na unti-unting nasira ang kanyang buhay.
Dagdag niya, “Nahihirapan po ako. Kasi hindi naman pupuwede yung magbibisyo ka at magtatrabaho ka e.”
Kaya raw apektado ang kanyang buhay.
“Siyempre inaabuso ko yung sarili ko. Naabuso yung katawan ko. Dun ko na-realize na, ‘Hindi, dapat itigil na.'
"Papasayahin lang yung utak mo, katawan mo sandal. 'Tapos paliligayahin ka, yung akala mo, pero hindi.
“Kapag nawala na yung tama mo, mali ka na.”
BECAUSE OF MY CHILD
Naisip daw minsan ni CJ wala na walang patutunguhan ang kanyang pagda-drugs kaya sinubukan daw niyang tumigil.
Sinubukan pa raw niya noong maghanapbuhay. Nag-aral siya sa TESDA at nag-apply papuntang abroad ngunit hindi natuloy.
Nagkaroon daw ng problema ang nakatakda sana niyang pagtatrabaho sa ibang bansa.
Dahil dito ay na-disappoint siya nang husto at muling gumamit ng ipinagbabawal na gamot.
Pero minsan, naiisip din daw niyang itigil na talaga ang paggamit ng shabu.
Pahayag pa ni CJ, “Dahil na rin po sa mga magulang ko. Dahil po nakikita kong malungkot sila.
“Dahil sa anak ko rin po. Sinubukan ko talaga tumigil ng isang taon, kaya ko naman.”
Kasunod nito, inamin niyang mayroon na siyang anak ngunit nasa poder daw ito ng ina.
Aniya, “Actually, matagal ko na po siyang hindi nakikita.
“Nandun po siya sa mommy niya, wala na po kaming communication.
“Hindi ko pa po kaya o alam kung paano maging isang ama.”
Sa ngayon, inaasam ni CJ na makalaya siya agad upang makapagsimulang muli.
Ang gusto lang daw niya ay isang simpleng buhay.
Sabi pa niya sa huli, “Napakahirap makulong. Sinasabi ko na lang sa sarili ko na pagsubok lang ito.”