Inaasahang makalalabas na ng kulungan ang dating child actor na si CJ Ramos, 31, kapag nakapagbayad ng piyansa ang kanyang pamilya ngayong Martes, August 7.
Ito ay ayon sa half-brother ni CJ—ang dating Abztract dancer at Kapuso actor na si Sherwin Ordoñez, 40.
Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Sherwin nitong Lunes, August 6,
Ayon kay Shewrin, nagkita pa silang magkapatid ilang araw bago maaresto si CJ sa isang buy-bust operation sa may Tandang Sora, Quezon City, noong nakaraang Martes, July 31.
“Last week. Oo, magkasama kami, pumunta siya rito kumuha ng...
"Binibigyan ko siya ng sapatos, kasi nagtitinda ako ng sapatos, e."
Pagkatapos nito ay ibinahagi ni Sherwin kung paano nalulong sa ilegal na droga si CJ.
Saad niya, “Before, yes, umamin naman siya. Before, oo, kasi kumbaga depression niya yun, e.
“Yung transition kasi ng pagiging artista niya, nawala siya sa limelight dahil yung tinatawag nilang awkward stage as a child star, yung transition to teens, mahirap.
“So, nawalan siya ng mga offers. 'Tapos ganito, ganyan, ganyan. 'Tapos nag-try siya mag-aral nun.”
Nagsimula ang career ni CJ bilang child actor sa bakuran ng ABS-CBN.
Naging bahagi siya ng dating sikat na youth-oriented show na AngTV.
Kabilang naman sa mga ginawa niyang pelikula ang Tumbasan Mo Ng Buhay (1993), Ang TV The Movie: The Adarna Adventure (1996), at Tanging Yaman (2000).
Si Sherwin naman ay nagsimula bilang miyembro ng all-male dance group na Abztract.
Pagkatapos nito ay pinasok niya ang pag-arte at naging contract artist ng GMA Network.
Kabilang sa mga proyektong nagawa niya noon ay ang Click (Batch 2, 2002-2003), Pintados (1999) at Ikaw Lang ang Mamahalin (2001).
CAREER CHALLENGES
Mas lalo raw napariwara ang kapatid nang hindi naging successful ang showbiz comeback nito sa GMA-7, kung saan nagningning ang showbiz career ni Sherwin.
Lahad ng kuya ni CJ, “Nung naging teenager na siya, yun yung time na nag-artista ako.
“Na from Abztract dancer, naging artista na ako.
"Nung kasikatan ko sa GMA, lumipat siya ng channel, ‘Sige, dito ka, baka mabigyan ka ng ano... baka sakali mabigyan ka ng mga projects.’
“Ayun, lumipat siya.
"Pero that time, marami ring pasibol na ano, andiyan yung StarStruck," pagtukoy ni Sherwin sa reality-based artista search ng Kapuso network.
“So, hindi na rin siya nakahabol.
"Kasabay niya sina JM de Guzman, best friend niya yun."
JM de Guzman and CJ Ramos
Dagdag pa ni Sherwin, “So, yun, parang that time na-frustrate... dun siya nag-start na maano sa drugs.”
DRUG ADDICTION
Kapag napapaaway raw dati si CJ ay si Sherwin ang umaayos dahil nagkataong kilala niya ang mga may-ari ng bars kung saan gumigimik ang nakababatang kapatid.
Ayon pa kay Sherwin, hindi siya nagkulang sa pagpapayo sa kapatid.
“Nagkausap kami niyan, sabi ko na, ‘Okay lang naman na tumikim ka ng ganyan.
“'Ayoko namang magpakaipokrito tayo lalo na at artista tayo, wala namang masama sa pagiging curious kung ano yung drugs or mga ano, pero hindi yung isisi lahat diyan o ituon yung frustrations mo o failures mo sa buhay.
“'Hindi mo dapat gagawing alternative na solution iyan for your problems,’ sabi ko.
“'Dapat hindi ka malunod sa ganyang ano, maraming options para maiwasan mo iyan, para masolusyunan mo yung mga problema mo.’
"Nakikinig naman siya sa akin. Sa akin lang naman siya nakikikinig, e, sa akin lang siya natatakot nun.
“So, yun na, nagkaroon na ng [marami pang problema]...
"Ako rin, nawala na rin sa limelight, so nag-struggle din siya, ako.”
Umaasa si Sherwin, na walang maging aberya bukas para makalaya na ang kapatid at makapiling nila itong muli.